Jolo Revilla on ex-girlfriend Lovi Poe: "Nakapag-move on na ako."

"Kailangan siguro, hindi na puwedeng 100 percent magmahal. Kailangan siguro magtitira ka kahit na konti, kahit na 20 percent sa sarili mo. Siguro yun lang ang pagkakamali ko. Pero ngayon, 100 percent sarili ko muna!" says Jolo Revilla.


Si Jolo Revilla ang isa sa pinakamasigasig sa pagsama-sama at pagtulong sa kampanya ng kanyang ama, Sen. Bong Revilla, sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Sa press conference nga na ibinigay ni Mother Lily Monteverde para sa kanyang ama at gayundin sa kanyang ina na si Lani Mercado kagabi, March 16, sa Imperial Palace Suites, nando'n si Jolo at ang kanyang mga kapatid, pati na ang anak niyang si Gab.

Si Bong ay tumatakbo for re-election, samantalang si Lani naman ay tumatakbo bilang representative ng Bacoor, Cavite.

Kumusta ang experience ni Jolo sa kampanya?

"Okey naman," nakangiti niyang sagot. "Heto, nangingitim na pero napakasarap ng pakiramdam sa sobrang napakainit na pagtanggap ng mga tao sa amin. And, siyempre, nakakataba ng puso dahil kumbaga, sa huling tatlong result ng survey, e, number one pa rin. Siyempre, nagpapasalamat kami sa mga taong nagmamahal at sumusuporta."

Kuwento ni Jolo, nalibot na raw nila ang top 20 provinces sa bansa, kaya ang concentration naman nila ngayon ay ang top 30 cities and municipalities."

LIKE FATHER, LIKE SON? Marami na ang nagbibiro at nagsasabi kay Jolo na sa kanilang magkakapatid, tipong siya ang susunod sa yapak ng kanyang ama at sasabak na rin sa mundo ng pulitika.

"Hindi naman sa ginu-groom, pero siyempre gusto ko lang tumulong sa tatay ko," sabi niya. "Kumbaga, ito lang ang masusukli ko sa kanya at masaya. Number one talaga dapat. Hindi dapat number one sa survey ay titigil na. Mas lalo kaming naghihirap para tuluy-tuloy."

Pero nakikita ba niya ang kanyang sarili bilang isang pulitiko?

"Let's just cross the bridge when we get there," sagot ni Jolo. "Matagal pa naman. Bata pa naman ako, 22 lang ako. Hayaan na lang muna natin ang matatanda!" natatawa niyang sabi.

Marketing Management ang course niya ngayon at sa October raw siya ga-graduate.

Mahirap ba para sa kanilang magkakapatid na parehong nasa pulitika at showbiz ang kanilang mga magulang?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Well, sa aming magkakapatid naman, tatlo na lang kaming maliliit, e. Si Yna, siya ang bahala sa maliliit. Si Bryan, siya ang bahala sa mga finance at offices nina Mama at Papa. Ako yung taga-ikot. Kasi dati, noong hindi tumatakbo si Mama, si Mama ang gumagawa ng ginagawa ko," banggit ni Jolo.

"NAKAPAG-MOVE ON NA AKO." Last Monday, March 15, ay nag-celebrate ng kanyang 22nd birthday si Jolo.

Kuwento niya, "Galing ako sa Pangasinan, pero binigyan ako ng surprise party sa headquarters namin. Nagpapasalamat ako sa kapatid ko kasi Friday, umalis ako, nag-campaign na ako. Naikot ko na halos ang buong Pangasinan. Bumalik ako yesterday. Dun ko na nga nasalubong ang birthday ko sa Pangasinan. Pagdating ko, ayun, may surprise party."

Ipinarating ng PEP kay Jolo ang sinabi ng Mama niya na bilang ina ay nararamdaman nito ang "loneliness and sadness" ng anak. Ano ang masasabi niya rito?

"Malungkot? Hindi naman ako sa malungkot. Actually, masaya ako sa ginagawa ko ngayon. Nakapag-move on na ako. Kitang-kita naman natin na nakapag-move on na rin siya!" natatawang sabi ni Jolo.

Ang ibig sabihin ni Jolo ay ang ex-girlfriend niyang si Lovi Poe na balitang may bagong boyfriend na sa katauhan ng businessman na si Ronald Singson, anak ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.

"Pero alam n'yo, magkaibigan kami. Kumbaga, kung anuman ang nakaraan, tapos na yun," diin ni Jolo.

Paano niya nasabing magkaibigan pa rin sila? Nagkikita at nagkakausap pa rin ba sila ni Lovi?

"Magkaibigan...yung communication. Hindi pa kami nagkikita since may nangyari, matagal na. Pero huwag na lang nating pag-usapan yun, basta matagal na. Kumbaga, let's just close the book and, kumbaga, bagong yugto na 'to, e, past na yun."

Gaano katagal yung moving-on process sa part niya?

"Huwag na natin pag-usapan yun. Basta, okey ako. Masaya ako para sa kanya," iwas ni Jolo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binati naman daw siya ni Lovi noong birthday niya.

"Nag-text siya. Saktong 12 o'clock. Nagulat nga ako," sabi niya.

Nagkaroon ba siya ng regret sa naging relasyon nila ni Lovi?

"Sa lahat, siguro sa akin na lang yun. Basta masaya ako ngayon. Kung anuman ang meron ako ngayon, Panginoon ang nagpapasaya sa akin," sagot niya.

Iwas talaga si Jolo sa pagsagot ng mga tanong tungkol kay Lovi. Kaya sa tanong kung sino sa tingin niya ang mas nasaktan sa nangyari sa kanila, ito ang sagot niya:

"Tapos na yun. Kumbaga, ibaon na natin sa lupa yun. Kung sinuman ang may kasalanan, wala na yun. Kung sinuman ang may kasalanan, hindi na kailangang magsisihan. Basta masaya kami ngayon na ganito kaya hayaan na lang natin. Respetuhin natin ang desisyon niya. Kumbaga, ganyan naman talaga kaming mga bata. Malaki ang respeto ko sa kanya kaya, sana hayaan na lang natin siya."

Dagdag niya, "All I can say, masaya na ako ngayon. Past is past."

MELISSA RICKS. Nali-link naman ngayon si Jolo sa leading lady niya sa Pepeng Agimat na si Melissa Ricks. Sa surprise party nga niya noong Lunes ay si Melissa ang lumalabas na "special guest" niya. Isa ba sa dahilan kung bakit sinasabi niyang nakapag-move on na siya ay si Melissa?

"Well, friendship muna," sabi ni Jolo. "Wala muna akong liligawan. Focus muna ako sa career at sa pagkakandidato ni Papa. And I think, I should focus now with myself and my career. Matagal ko nang napagkaligtaan 'to. Siguro, yun naman ang kailangan kong bigyan ng pansin."

Dagdag niya, "Kumbaga, ginagawa ko lang naman kung ano dapat na treatment ng isang leading man sa kanyang leading lady. Pero wala muna tayong panahon sa mga ligaw-ligaw."

Posible kayang ang pagkaka-link naman ni Melissa kay Jake Cuenca ang reason kaya parang apprehensive pa siyang ligawan ang dalaga?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung sakali man ako, magkaibigan naman kami ni Jake. Bakit naman niya ako pipigilan kung liligawan pa lang naman? Tayo naman, e, hindi pa naman tayo sumusuko kung sakali man na tayo, e, manliligaw. Pero sa ngayon talaga, friendship lang at nandito ako para sa kanya bilang kaibigan. At sana makatrabaho ko siya ulit," sabi ni Jolo.

Mas masaya ba ang maging single?

"Mas masaya? Oo," nakangiti niyang sabi.

Walang problema?

"Ayoko namang sabihin na walang problema, pero iba, e. I have more time to contribute for myself and my family. And of course, to do what I want to do."

Grabe raw kasi siyang ma-in love?

"Yun nga, e. Kailangan siguro, hindi na puwedeng 100 percent magmahal. Kailangan siguro magtitira ka kahit na konti, kahit na 20 percent sa sarili mo. Siguro yun lang ang pagkakamali ko. Pero ngayon, 100 percent sarili ko muna!" natatawa niyang sabi.

PROUD DADDY. Very proud naman si Jolo bilang ama kay Gab, ang anak niya sa ex-girlfriend niyang si Grace Adriano.

"Malaki na siya at may graduation na siya sa Friday. Kinder siya ngayon at magdyu-junior prep siya sa La Salle," excited na kuwento ni Jolo.

Okey na ba sila ng ina ni Grace na si Rosanna Roces?

"Si Tita Osang? Well, basta pinapahiram ko sa kanya si Gab. Basta magpaalam siya kay Grace. Yun naman ang ano namin. Basta everything is okay. Okay kami ni Grace and, actually, binati rin ako ni Grace. Nagkausap kami. Halos every weekend nandun si Gab kay Grace," kuwento ni Jolo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN