Angel Locsin breaks her silence on "lasenggera and layas" issues

"Alam ko bilang isang artista, wala tayong karapatan mag-react, wala tayong karapatan masaktan, mga ganun. Kaya lang, hindi ko lang po maiiwasan kasi siyempre kahit artista ka, tao ka rin naman, e. Lalo na kung hindi totoo. Ang hirap mag-explain," says Angel Locsin.


Sa wakas ay binasag na rin ni Angel Locsin ang kanyang pananahimik nang mag-guest siya nang live sa The Buzz last Sunday, March 28, para sagutin ang mga intriga at alegasyon tungkol sa umano'y pagiging "wild" na raw niya, ang kanya raw paglalasing at paglayas umano sa bahay nila.

Kausap ang mga host na sina Boy Abunda at Kris Aquino, nagagawa pang ngumiti at tumawa ni Angel sa unang bahagi ng interview. Pinatayo pa siya ni Kris para ipakita sa mga tao ang maliit na beywang ni Angel, sabay sabi ni Kris: "Hindi ka puwedeng magkaroon ng ganito kaliit na beywang na walang puson, walang tiyan kung alcoholic ka. Kasi napakataas ng calories ng alak. Kung manginginom, Boy, that's why they called it a beer-belly."

Sumunod na nagpasalamat si Angel kina Boy at Kris dahil sa ginawang pagtatanggol ng mga ito sa kanya nang unang iulat sa The Buzz ang tungkol sa iba't ibang isyung ipinupukol sa pagkatao niya.

"Actually, Tito Boy, nandito po ako para magpasalamat talaga. Kasi napanood ko kasi yung last week na nagsalita kayo, pinagtanggol n'yo ako. Nagulat po ako na hindi ko ine-expect na ipagtatanggol n'yo ako. So, siguro na-down lang din talaga ako sa isyu kasi nagulat ako na may mga taong naniwala. Tapos nung pag makakarinig ka ng taong minamahal ka, na kahit hindi mo kailangang mag-explain sa kanila, pinagtatanggol at pinaniniwalaan ka. Iba pa rin yung dating talaga," sabi ni Angel.



FATHER'S CONCERN.
Pero nang maungkat ni Kris ang tungkol sa daddy ni Angel ay dito na naging emosyunal ang aktres. Tinanong kasi ni Kris kung ano ang naging reaksyon ng daddy ni Angel sa mga intriga.

"Actually, kami ni Daddy ngayon kasi...medyo may hindi kami pagkakaunawaan kasi medyo naniniwala [siya] sa isyu na alcoholic," sabay tulo ng luha ni Angel.

Nagkausap na ba sila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo... sabi ko hindi ako iiyak, e," ani Angel habang tuloy sa pag-iyak.

Pinangaralan ba siya ng daddy niya?

"Oo naman. Bilang isang ama, hindi naman nagkukulang magpangaral si Daddy."

Ano ang sinabi nito sa kanya?

"Okay lang 'yan. Tapos sinabi ko naman na, 'Dad, kailangan ko ito para sa trabaho ko, e.' Kasi magtu-twenty-five na ako, never pa akong nalasing sa buong buhay ko. Kailangan ko ring i-experience talaga, e, para sa group ko, sa friends ko. Yun nga, sa career ko rin kasi may mga bagay na hindi mo naman puwedeng imbento mo lang bigla yung emosyon, di ba? Kaya yun," paliwanag ng aktres.

Ang tinutukoy na role ni Angel ay ang karakter ng isang "Japayuki" na gagampanan niya sa pelikula na gagawin nila ni Aga Muhlach.

Sinabi naman nina Boy at Kris na bilang tatay ay maiintindihan siya nito at malalaman din nito ang totoo.

Okay na ba sila ng daddy niya ngayon?

"Okay naman po kami," sabi ni Angel. "Hindi naman...siyempre, tatay ko pa rin siya. Anak pa rin niya ako. Kaya lang, ayoko lang kasi nung mababahiran yung ilang taon kong trinabaho na makuha ko yung trust ng tatay ko. Tapos biglang mababahiran yun ng duda dahil sa isang isyu na hindi mo alam kung saan nagmula. Kaya doon lang ako...

"Alam ko bilang isang artista, wala tayong karapatan mag-react, wala tayong karapatan masaktan, mga ganun. Kaya lang, hindi ko lang po maiiwasan kasi, siyempre, kahit artista ka, tao ka rin naman, e. Lalo na kung hindi totoo. Ang hirap mag-explain," madamdaming pahayag ni Angel.


LAYAS ISSUE. Sumunod naman nilang napag-usapan ang tungkol sa paglalayas diumano ni Angel. Inilahad naman ni Kris na alam niya ang ayos ng bahay nina Angel, na ang unang madadaanan ay ang kuwarto ng daddy nito. Kung sakali nga raw na naglayas ang aktres ay malalaman at mararamdaman ito ng daddy niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka bahay ko yun kasi. Paano ka naman maglalayas sa sarili mong bahay? Hindi ko rin maintindihan. Yun mga detalyeng lumalabas, tama naman. Kaya lang, mali lang yun mga rason na nakalagay," paliwanag ni Angel.

Tulad daw halimbawa ng sinasabing biglaan niyang pagpunta sa Hong Kong para magpalipas ng sama ng loob.

"Nag-Hong Kong ako," sabi ni Angel. "Kahit ngayon puwede akong pumuntang Hong Kong kasi kaya ko naman. Kaya ko namang pumunta."

Nag-taxi lang daw siya papuntang airport.

"Yes, nagta-taxi ako. Kahit jeep, kahit tricyle. Hanggang ngayon, ginagawa ko pa rin naman kasi kaya ko... Kasi [day] off ng driver ko. May pamilya din naman yung driver."

Pag-alis niya ay bumalik din daw siya agad sa bansa.

"Nung pag-alis ko, magkasama kami ng best friend ko. Pero bumalik ako dito kasi may nangyari na may rehearsal ako. Bumalik ako ng mga alas-dos ng hapon, ang rehearsal ko alas-kuwatro. Rehearsal yun para sa movie. Tapos umalis din ako ng 7:30 yung flight ko, bumalik ulit ako ng Hong Kong."

OTHER ISSUES. Noong una raw ay pinili ni Angel na manahimik.

"Noong una ayokong mag-explain kasi para sa akin wala naman akong kailangang i-explain. Kasi mas kilala ko naman yung sarili ko. Nakakagulat lang kasi pati yung sa PA [production assistant] na kasama ko naman hanggang ngayon," saad niya.

Diumano kasi ay nilayasan na raw si Angel ng PA niya dahil sa kanyang ugali at paglalasing. Meron din daw mga trabahong hindi nasisipot si Angel.

"Tapos yun, meron daw akong trabahong hindi nasisipot. E, wala pa naman po akong ginagawa ngayon, so ano yung hindi ko masisipot na trabaho?" aniya.


FRIENDS AND FANS SUPPORT. Kahit paano ay napapawi raw ang bigat sa dibdib ni Angel kapag nalalaman niyang marami pa rin ang sumusuporta sa kanya, ipinagtatanggol siya at hindi naniniwala sa isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya nga rin ako pumunta dito kasi magpapasalamat ako sa staff ng The Buzz, ang ganda ng VTR n'yo sa akin. And sa mga artistang nagbigay talaga ng time para lang ipagtanggol ako, kina Vhong [Navarro], Piolo [Pascual], kay Anne [Curtis] na kahit may pinagdadaanan din siya ngayon hindi pa rin niya nalimutan na tumulong sa kapwa niya. And si Val [Valerie Concepcion], si Luis [Manzano), si Cristine [Reyes], maraming salamat. And kayo [Boy and Kris] rin po, sobrang salamt din.

"And yung mga fans na kahit hindi ako nagsasalita nung time na yun, parang sila pa yung nagtatanggol sa akin. Parang mas kilala pa nga nila ako na, 'Hindi, Angel, alam kong hindi mo magagawa iyan. Sana okay ka lang.' So, maraming salamat talaga doon sa mga angels ko na walang sawa talagang sumusuporta kahit hindi ako ganoong ka-visible ngayon," mensahe ni Angel.

Muli naman nasilayan ang ngiti at tawa ni Angel nang biruin ni Kris na maaayos lang ang lahat nang ito kapag nagkabalikan sila ni ng ex-boyfriend niyang si Luis Manzano.

Bukod sa pagtatanggol sa kanyang sarili, ipinagtanggol din ni Angel ang mga kaibigan niyang nadadamay sa isyu.

"Ipinagtatanggol ko lang din yung mga friends ko na nadadamay sa isyu. Yung mga friends ko, sobrang bait na ang suwerte ko nakasama ko sila dahil sa trabaho natin mahirap makasama yung magki-click talaga kayo, e. Yung wala kang itinatago. Yung walang halong kaplastikan. Kaya sana huwag na lang pong madamay yung ibang taong nananahimik naman," pakiusap ni Angel.

Isa pang gustong pasalamatan ni Angel ay ang kanyang bagong manager ngayon na si Manay Ethel Ramos na hindi siya iniwan sa laban nito.

"I'm very lucky din na sumakto din si Manay sa buhay ko na inalagaan din niya ako. Bawal magsinungaling, bawal ma-late. Papagalitan ka talaga niya. Hindi ka niya ibe-baby na okay din yung treatment," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, sa kabila ng mga hindi magagandang bagay at intrigang dumarating kay Angel, patuloy pa rin siyang binibiyayaan. Pagdating sa kanyang acting career, nakatakdang gawin ni Angel ang Star Cinema movie with Aga. Gagawa rin siya ng teleserye with John Lloyd Cruz.

Isa pa sa pinagkakaabalahan ni Angel ngayon ang bar and KTV business niyang Fuel Up na matatagpuan sa Commonwealth, Quezon City.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN