Jhake Vargas wants an SUV on his 18th birthday

"Lagi na po akong nagda-drive. Masarap po siguro ang feeling kapag sarili ko nang sasakyan ang minamaneho ko. Siyempre magiging masaya ako nun, na may sarili na akong sasakyan. 'Tsaka maigagala ko na ang mga kapatid ko, at ang mama ko. Kaya gusto kong bumili ng sasakyan para makalibot kami, para mailibot ko sila," says young actor Jhake Vargas.


Isa sa mga pinakasikat na teen stars ngayon si Jhake Vargas, na isa sa mga bida ng youth-oriented program ng GMA-7, ang First Time.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jhake at tinanong namin siya kung ano na ang mga nabili niya mula sa mga kinikita niya sa kanyang pag-aartista.

"A, bale po 'yong bahay po namin, unti-unti ko pong napapaayos. 'Yong bahay po namin sa may Subic, sa Olongapo. Bahay na po namin dati 'yon, sa amin ang lupa. Buo na po kaso wala pa siyang pintura. Naipaayos ko na po nang buo, lahat ayos na, dinagdagan ng kuwarto Unti-unti kong napaayos dahil sa kinikita ko sa showbiz, sa First Time," masayang pagbabalita ni Jhake.

JHAKE'S MOM. Kinumusta rin ng PEP kay Jhake ang kanyang ina na may stage 4 colon cancer.

"Ayos naman po si Mama. Ayun, tuloy po ang pagpapa-check-up niya. Medyo okay na po siya," sabi niya.

Isa sa mga pinagkakagastusan ni Jhake ay ang pagpapagamot sa kanyang ina at katulong niya raw rito ang manager niyang si German "Kuya Germs" Moreno.

"Kaming dalawa po ni Kuya Germs. Bale tinutulungan din ako ni Kuya Germs," banggit ng young actor.

Kahit malaki na raw ang nagagastos niya sa pagpapagamot sa kanyang ina ay hindi nagrereklamo si Jhake.

"Okay lang po na gumagastos ako, para naman po sa magulang ko 'yon. Masaya na rin po ako sa ganun, na sa lahat, sa mga kapatid ko, na kahit gumagastos ako, okay lang, masaya po ako."

BIRTHDAY WISH. Pero kung mayroon mang gustong mabili si Jhake para sa kanyang sarili, ito ay isang saksakyan.

"Wala pa akong sasakyan. Baka July, makabili na ako. Sa birthday ko, sa July 9," aniya.

Eighteen years old na si Jhake sa July 9 at sasakyan nga ang gusto niyang birthday gift sa kanyang sarili.

"Opo, parang 'yon na nga. Kaya nga po nag-iipon ako para makabili na rin po ako ng sasakyan kong sarili. Starex po sana ang gusto ko. Kasi marami kami, e, marami ang pamilya ko. Kaya kung bibili ako ng kotse lang, hindi kami kakasya!" natatawang sabi ni Jhake.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marunong na ba siyang mag-drive?

"Opo, marunong na po akong mag-drive," sagot niya. "Lagi na po akong nagda-drive. Masarap po siguro ang feeling kapag sarili ko ng sasakyan ang minamaneho ko. Siyempre magiging masaya ako nun, na may sarili na akong sasakyan. 'Tsaka maigagala ko na ang mga kapatid ko, at ang mama ko. Kaya gusto kong bumili ng sasakyan para makalibot kami, para mailibot ko sila."

Saan niya unang ipapasyal ang pamilya niya?

"Sa Bicol or kahit saan. May mga kamag-anak kasi kami sa Bicol," sabi ni Jhake.

Ayon kay Jhake, ang nagturo raw sa kanyang magmaneho ay walang iba kundi si Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN