Buboy Villar on estranged father: "Okay lang po kung gusto niya akong makita."

Panday Kids' Buboy Villar (center) is more than a onscreen hero, he's a survivor. Product of a broken home, sole breadwinner of his family, the plucky 9-year-old nevertheless keeps an open mind about his abusive father and hopes that his mother will find someone to love again.


Sunud-sunod ang blessings na dumarating sa child actor na si Robert "Buboy" Villar. Katatapos lang niyang gumanap bilang Ding sa Darna at ngayon ay isa siya sa mga bida sa bagong telefantasya ng GMA-7 na Panday Kids.

Kahit raw sinasabi ng marami na sikat na sikat na siya, parang nahihiya pa rin siyang tanggapin ito.

"Ayoko pong isipin na sikat ako. Gusto ko lang pong ipakita sa kanila na masaya ako dahil parati akong may trabaho at hindi ako pinapabayaan ng mga taga-GMA-7.

"Malaking tulong po kasi ito para sa akin at sa pamilya ko. Dahil sa mga trabahong ito, unti-unti pong naaayos ang buhay namin," ngiti pa ni Buboy.

BREADWINNER. Dahil nga sa kanyang pagiging masipag kaya siya nakapundar ng magandang bahay at sasakyan para sa kanyang pamilya. Tinanong namin si Buboy kung nakakaramdam ba siya ng pagod dahil tila wala siyang pahinga. Hindi, sagot ng 9-year-old.

"Masaya po kasi sa set parati. Nakakapahinga naman po ako kapag wala akong take. Natutulog po ako at gigisingin na lang ako kapag malapit na akong kunan. Hindi naman po ako nagpapabaya ng sarili ko.

"'Tsaka nasanay na po akong mapuyat. Ilang beses na akong gumanap na sidekick, di ba? Ngayon mas malaki na ang role na binigay sa akin sa Panday Kids kaya mas nadagdagan ang puyat. Pero hindi po ako nagrereklamo kasi para sa pamilya ko itong pagtatrabaho ko," ngiti ni Buboy.

BROKEN HOME. Hindi kaila sa marami na produkto ng broken home si Buboy. Kasama niya sa bahay ang kanyang ina at mga kapatid. Pero kahit matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang ama, mahal pa rin daw niya ito.

"Tatay ko pa rin naman siya at anak pa rin niya ako. Kahit na matagal na kaming hindi nagkikita, mahal ko pa rin siya. Wala naman po akong galit sa kanya. Kung kailangan po niya ng tulong, tutulungan ko naman po siya," diin ng bata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa bahagyang kuwento ng ina ni Buboy na si Ms. Noeme Tamayo, nakaranas sila ng pagmamalupit mula sa asawa nito. May bisyo raw kasi kaya madalas silang napag-iinitan at nasasaktan.

Pero hindi na iyon ngayon gustong isipin ni Buboy. Maayos na raw ang buhay nila dahil malayo na sila sa dating naranasan nila noong nandiyan pa ang ama niya.

"Matagal na po kasi iyon. Ngayon po ay masaya na kami. May sarili na kaming bahay at wala nang gulo. Gusto lang naman namin ay maging masaya kami parati at yung mga pangangailangan namin ay parating meron."

HIS WISH FOR MOTHER. Handa naman daw si Buboy na makausap muli ang kanyang ama. Kaya raw niya itong pakiharapan dahil wala siyang galit dito.

"Okey lang po kung gusto niya akong makita. Matagal ko na rin siyang hindi nakikita kasi. Kung tawagan po niya ako, kakausapin ko siya dahil tatay ko siya," diin ni Buboy.

Pero isa lang daw ang hindi puwede at iyon ay ang pumunta ang kanyang ama sa bago nilang bahay.

"Mahaba pong kuwento kasi. Okey lang po na makipagkita ako sa tatay ko kahit saan, huwag lang sa bahay namin. Mas mabuti raw po na hindi alam ng tatay ko kunsaan kami nakatira. Ayaw na po kasi ng nanay ko na magkaroon ng gulo kasi tahimik at masaya na po kami talaga."

Okey din daw kay Buboy kung may ibang mahalin na ang kanyang ina. Ang kaligayahan daw ng kanyang ina ang importante kay Buboy.

"Basta makita ko lang masaya ang nanay ko, masaya na rin po ako. Ayokong nakikitang malungkot siya kasi marami na po siyang pinagdaanan. Mabuti nga iyon at may nagpapangiti sa kanya parati," pagtatapos ni Buboy Villar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN