Sarah Geronimo says Matteo Guidicelli is not courting her

"Magkaibigan lang po kami. Sabihin n'yo nang showbiz answer, but we're friends. Okay po kami ni Matteo. Mabait po si Matteo," says Sarah Geronimo about Matteo Guidicelli.


Isa si Sarah Geronimo sa sinasabing "most credible celebrity endorser" dahil sa lakas ng hatak niya sa mga tao, lalo na sa mga kabataan. Kaya naman maging ang mga pulitikong kumakandidato ngayon para sa May 2010 elections ay hindi pinalalagpas ang pagkakataon na makuha siya bilang endorser.

Sa ngayon ay tinataguyod ni Sarah ang presidential at vice presidential tandem nina Senators Manny Villar at Loren Legarda. Ano ang feeling na isa siya sa mga pinagkakatiwalaang endorsers maging ng mga pulitiko?

"Noong iniisip ko po 'yan, talagang overwhelming yung pakiramdam na mapagtiwalaan ka ng ganito kalaking bagay. Gusto ko lang pong sabihin na ang pag-eendorso ko kay Sen. Loren Legarda ay taus po sa puso dahil ako po ay naniniwala sa kanyang mga adbokasiya para po sa ating bansa. Yung pong kanyang long-standing effort at concern para po sa mga kabataan, at yun pong kanyang pagpapahalaga sa bansa at sa kalikasan. Yun pong mga advocacies na yun at my personal advocacies brought us together," pahayag ni Sarah sa presscon nila ni Sen. Loren Legarda na ginanap sa Annabel's restaurant last March 27.

Unang kinuha si Sarah ni Sen. Villar, kaya ang tanong tuloy ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Pop Princess kung may kinalaman ba na tandem sila ni Sen. Legarda sa kanyang desisyong iendorso rin ang lady senator?

"Opo, meron po. At saka sabi ko nga po talagang naniniwala po ako at nakikiisa sa mga adbokasiya ni Sen. Loren."

Paano niya hina-handle ang intriga na mas yumaman daw siya with her endorsements kina Sen. Villar at Sen. Legarda dahil sa laki ng ibinayad sa kanya?


"Hindi ko po alam ang kinikita ko kasi hindi po ako masyadong concern po sa perang kinikita ko. Ako po ay nagtatrabaho para sa pamilya ko, para sa pangarap ko. Ito pong pag-eendorso, katulad nga po ng sinabi ko kanina, napakaimportante na pinaniniwalaan mo ang ieendorso mo. Hindi po sa pera-pera lang," sagot ni Sarah.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

JAPAN CONCERT ISSUE. Bukod sa mga intriga sa pulitika, hinarap din ni Sarah ang ilang showbiz intriga. Una na rito ang diumano'y hindi niya pagsipot sa isang concert niya sa Japan. Totoo bang hindi sila nakapasok sa Japan airport?

"Yes, nagkaproblema po sa producers," sabi niya. "Gusto ko lang pong i-clarify na sila po yata yung... Well, hindi pa rin kasi klaro sa akin kung ano talaga yung totoong nangyari. Basta kami po, nagawa po namin yung responsibilities namin. Naipasa po namin lahat ng requirements."

Ano ang nangyari sa concert?

"I heard nga po parang last minute, parang nagso-show na, tapos doon pa lang sinabi na...doon pa lang nila nalaman na wala ako, wala sina Jed [Madela]. So, doon talaga...yun ang nakakagalit kasi bakit ginanun ng... Sorry, kung sino man sila, bakit ginanun yung mga tao pinaasa?"

Ano ang pakiramdam niya sa hindi pagkakatuloy ng concert niya sa Japan?

"Siyempre, very ano po...nakakalungkot, disappointed. Kasi yung mga tao nagbayad, talagang expected nila darating kaming lahat, kumpleto. Siyempre, nakakalungkot yun. And sana makabalik po kami doon para magawa yung show. Pero as of now, kasi po talagang puno na po yung schedule ko."

MATTEO GUIDICELLI. Sinasabi ni Sarah na hindi pa siya ready para sa isang relationship. May tsismis naman na may bago raw siyang manliligaw sa katauhan ni Matteo Guidicelli, na kasama sa cast ng ABS-CBN fantaserye Agua Bendita. Totoo ba ito?

"Hindi po," tanggi ni Sarah. "Magkaibigan lang po kami. Sabihin n'yo nang showbiz answer, but we're friends. Okay po kami ni Matteo. Mabait po si Matteo."

Paano sila naging magkaibigan?

"Nanood po siya ng concert ko sa Cebu. Ipinakilala po siya sa akin ni Billy [Crawford]. In-introduce din po niya ang sarili niya kina Mommy at Daddy, nagpakilala lang."

Binigyan daw siya ng flowers ni Matteo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kailan? Sasabihin ko naman po kung meron, e. Pero wala po," tanggi muli ng Pop Princess.

Nagguguwapuhan ba siya kay Matteo?

"Opo naman, ang guwapo-guwapo ni Matteo, lalo sa personal," sagot niya. "Tapos magaling ding kumanta. Friend ko rin siya sa Facebook. Binati ko rin siya nung birthday niya sa BBM [Blackberry Messaging]."

Nanliligaw ba si Matteo sa kanya?

"Hindi po. Hindi ko po alam."

Kung sakaling manligaw nga si Matteo sa kanya, may pag-asa ba ang binata?

"Ha? Bakit puso na agad?" natatawa niyang sagot.

RAYVER CRUZ. Hindi ba nagseselos si Rayver Cruz, na unang napabalitang may gusto kay Sarah, sa pagkaka-link ng singer-actress kay Matteo?

"Naku, may ganun talaga? Alam naman ni Rayver. Walang dahilan para magselos siya!" sabay tawa ni Sarah.

Wala na bang chance na maging sila ni Rayver?

"Naku, basta in God's will po kung talagang kami, kami sa huli. So, bahala na si Lord."

Hindi pa ba siya handa para sa isang relasyon?

"Marami pang kailangang i-consider na feelings ng ibang tao. Hindi naman puwedeng kami lang nang kami," sabi niya.

MOVIE WITH JUDAY. Excited naman na si Sarah dahil malapit na raw matapos ang shooting ng pelikula nila ni Judy Ann Santos for Viva Films, Hating Kapatid. Isa raw siya sa mga natuwa for her Ate Juday nang malaman niyang buntis ito.

Ano naman ang nakikita niyang pagbabago kay Juday sa set? Hindi ba siya pinaglilihian ni Juday?

'"Hindi naman po. Ang napapansin ko lang po, lagi po siyang nangungurot. Pero ako po, hindi niya pa kinukurot."

Wala pa ba silang nagiging problema sa set dahil sinasabi ngang may mood swings pag buntis ang isang babae?

"Sa nakikita ko po, wala naman po kaming problema. Ano naman po kami...talagang iniintindi naman po namin si Ate Juday kasi nga buntis siya. So, okay lang po."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon ba ng limitations sa shooting nila?

"Ang alam ko po kasi dalawang beses lang sa isang linggo puwedeng mag-shooting si Ate Juday. At saka may cut-off din po. Pero natututwa po kami kasi nga maaga rin kaming nakakauwi."

Papayag ba siya kung kukunin siyang ninang ng baby?

"Ay, gusto ko po! Gustung-gusto ko po," sambit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN