Carmina Villarroel returns to sitcom in Pepito Manaloto

"Matagal din akong hindi nakagawa ng sitcom. Last ko ay yung Palibhasa Lalake at yung Abangan Ang Susunod Na Kabanata. Sa ABS-CBN 2 pa 'yon at bata pa ako," said Carmina Villarroel, who was 16 then and is now a mother of twins.


Ilang araw din daw na iniyakan ni Carmina Villarroel ang pagkawala ng daily show niya na SiS. Nasanay na raw siyang magising nang maaga para sa taping at live show nila nina Janice de Belen at Gelli de Belen at mami-miss niya raw ang magandang samahan nila at ng production staff na napalapit na rin sa kanya.

"Iyon ang naging matagal kong show dito sa GMA-7. Kahit na ilagay pa nila ako sa mga drama series, ang SiS talaga ang masasabi kong mother show ko kaya isipin n'yo na lang ang lungkot ko nang sabihin sa amin na it's over.

"Sobrang nami-miss ko ang bonding namin nila Gelli at Ate Janice and, of course, with the whole staff of the show. Iba ang samahan kasi namin talaga. We all shared the good and the bad times ng show.

"At siyempre, pati ang pagiging maingay ko nami-miss ko rin. Doon kasi ako nagiging natural. Wala akong pretensions kapag nasa SiS ako. Magkamali man ako sa pagbasa o mabulol man ako, pinagtatawanan lang namin talaga," pagre-reminisce pa ni Mina.

RETURN TO SITCOM. Pero maganda naman daw ang naging kapalit ng pagkawala ng SiS. Nabiyayaan si Mina ng isang exclusive station contract mula sa GMA-7. At ngayon, bukod sa telefantasya na The Last Prince ay may bagong sitcom siya with Michael V na Pepito Manaloto.

"Yun naman ang mga pinapasalamat ko sa Diyos. Sabi nga nila, if God closes a door, He opens a window. In my case nga, ang daming bintanang binukas kaya I am so thankful talaga.

"Itong Pepito Manaloto nga, akala ko binibiro lang ako ni Bitoy. Nasanay na kasi ako sa mga biro niya. Yun pala, totoo pala na gusto niya akong makasama sa sitcom. Okey lang kasi matagal din akong hindi nakagawa ng sitcom. Last ko ay yung Palibhasa Lalake at yung Abangan Ang Susunod Na Kabanata sa ABS-CBN 2 pa 'yon at bata pa ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sa gag shows kasi, si Bitoy nakasama ko na noon sa Tropang Trumpo. Tapos napasama ako sa Nuts Entertainment pa noon. Kaya sanay na ako sa mga okrayan at lokohan. Kaya it's great to be back doing a sitcom."

WANTS TO HOST SHOWBIZ CENTRAL. Pero ang gustung-gusto nga raw gawin ni Mina ay ang mag-host ulit ng show. At gusto niya ay ang maging guest host sana ng Showbiz Central.

"Sa totoo lang, gusto ko talaga, promise!" tawa pa ni Mina.

"Kasi nga noong mawala ang SiS, hindi na ako up to date sa mga latest tsismis. E, kapag may taping kasi kami ng SiS noon, si Gelli ang tagabalita ng kung anu-ano sa amin ni Ate Janice. Ako naman, palibhasa may pagkatsismosa rin, napapa-'Ha?!' at 'Talaga?' ako.

"Ewan ko ba, basta gusto ko ay updated ako sa mga tsismis. Huwag lang ako yung topic, di ba? Maloloka naman ako. Kaya gusto ko mag-pinch-hit ako paminsan-minsan sa Showbiz Central. Pakisabi sa kanila na type ko talaga," diin pa ni Mina.

COMMERCIAL FAMILY. Hindi rin matatawaran ang pagiging Commercial Queen na ni Carmina. Ang dami niyang product endorsements at madalas ay kasama ang buong pamilya niya.

"Blessings lahat 'yan na dumarating sa atin. I am so proud of my family kasi through the commercials na ginagawa namin, nakikita nila na okey kami, masaya kami at masasabing role model family.

"Though hindi ko naman sinasabi na we're a perfect family. May mga imperfections pa rin naman kami. But still, nakikita nila how we are sa bahay, sa pasyalan, kapag kumakain at kunsaan-saan pa. We are the typical happy family talaga kaya siguro kinukuha kami ng mga produktong ini-endorse namin."

TWINS IN SHOWBIZ. Handa na bang pumasok sa showbiz ang kanyang twins na sina Maverick at Cassandra?

"Naku, hindi ko alam... mag-usap muna kami ni Zoren [Legaspi]! Ayokong pagdesisyunan 'yan na hindi siya kasama, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noon pa naman na may mga kumukuha sa kanila. Pero sabi nga namin ay hanggang commercials muna sila. Kasi nga mga bata pa sila at nag-aaral pa. Kapag may shoot nga sila ng commercial, kami ni Zoren ay nasa tabi lang kami. Hindi kami nakikialam sa pag-arte nila. Bahala silang umarte sa anong gusto nila.

"Ayoko kasing matawag na stage mother, 'no! Nakakahiya kasi ang gano'n na nangingialam ka. Alam ko naman na nasa mabubuting kamay ang kambal namin ni Zoren kaya we let them enjoy themselves.

"As long as nakikita naming nag-e-enjoy ang dalawa sa ginagawa nila, okey sa amin. Ngayon kapag sinabi nilang ayaw na nila, hindi namin sila pipilitin pa."

Pakiramdam nga ni Mina na balang-araw ay pag-aartista rin ang papasukin ng kanilang kambal. Gusto lang naman ni Mina ay handa ang mga ito kapag pinasok na nila ang mundo ng showbiz.

"Isa lang naman ang gusto kong gawin nila at iyon ay makapagtapos ng pag-aaral nila. Kasi nga ako, hindi ko nagawa 'yan. Noong mag-artista ako, hindi na ako nakabalik pa sa school. Kaya I want my kids na gawing priority ang pag-aaral nila.

"Gusto ko ay makatuntong sila ng college level talaga. Sobrang magiging masaya kami ni Zoren when that time comes. Pero hindi naman namin inaalis ni Zoren ang katotohanan na papasukin pa rin nila ang showbiz. Parehong artista ang magulang nila kaya nasa dugo na nila ang pagiging artista. Tapos ang pinakain namin sa kanila ay galing sa mga kinikita namin sa showbiz, kaya hindi imposible, e.

"Kaya we want them na maging prepared kung dumating man ang araw na iyon. Kapag isa sa kanila ang lumapit sa amin at sinabing gusto na niyang subukan ang pag-aartista, pag-uusapan namin 'yan and we will let him or her decide kung gusto pa niyang i-pursue ang pag-aartista."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ABOUT BB. Walang ring kiyemeng sumagot si Mina tungkol sa kanyang dating mister na si Rustom Padilla na kilala na ngayon bilang BB Gandanghari. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa sila nagkikita at nagkakausap.

"The last time na mag-usap kami ay yung tungkol nga sa desisyon niya na mag-out na siya. Pero noong maging si BB Gandanghari na siya, never ko pa siyang nakita or nakausap nang personal.

"Siguro kapag nagkita kami ay magpapakilala ako sa kanya bilang respeto sa bago niyang katauhan. Ever since naman nang magbago siya ng gender ay nandoon pa rin ang respeto ko sa kanya.

"Kaya nga kahit magkasalubong pa kami ngayon, walang problema sa akin. Hindi ako iiwas sa kanya. Magpapakilala at haharap pa rin ako sa kanya," sabi pa niya.

WEDDING BELLS SOON? Tungkol naman sa nababalitang pagpapakasal daw nila ni Zoren sa taong ito, may sagot din diyan si Mina.

"Darating din kami diyan ni Zoren. Mangyayari at mangyayari rin 'yang wedding pero hindi pa siguro ngayon. Though may nagsabi na sa akin na magandang year ngayon to get married.

"Iniisip ko nga rin iyon kasi maganda ang pasok ng taon para sa amin ni Zoren. Hindi naman masamang pag-usapan ulit namin at magplano, di ba?

"Gusto kasi namin na pagdating ng araw na ikakasal kami ay talagang handang-handa na ang lahat at hindi dahil lang sa kagustuhan ng ilan na dapat magpakasal na kami.

"Hindi biro-biro ang kasal, di ba? It's something na dapat pag-isipan ninyo nang husto. Minsan nga tinatanong ko ang sarili ko kung kailangan pa ba namin ni Zoren na magpakasal? Okey naman kami at tanggap na naman ang pamilya namin ng marami. Kaya kailangan pa ba talaga na magkaroon kami ng church wedding?

"Pero like what I said, pinag-uusapan namin 'yan parati ni Zoren at malalaman naman ninyo kung matutuloy this year or next year or the year after that. Basta malalaman din ninyo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN