Jolina Magdangal looks on the bright side of issues thrown at her since reemerging with new look

"Kapag nag-comment kayo, ibig sabihin, nakita niyo pa rin ako. Napuwing pa rin kayo ng isang Jolina," the irrepressible Jolens laughs at comments made about her repackaging.


For a while, halos nawala sa eksena si Jolina Magdangal. Ito iyong panahong nawala siya sa SOP. Pero sa pagbabalik niya sa show na ilang linggo pa lang ang nakararaan, lumikha kaagad ng ingay ang kanyang "new look."

Hindi lahat ng reaksiyon ay naging paborable sa bago niyang image. Sa isang pocket presscon para sa kanya sa Café Romulo kahapon, February 20, isa-isa niyang sinagot ang isyung ibinabato sa kanya ngayon. At ang masasabi ng mga press na dumalo ay walang tanong sa kanya na hindi niya sinagot nang diretso.

CHANGE OF IMAGE. "Actually, bago pa namin ginawa 'to, inisip ko na magkakaroon ng ganyan. Alam niyo, sa totoo lang, noong nag-aayos-ayos pa 'ko dati, yun ang sinabi sa akin ng mommy ko... na i-expect mo na yun.

"So, nagawa ko na dati. Wala akong pakialam sa mga sasabihin nila... Alam mo yun, masarap lang na nag-aayos ka ulit. Ginagawa mo or sinusuot mo ang mga gusto mong suutin. E, lahat naman talaga may masasabi sa 'yo. Kahit ayos na nga ang damit mo, may masasabi pa rin sa 'yo, di ba? Hahanapan at hahanapan ka ng butas. So, alam na alam ko na 'yan na may mga lalabas na ganyan."

At natatawang dagdag ni Jolens, "Kapag nag-comment kayo, ibig sabihin, nakita niyo pa rin ako. Napuwing pa rin kayo ng isang Jolina!"

Noon pa nga raw ay mga designers ang nagre-react sa mga suot niya.

"Pero alam niyo, nakikita ko, yung mga fans ko na napakatagal nang nandiyan, kahit anong ayos ko, mapa-radical or mapasimple or pambahay, nandiyan lang sila. Yun lang siyempre ang importante. Bakit mo pa papansinin yung mga kumo-comment na hindi mo naman nakikita or nakikilala, di ba?"

Hindi naman daw siya umaasa na susunod sa fashion niya ang mga fans niya.

"Siyempre kung saan sila masaya. Yun naman ang palagi kong sinasabi. Hindi ko ginagawa 'to dahil gayahin niyo 'ko. Ginagawa ko 'to dahil sa sarili ko. At saka, sa buhay naman natin, hindi naman consistent na ito lang ang gusto ko hanggang sa tumanda ako... Bigla kang magbabago dahil na rin sa mga experience mo araw-araw."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

COPYCAT? Gaya-gaya lang daw siya sa mga Hollywood stars tulad nina Lady Gaga, Kylie Minogue at Madonna.

"Sabihin na nating ginagaya, hello, Hollywood yun! Foreign yun! Icon yung mga yun. Sino ba naman ang hindi matutuwa kapag sinabi mo na katulad ka ni ano... Okey na rin, di ba?... Lahat naman may idol."

Hindi na raw siya bagets kaya parang desperate na raw itong moves niya.

"Teka lang, sa edad ba nababase yun kung ano ang hitsura mo? Bakit, meron naman na mga painter, hello, ang hikaw nun, mga beads-beads, pero dahil yun ang gusto nila, yun ang pananaw nila, ginagawa nila. E, yun din ako. Yun ang gusto ko, e.

"At saka isa pa, kapag suot-suot ko naman 'to, nasasaktan ba kayo? Natatamaan ba kayo ng accessories ko? Kinukurot-kurot ka ba? Hindi naman, di ba?" natatawa niyang sabi.

Ang importante, masaya siya sa bago niyang look.

"Palaging ganun naman ang gusto kong iparating sa mga tao. At ipakita sa mga tao na lahat ng ginagawa ko, masaya ako."

DADDY'S GIRL. Natutuwa naman daw ang tatay niyang si Mr. Jun Magdangal sa bago niyang image.

"Si Daddy masaya siya, kasi nga, kumbaga, ini-open na namin ang ganitong desisyon. Natutuwa siya na nagkukuwento siya ng mga ideas ko."

Matagal din na ang ama ang nag-handle ng career niya hanggang si Perry Lansigan na ang kinuha nilang manager. May mga nagsusulat ngayon na hindi raw happy ang daddy niya sa palakad ni Perry.

"Sobrang hindi totoo yun. Alam niyo si Daddy, kapag hindi 'yan happy, hindi niya ipipilit. At ang family namin, kung hindi happy at hindi buo ang desisyon, hindi namin ipipilit. Pero, since October, okey na kami nila Perry, e."

Natatawa rin siya sa tsismis na nag-alsa-balutan na raw siya. Kung kailan pa daw siya tumanda, saka pa raw siya lalayas sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE J MAG. Hindi rin daw masaya ang ama kay Perry dahil hindi nito pino-promote ang Jolie, ang style and entertainment magazine na inspired by all-things Jolina at kunsaan executive editor ang actress-TV host.

"Saan galing 'yan? Sino may sabi? Nakausap ba nila si Daddy? Naka-e-mail ba nila si Daddy? Naka-text-an ba nila si Daddy?... Dahil alam ko na walang puweba yung mga ganyan, hindi ako maniniwala...

"Alam niyo, bagong mundo sa akin ang magazine. Hindi siya ganun kadali. Sabi ko nga sa editorial ko, akala ko nagawa ko na lahat. Pero masu-surprise ka, may kaya ka pa palang gawin."

Dugtong pa niya, "In fairness kay Perry, hindi naman siya nag-start ng magazine, pero kung kailangan ko tulong niya like yung launch sa SOP, tinulungan niya kami."

"TAMPO" WITH STARSTRUCK? Hindi makakadalo si Jolina Magdangal sa reunion ng StarStruck Final Judgment mamayang gabi sa Araneta Coliseum. May nag-iisip tuloy na baka may tampo pa rin siya sa show, dahil imbes na kunin siyang host uli ay pinalitan siya ni Carla Abellana.

Pero ang paliwanag dito ni Jolina ay, "May prior commitment na 'ko. Kailan lang nila yun ini-invite. Kung may idea silang ganun, siyempre matagal na nilang sinabi.

"E, yung commitment ko, family talaga. Ito yung relatives talaga. So, 'pag ganun, parang hindi ko na mahindian. Siyempre, kapag nag-promise ka at family, e, sa Tagaytay siya, whole day affair yun. Siyempre, kung magho-host kami, dapat maaga nandun na. E, may mga kamag-anak pa na manggagaling sa iba't ibang lugar."

Inuulit niya, wala siyang tampo. "Wala!... Ayoko na ng mga ganung nega."

NO-SHOW AT PRESSCON. Naging usap-usapan din ang pag-alis niya kaagad sa grand launch ng Panday Kids last Tuesday, February 16. Pagkatapos ng presentation ng cast members ay tumakas na daw si Jolina at hindi na humarap sa press conference.

"Naku, ang mga headline niyo, ha, tumakas!" natatawang sabi ni Jolens.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hayan na naman, mga prior commitment. May meeting talaga kami ng 7 p.m. Anong oras nag-start? Hindi ba parang mga 9 p.m.? Nag-aaligaga na nga kami dun. Pero sige... So, pagkatapos ng presentation, kailangan ko talagang mag-fly na. Kasi, travel time pa, e, sa Makati pa ang meeting... May mga series of shows kami na ginagawa ng River Maya," paliwanag niya.

Dugtong pa niya, "At saka ito nga, may mga plans na rin kami na ganitong pa-interview."

KIDDIE SHOW FOR MATURE JOLINA. Bakit daw niya tinanggap ang Panday Kids? Di ba parang pangkaraniwan lang ang role niya bilang isang dating engkanto na naninirahan na sa mundo ng mga mortal?

Pero, sagot ni Jolina, napakahalaga nga ng ginagampanan ng character niya.

"Hindi sa hindi bida, kasi, ang laki ng papel niya run sa mga bata. Yung mga pag-connect-connect niya run sa mga bata at sa mundo ng mortal at imortal. Pero sa totoo lang, exciting, e. May mga changes na mangyayari sa gitna ng istorya. So, bakit ko naman hindi tatanggapin yung ganun?

"Parang tingin ko sa fantaserye, walang bida at hindi bida. Parang lahat 'yan, para tumakbo siya as fantaserye, magkakakonekta lahat yun. Pero siyempre, yung title, nasa mga bata, Panday Kids. Matawa kayo kung kasama 'ko sa mga kids!"

Pero since pa-mature at pa-daring na ang mga plano niya, ano't sa isang pambatang serye raw siya unang mapapanood?

"Hindi naman porke't pambata, kailangan mo nang umarte ng bata, e. Hindi naman porke't pambata, kailangan mo nang isipin na lahat lang ng puwedeng manood diyan bata... Sa akin iikot yung mga romantic side."

At ang love interest nga daw niya dito ay si Akihiro Sato.

Basta, masaya raw siya to be in Panday Kids.

"Alam niyo, sa totoo lang, kahit anong project, siyempre, blessing 'yan, e. Bakit ka pa ba magpapakalungkot sa ganun? At saka, yun nga, e, ngayon lang ako makakagawa ng fantaserye. At saka yun nga, yung role ko run, hindi lang normal na tao, may mga changes na mangyayari. So, na-excite akong talaga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN