Vice Ganda reveals: "Araw-araw akong umiiyak!"

"Normal akong tao, tukso lang yung kabayo pero normal akong tao," says Vice Ganda.


Dahil maganda ang takbo ng kanyang showbiz career, maganda rin ang financial status ng Showtime resident judge na si Vice Ganda. Kaya naman naitanong sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ano na ang pinakamahal na nabili o naipundar niya mula sa kanyang kinikita sa showbiz.

"Meron akong mahal na pinagkakagastusan ngayon, yung bahay na pinapatayo ko para sa nanay ko. Sa may Quezon City lang, sa may Project 6," sabi ni Vice.

Halfway na ba ang pagpapagawa niya ng bahay?

"Hindi, hindi pa nga halfway. Binubuno ko pa kasi ang daming kailangang gawin dun, e. Kasi hindi sa akin nakapangalan yung lote, inaayos ko pa. Malilipat naman sa akin [yung lote]," sabi niya.

THE BUZZ CO-HOST. May nagtanong naman kay Vice kung halimbawang siya ang kuning kapalit ni Ruffa Gutierrez sa The Buzz, papayag ba siya?

"Ay, kung balita man po 'yan, e, sana magkatotoo!" bulalas niya. "Ang sarap-sarap kayang sumama sa The Buzz, 'no! Nakaka-level up kaya yung The Buzz, kaya go na go ako diyan if ever ako nga."

Kaya pa ba niya sa hectic ng schedule niya?

"Isisingit ko talaga 'yan, go ako diyan! Magandang show ang The Buzz, sobrang gandang show ng The Buzz," sabi ni Vice.

Paano kung "soplahin" o "barahin" siya ni Kris as a co-host? Naging isyu kasi ang sinasabing "pambabara" diumano ni Kris kay Ruffa kaya nag-walkoout daw ang huli sa The Buzz.

"Okay lang po, si Kris Aquino naman po siya."

Hindi siya magwu-walkout?

"Hindi! Hindi naman, ako nga nanonopla rin ako, e, kaya dapat sanay rin ako."

Handa siyang soplahin si Kris?

"Sopla? Hindi ko siguro siya sosoplahin na para sa intensiyong soplahin siya. Yung pag sinopla niya ako, ide-defend ko lang yung sarili ko. Pero yung sosoplahin ko siya, e, mapang-okray naman ako pero may respeto naman ako sa kapwa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo, lalo na sa mga nakatataas sa akin, at alam ko kung sino ang dapat kong...tatantiyahin ko rin kung sino yung dapat kong salingin o hindi, di ba? E, di natensyon ang lahat! Si Ma'm Charo [Santos-Concio] ba ookrayin ko? Siyempre hindi, di ba?" sabi ni Vice.

CRYING VICE. Isang bagay na nalaman namin kay Vice Ganda ay madalas pala siyang umiyak.

"Araw-araw po umiiyak ako!" pagsisiwalat niya. "Minsan sa sobrang saya, naiiyak ako. Minsan pag-uwi ko sa bahay galing Showtime, pag kunyari feeling ko nakapag-deliver ako ng araw na yun, para akong sira-ulong nakahiga sa kama tapos naiiyak ako na, 'Ang galing, ang bait ng panahon. Ang bait ng Diyos sa akin! Ang bongga ko kanina! Ang saya ko!'

"Minsan naman sa stress, sa pagod... Normal akong tao, tukso lang yung kabayo pero normal akong tao."

Kailan siya huling umiyak dahil sa love?

"Matagal na. Oo, sa dami ng ginagawa ko ngayon, it's the least of my priorities, hindi ko siya iiyakan. Matagal na, e. Siguro buwan na mula noong nagka-Showtime, na-dedma ko na yung lovelife."

Pero may lovelife pa rin naman daw siya ngayon.

"Meron naman siya, pero hindi siya ang pina-prioritize ko. Hindi siya fling, relasyon talaga," sabi niya.

Alam ng karelasyon niya, na isang non-showbiz guy, na hindi niya ito priority?

"Oo, siguro nararamdaman niya rin. Bihira kaming magkita. Dati every day, ngayon siguro once every two weeks na lang," sabi ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN