FIRST READ ON PEP: Ryan Agoncillo confirms wife Judy Ann Santos is two months pregnant

Ryan Agoncillo announced that his wife Judy Ann Santos is two months on the family way during the live presentation of Eat Bulaga! today, March 12.


Kumpirmadong buntis na ang young superstar na si Judy Ann Santos.

Kinumpirma ito mismo ng mister ni Juday at ng mister niyang si Ryan Agoncillo sa Eat Bulaga! ngayong tanghali, March 12.

"Na-bullseye po! Gumagana si Manoy!" bulalas ni Ryan na hindi mapagsidlan ang katuwaan sa balitang magiging tatay na siya.

Ikinuwento ni Ryan na kaninang umaga lang nila nakumpirma na two months and four days pregnant na si Juday. Pagkatapos nilang magpa-checkup ay dumiretso si Ryan sa Eat Bulaga! at si Juday ay dumiretso naman sa kanilang bahay.

Bago pa man ang announcement na ito ni Ryan ay nakarating na sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang tungkol sa posibleng pagdadalang-tao ni Juday noong huling linggo ng Pebrero. Pero ayon kay Ryan, hindi pa nila ito agad mai-announce dahil wala pa ngang kumpirmasyon mula sa obstetrician nila.

"Medyo natagalan lang po ng pag a-announce dahil hinintay namin yung totoong confirmation dahil nung unang mga lumabas yung mga bali-balita, pregnancy test pa lang po. So, naghintay kami ng talagang...litrato. Di ba, yung naririnig namin yung tibok ng puso nung bata? Ayan, two months and four days," halatang excited na sabi ni Ryan.

Hindi naman daw makapaniwala si Juday na may baby na sa kanyang sinapupunan. "Tao pala ako, akala ko robot ako!" natatawang sabi niya sa kanyang sariling biro.

Nakausap ni Ryan at ng ibang hosts ng Eat Bulaga! si Juday via phone patch.

Nang tanungin naman si Ryan kung ano ang pakiramdam niya, ito ang kanyang sinabi: "Dyusko, tingin ko lang baka bukas ng umaga, hindi ako makabangon. Lasing ako mamayang gabi! Nakakatuwa, nakakatuwa..."

Kuwento naman ng co-host ng Eat Bulaga! na si Allan K, "Juday, para lang malaman mo kung gaano ka-excited si Ryan nung dumating siya, ako ang una niyang nakasalubong sa hagdan. Sabi niya sa akin, 'Pare, tatay na ako! Buntis si Juday!'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Excited ding ipinakita rin ni Ryan sa publiko ang unang ultrasound image ng kanilang baby sa sinapupunan ni Juday.

Tinanong naman ni Pai Guanio si Juday kung ano ang gusto nilang maging anakā€”kung babae o lalake?

"Kahit ano, e, basta... Kasi siyempre, ang tagal naman din namin hinintay to, di ba? Masyado naman yatang selfish kung mamimili pa kami ng kasarian. So, kahit ano, basta healthy siya," sagot ng aktres.

Dagdag naman ni Ryan, "Basta ang importante magiging ate na si Yohan. Yun yung importante dun." Si Yohan ang adopted daughter nina Juday at Ryan.

Tinanong din ni Pia si Juday kung ano ang ibinilin sa kanya ng kanyang doktor.

"Umiwas daw sa akin, e," nagbibirong singit ni Ryan.

"Umiwas daw ako sa tsismis," sakay naman ni Juday. Pero aniya, "Hindi, extra careful lang sa work. Medyo magbabawas lang ng konti sa trabaho, pero tatapusin ko lahat ng mga nasimulan bago magbakasyon ng dire-diretso para maging safe yung baby, maging safe din ako."

Sa kasalukuyan ay napapanood si Juday sa ABS-CBN primetime series na Habang May Buhay.

Ano naman daw ang bilin ni Juday sa magiging tatay ng kanyang anak?

"Basta pondohan niya lang yung magiging bank account nung bata!" natatawang sabi ni Juday.

Sagot naman ni Ryan: "Eto na nga, kaya nga nandito na agad, e [sa Eat Bulaga!], kumander, o! Sige, sweetheart."

Marami na rin kasi ang excited sa pagbubuntis ni Juday kaya sa tuwing ini-interview sila ng media ay yun ang palaging kinukumusta sa kanila. At sa wakas nga ay nagkaroon na ng katuparan ang hiling at dasal ng mga nagmamahal kina Juday at Ryan na mabiyayaan na sila ng kanilang sariling supling.

Napag-alaman naman ng PEP mula sa isang source na ang isa sa pinaglilihian ni Juday ay ang mangosteen. Ayon sa aming source, habang nagsu-shooting daw si Ryan para sa isang ad commercial ay nagpapahanap daw si Juday sa kanya ng mangosteen, kaya namroblema ang TV host kung saan siya kukuha ng naturang prutas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinasal sina Juday at Ryan noong April 28, 2009 sa San Juan de Nepomuceno Church sa San Juan, Batangas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN