Direk Mario O'Hara is eyeing a beauty queen to play Gregoria de Jesus in his Cinemalaya entry

Director Mario O'Hara (main photo) is about to start shooting his Cinemalaya entry Ang Paglilitis ni Bonifacio this month. One of the roles in the movie is that of Gregoria de Jesus, which Direk Mario initially wanted Angel Locsin (inset, bottom) to play but he was not able to get her services.

On the other hand, Direk Mario is still hoping that he will be able to work with Superstar Nora Aunor (inset, top), who is said to be making a comeback


Kausap ni direktor Mario O'Hara kamakailan sa backstage ng Tanghalang Aurelio Tolentino, o Little Theater ng Cultural Center of the Philippines (CCP), ang isang magandang babae. Naro'n siya matapos ang pagtatanghal ng hapong 'yon ng dulang Tatlong Mariya, kung saan isang mahalagang papel (bilang si Doc Elpidio) ang ginampanan ng premyadong aktor at direktor.

Hindi naman nakaligtas sa paningin namin ang magandang dilag, na sa unang tingin nga'y isang kilalang beauty queen—si Danielle Castaño, ang 2008 Bb. Pilipinas-World. Tama ang unang impresyon ng direktor na magiging artista ang naging beauty titlist. Pero sa aming pag-uusisa, ayon din kay Direk Mario, hindi pa final ang pag-uusap o ang ilang minor negotiation terms ukol sa paglabas ni Danielle sa gagawing pelikula niya.

"Gusto ko siya! Talagang maganda! Mag-isa siyang nagpunta sa audition, dito sa CCP...," pagpupuri ni Direk Mario kay Danielle.

At hindi na nga inilihim ni Direk Mario na si Danielle ang posibleng magkamit ng mahalagang papel bilang si Gregoria de Jesus o Oryang, sa Ang Paglilitis ni Bonifacio, na entry ng direktor sa Cinemalaya 2010 Open Category.

REPLACEMENT FOR ANGEL LOCSIN. May lungkot at panghihinayang naman si Direk Mario sa hindi pagkakatuloy ng gusto niyang pagganap sana ni Angel Locsin sa gagawin niyang historical indie film. Ito ay tungkol sa naging paglilitis kay Andres Bonifacio at sa pagkakapatay dito at sa kapatid na si Procopio, na ang nasangkot ay ang unang Pangulo ng ating Republika na si Gen. Emilio Aguinaldo.

"Mahirap kunin si Angel Locsin, kasi may kontrata siya sa Star Cinema. Nag-try ako na kumontak, pero...." Hindi na lang nag-elaborate pa si Direk Mario hinggil sa mga kumplikasyon ng naturang offer sa isang kilala at abalang young actress na tulad ni Angel.

Ang importante, maganda ang naging response sa ipinatawag na audition ng CCP-Cinemalaya Filmfest 2010. Bukod kay Danielle, mayroon pang isang nag-audition na nakapasa sa pilian at posibleng magkaroon din ng mahalagang papel sakaling si Danielle na ang gaganap bilang Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Makikipag-usap pa ako sa manager ni Danielle upon her advice," sabi ni Direk Mario. Tumatalima ang direktor sa ilang pormalidad at wala namang bakas sa kanya ng pagkasuya hinggil sa mga hindi pa natutuloy na plano.

"Ang maganda kay Danielle," aniya, "talagang pursigido siya; na nag-aral sa Amerika, at malakas ang loob."

ALFRED VARGAS AND COCO MARTIN. Para sa dalawang pangunahing tauhan ng Ang Paglilitis ni Bonifacio, sigurado na ang casting ni Direk Mario.

"Alfred Vargas will portray Andres Bonifacio. Si Coco Martin ang gaganap na Aguinaldo," banggit niya.

Hindi ba masyadong bata si Coco para sa role ng heneral at unang Pangulo ng ating Republika?

"Babagay siya, lagyan mo lang ng salamin," sabi naman ni Direk Mario.

Nabi-visualize na niya ang magiging hitsura ng dalawang aktor ayon sa kani-kanilang papel sa kanyang sisimulang i-shoot na pelikula sa ikalawang linggo ng Marso.

"Si Alfred, bagay talagang Andres Bonifacio dahil Pilipinong-Pilipino ang hitsura niya. Ang kapatid niyang si Procopio [kasamang na-execute ng kapatid na bayani], si Kristoffer King ang gaganap," aniya.

Sa buwan ng Marso, pag-inform pa ni O'Hara sa PEP, ay magsu-shoot ang Cinemalaya competition entry (open category), on a staggered basis. March 8 to 10 ang unang tatlong araw at sa ikatlong linggo ng Marso ang mga susunod na shooting days.

In between ay may two-weekend run pa ang Tatlong Mariya (March 12-14; at March 19-21) kung saan ginagampanan ni Mario O'Hara ang papel ng amain ng tatlong bidang tauhan, bilang magkakapatid (Dolly de Leon-Gutierrez, Mailes Kanapi, at Angeli Bayani), sa dulang hinalaw ni Rody Vera sa Three Sisters ng Russian playwright na si Anton Chekov. Si Loy Arcenas ang direktor ng dula.

Magandang pagkakataon din na buo pa ang pakikipag-associate ni Direk Mario sa mga tauhan ng teatro, kung kaya't marami siyang nahikayat dito na gumanap sa marami pang tauhang sangkot sa obrang isinulat niya para sa gagawing independent film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WAITING FOR NORA AUNOR. Isa rin si Direk Mario sa mga nagpahayag ng interes na makatrabaho pa rin ang Superstar na si Nora Aunor, sakaling magbalik na sa bansa at maging available ang aktres na gumawa ng pelikula.

"Kung papayag siya, dapat mag-Cinemalaya kami," banggit niya. "Puwede kaming gumawa ng pang-Cinemalaya next year, o isa-suggest ko, para magkaroon ng funding."

Buo pa rin ang paniniwala o ang tiwala ng premyadong direktor sa aktres na unang nagkamit ng major acting awards sa pelikulang idinirek niya—ang Tatlong Taong Walang Diyos (1976) sa unang Gawad Urian at FAMAS, taong 1977.

Banggit pa ni Direk Mario, may dalawang natapos nang scripts na gusto niyang idirek para kay Nora. Isa'y isinulat ni Lualhati Bautista, ang Sumakay Tayo Sa Buwan, at ang isa'y mula sa dulang isinulat niya na nais niyang i-adapt sa pelikula at pinamagatang Luna Rosa. Love story ang huli, para kina Nora at Tirso Cruz III; may kuwentong tumatalakay sa buhay ng mga nagtatanghal noon sa live musical theater at ang kasalukuyan nilang paghahanap sa lumipas na panahon at pagmamahal.

Umaasa pa rin si Direk Mario na magkakaroon ng katuparan ang magagandang proyekto niya para kay Nora—sa teatro man o sa pelikula.

"Alam mo 'yan [si Nora], maski hayaan mo lang, maski walang ginagawa 'yan, pag gumawa 'yan [ng pelikula], everybody will stop and watch," sabi niya.

Nabanggit din ng PEP kay Direk Mario ang tungkol sa natamong nominasyon ng superstar sa gaganaping Green Globe Film Awards sa Los Angeles, California, sa March 23. Dito'y may nominasyon ang Superstar sa kategoryang 10 Best Asian Actresses of the Decade, kahanay ng iba pang aktres mula sa Taiwan, China, Singapore, Vietnam, at Korea. Si Nora ang tanging Pinay actress na napasali sa listahan ng mga nominado sa pinag-uusapan ngayong online poll.

Nangiti si Direk Mario at tungkol dito'y nagbigay ng magandang komento, patungkol kay Nora: "E, ang record naman niya actually, dapat na siyang maging National Artist!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN