Roderick Paulate defends Maricel Soriano against negative issues

"As a friend, sa pagkakakilala ko sa kanya, never kong masasabi na nagkaroon ng attitude problem iyang si Maria. Very professional kasi 'yon, e," says Roderick Paulate about Maricel Soriano (inset).


Ipinagtanggol ni Roderick Paulate ang kanyang matalik na kaibigang si Maricel Soriano sa ilang mga negatibong isyung kinasasangkutan ng aktres, na may kaugnayan sa pinagdaraanan daw nitong krisis o problema sa kasalukuyan.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Roderick sa Golden Screen awards last Wednesday, May 5, sa Teatrino Greenhills. Nanalo siyang Best Actor in a Musical or Comedy para sa pagganap niya sa Ded Na Si Lolo.

"Well, first of all, I don't believe that," simula ng aktor. "Na kahit busy ako, siguro naman alam n'yo na I'm very busy nitong 45 days na malapit nang matapos. At kaya nga 'yang mga tsismis na sinasabi sa akin ngayon, actually ay hindi ko alam at nalaman ko lang ngayong gabi.

"Pero when it comes to my friend, so far after that taping [of Maricel's 5-Star Specials] na huli kaming nagkita, pero dapat malalaman ko kung may nagyayaring hindi maganda sa kanya, ano? But as a friend, sa pagkakakilala ko sa kanya, never kong masasabi na nagkaroon ng attitude problem iyang si Maria. Very professional kasi 'yon, e.

"Pero masasabi kong medyo ano ha, maski ako, hindi lang siya, medyo istrikto kami pagdating sa trabaho. Hindi istriktong mayabang, ha, kundi masyado naming dinidibdib ang aming trabaho. Kasi yung pagmamahal sa work, we're very passionate—para palitan natin yung istrikto—we're very passionate sa trabahong ginagawa namin.

"Kasi, bata pa kami, ito na yung bread and butter namin, 'eto na 'yong craft na pinangangalagaan namin. But yung attitude, I don't think so, I don't think so," diin pa ni Roderick.

Namimili raw si Maricel ng story at ng mga taong makakasama o makakatrabaho?

"Sa akin naman, ibabase ko na lang sa mga naririnig ko ngayon sa inyo. But I think tama naman 'yon, dapat naman na piliin mo ang role. Alam mo, sa edad namin ngayon ni Maricel na kaka-twenty five lang namin ni Maria pareho... O, Maria, hindi ka ba natutuwa?" biro ni Roderick, sabay dugtong na, "A, sa tingin ko naman ay natural lang na piliin na namin yung mga pelikula."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos na kami doon sa era na trabahong kalabaw at lahat ng i-offer ay gagawin kahit na tumalon sa kabayo o saan-saan. Tama na. Kumbaga, ang sa amin ngayon, pumili ng tamang pelikula na magugustuhan namin at mabibigyan namin ng katarungan at kasiyahan para sa mga manonood. And I don't think that is an attitude. I don't call it an attitude problem. Kasi, dapat lang naman talaga sa isang artista na piliin ang mga proyektong ginagawa," pagtatanggol pa ni Roderick sa Diamond Star.

Ibinalita rin ni Dick sa PEP ang pagbabalik-tambalan nila ni Maricel very soon.

"Mayroong plano. Kung maganda ang magiging takbo, sana 'yong sa amin ni Maricel...isa itong comedy. Luckily, baka sa Italy ito gagawin. Sana pagkatapos ng election. Comedy ito and I think, riot na naman ito. At saka mayroon ding plano na magsama kami sa TV5 ni Maria," banggit ng comedian.

ENTERING POLITICS. Nilinaw rin ni Roderick sa PEP na ang kanyang pagsabak sa pulitika ay hindi nangangahulugan na iiwan na niya ang showbiz. Tumatakbo ang aktor bilang konsehal sa 2nd district ng Quezon City.

Aniya, "Siyempre, bago ko ito pinasok, ang prayoridad ko ay ang paglilingkod sa bayan. Siyempre, ang aasikasuhin natin ay yung District 2. Pero hindi ko puwedeng ihiwalay sa sarili ko ang paggawa ng pelikula o telebisyon. At sinasabi ko naman 'yan sa mga tao maski na ngayong nangangampanya ako.

"Tinanong nila ako... In fact natutuwa ako, and totoo ito, quote me: 'Paano iyan, ikaw ang nagpapaligaya sa amin sa TV, kaya sana ay huwag mo rin namang iwanan'. Sila rin mismo ang nagsasabi, yung mga constituent, pero gusto raw nila akong maglingkod sa kanila, nagpapawala raw ng problema nila. So, sa mga depressed areas, marami tayong dapat na gawing proyekto doon. Kaya pagsasabayin ko, pero prayoridad ang mga tao. Kasi ang pelikula naman, naa-adjust 'yan, depende lang sa schedules."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago nagtapos ang panayam namin kay Roderick ay muli siyang nagpasalamat sa karangalang natanggap niya sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (Enpress).

"Maraming salamat sa Enpress sa karangalang ito. This is my third award para sa Ded Na Si Lolo, 'yong dalawa ay para sa Best Supporting Actor. Ang Enpress, ang ibinigay sa akin yung Best Actor.

"Lubos akong nagpapasalamat sa pag-recognize ng Enpress sa performance na ginawa namin sa pagmamahal at sa saya lang na magkakasama kami, na binigyan ng karangalan dito at, siyempre, sa abroad. And I'm very thankful to God for this gift," pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN