StarStruck V Final 14 are now certified Kapuso stars

(above) The Final 5 of StarStruck V with GMA-7 executives Atty. Felipe Gozon, Mr. Jimmy Duavit, and Ms. Ida Henares; (below) The Final 14 with GMA Artist head, Ida Henares.


Certified Kapuso stars na ang Final 14 ng StarStruck V.

Kaninang hapon, March 11, ay pumirma na ng five-year exclusive contract ang Ultimate title holders na sina Steven Silva at Sarah Lahbati; ang mga runners-up na sina Enzo Pineda, Diva Montelaba, at Rocco Nacino; at maging ang mga Avenger na sina Nina Kodaka, Ian Batherson, Princess Snell, Piero Vergara, Rox Montealegre, Sef Cadayona, Zeryl Lim, Rye Burgos, at Fianca Cruz.

Kasama nilang pumirma ang top executives ng GMA-7 na sina Atty. Felipe Gozon (Chairman, President and CEO), Mr. Jimmy Duavit (Executive Vice President and COO), at Ms. Ida Henares (VP for GMA Talent Development and Management Department).

Ginanap ang contract signing sa Executive Lounge ng GMA Network Center.

CONCERN OF THE PRESS. Pagkatapos ng contract signing ay nagkaroon ng open forum kung saan binigyan ng pagkakataon ang invited press, kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal), na magtanong sa GMA executives at sa labing-apat na bagong Kapuso stars.

Sa simula pa lang ng open forum ay nagkaroon na ng diskusyon tungkol sa pagbibigay ng exposure sa mga bata. Nabanggit kasi ni Ms. Henares, na siya ring namamahala sa GMA Artist Center, na sasailalim muli ang StarStruck V survivors sa series of workshops upang mahasa sila nang husto kapag isinabak na sila sa iba't ibang shows o larangan kung saan sila mag-e-excel.

Isang beteranong entertainment editor ang nagtanong kung ano ang balak gawin ng GMA Artist Center sa mga bago nilang contract artists, gayong napakarami na nilang talents na ang karamihan ay hindi naman masyadong nabibigyan ng exposure.

Paliwanag naman ni Ms. Henares, may dinadaanang proseso ang pagde-develop nila ng kanilang talents para kapag isinalang na sila ay talagang handa na ang mga ito.

Ganito rin ang opiniyon ni Mr. Duavit. Aniya, kung hindi dumaan sa proper training ang kanilang talents at biglang isasabak sa mga programa, posibleng lumabas na parang hilaw pa sila at "parang hindi nabibigyan ng pagkakataon na sumulong pa ang pangarap nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa parte naman ng press people, nangangamba sila na baka "mabantilawan" ang Final 14 ng StarStruck V kapag hindi sila agad nabigyan ng mga proyekto at proper exposure.

THE PAST WINNERS. Hindi rin naiwasang maikumpara ng press ang nangyari sa ibang mga batch ng StarStruck.

Nang manalo sina Jennylyn Mercado at Mark Herras sa Season 1 ay pinag-taping sila agad kinabukasan ng Love To Love. Kahit paano ay umangat nang husto ang kanilang career at ikinukunsidera sila hanggang ngayon bilang isa sa pinakasikat na tambalan.

Ang sumunod sa kanilang sina Ryza Cenon at Mike Tan ay naghintay ng halos isang buwan bago isinalang sa isang afternoon soap. Sa kasamaang-palad, hindi umalagwa ang mga career nila.

Ang Ultimate Sole Survivor ng Season 3 na si Marky Cielo ay isinama sa hit fantaserye na Encantadia dalawang araw pagkatapos niyang manalo. Papailanlang na sana ang kanyang career noon kundi lamang sa kanyang maagang pagkamatay.

Sina Aljur Abrenica at Kris Bernal ng Season 4 naman ngayon pa lang nabibigyan ng magagandang breaks at nagsisimulang sumikat nang husto.

Kaya naniniwala ang mga taga-press na importante ang pagbibigay agad ng magandang exposure sa pinakabagong batch ng StarStruck, lalo na ang Final 5 na sina Steven, Sarah, Enzo, Diva, at Rocco. Sabi pa nga ng isang manunulat, "Strike while the iron is hot." Kung pahihinugin muna raw kasi nila ang mga bata ay posibleng walang mangyari at baka makalimutan sila agad ng mga tao.

Pero nilinaw naman ng press na kakampi sila ng Artist Center sa bagay na ito. Malaki kasi ang paniniwala nila na ang batch na ito ng StarStruck ang may pinakamaraming potensiyal, bukod sa lahat sila ay pang-artistahin talaga ng mga hitsura.

Ito rin naman ang gustong mangyari ng Final 14 ng StarStruck V sa kanilang career. Nang tanungin sila ng PEP kung ano ang expectations nila pagkatapos nilang pumirma ng five-year exclusive contract sa Artist Center, lahat sila ay sinabing gusto nilang magkaroon ng "projects at exposure."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Karamihan din sa kanila ay naniniwala na kailangan pa nilang dumaan ulit sa workshops upang mahasa sila nang husto. Naniniwala rin sila na aalagaan sila ng GMA-7.

BIG PLANS. Naiintindahan naman ng pamunuan ng Artist Center ang pananaw na ito ng mga press people. Pero tinitiyak nila na bibigyan nila ng sapat na exposure ang Final 14 ng StarStruck V upang mailabas ang kani-kanilang mga potensiyal.

Maging si Atty. Gozon ay excited na sa mga inihandang activities ng Artist Center para sa mga bagong contract stars ng talent arm ng Kapuso network. Kabilang na rito ang nationwide tour ng Final 5. Magkakaroon din ng mall shows si Sarah sa Robinson's, at si Steven naman ay kabilang sa mga Kapuso stars na dadalhin ng GMA PinoyTV sa San Fancisco, California. Karamihan din sa kanila ay kasama sa bagong Sunday musical-variety show ng GMA-7, ang Party Pilipinas, na magsisimula na sa March 21.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN