Willie Revillame pitches for Manny Villar in final campaign rally

Although Wowowee host Willie Revillame is on leave from the show to rest from his latest controversy, he took time to attend Manny Villar's miting de avance last night. During the presscon before the rally, he first put aside questions about his issue with Jobert Sucaldito and fervently talked about his endorsement of the NP's presidential candidate.


"Ayaw ko munang pag-usapan ang Wowowee, si Senator muna, hindi pa bukal sa loob ko na pag-usapan iyan. Ang importante ay itong miting de avance, itong huling araw ng kampanya," pahayag ni Willie Revillame sa impromptu presscon para sa entertainment press, na naganap kagabi, May 7, sa Manila Harbor Center sa Vitas, Tondo, Manila. Isinagawa ito bago ang miting de avance ng Nacionalista Party sa pangunguna ng presidential bet na si Sen. Manny Villar.

Kasama ni Willie sa presidential table sina Sen. Villar at Comedy King Dolphy.

"Malalaman niyo rin iyon. May oras at araw para d'yan," balik ni Willie sa pagtatanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press hinggil sa kontrobersya nila ni Jobert Sucaldito.

Pinagbigyan muna namin si Willie sa kahilingan niyang pag-usapan ang kampanya ni Sen. Villar.

WILLING BRIDGE. Sa pambungad ni Willie, masasabing hindi matatawaran ang pagsuporta niya kay Sen. Manny Villar.

"Kapag naging presidente siya, ang hangad ko lang talaga ay maging tulay ako ng mahihirap. At saka si Senator kasi ay walang ino-offer [na pera], hindi siya nambibili ng tao. Iyong, 'O, tulungan mo ako, ako ang bahala...' Hindi ho, 'eto, kusa ko itong ginawa noong nakilala ko siya. Sabi ko, 'Senator, tulungan kita.' Sabi niya, 'Salamat.'

"Kasi, hindi ba, puwede naman akong tumulong ng iba na babayaran ako, pero hindi, e. Wala talagang in-offer, kaya humanga ako, e," dagdag pa ni Willie.

Sinagot din ni Willie ang isyu na kesyo ang hindi niya pagsipot sa Wowowee ay dahilan lang para makapagkampanya pa para sa grupo ni Sen. Villar.

"Nagkakampanya naman kami weekly, at saka ang kampanya namin ay hindi during the show, after, e. Sa gabi, hapon, so walang paraan para gamitin ko yung sitwasyon na iyon.

"Hindi ko gagamiting gimmick iyon, at stake yung management at ako. Hindi ko gagamiting gimmick iyon na may masasaktan ako sa taas, di ba? It's more of my feelings, e, sarili ko ito, e. Pero yung tungkol sa pagkampanya, wala pang election, umiikot na kami ni Senator. Sample yung [bagyong Ondoy], sino ba ang unang-unang nagbigay ng pagkain diyan? Pagka-ano ng Undoy, nag-usap na kami [ni Villar] riyan, nag-chopper na kami, nagbigay na kami ng mga pagkain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iyong mga ganoon, like, hindi naman kailangan na may Wowowee, e. Kailangan lang... iyong oras na kailangan ka niya, anytime na kailanganin ako ni Senator, tumatakbo naman ako, e. After ng trabahong Wowowee," paglilinaw pa ni Willie.

THE MASSES AND SURVEYS. Ano ba ang basa niya sa masa, sa pag-iikot nila sa kampanya sa buong Pilipinas with Sen. Villar?

"Kung ibe-base mo ang survey sa ganoong karaming tao, daang libong tao, sa tingin mo ay pupunta ba ang mga taong iyon kung hindi nila kami gusto, kung hindi kay Sen. Villar? Alam mo, ang paniniwala ko, kahit anong pilit mo sa tao, pag ayaw mo sa tao ay hindi mo pupuntahan iyan, di ba? Kagaya niyan, ang mga taong nanonood dito, yung iba, gabi pa lang 'andito na sila, dito na natutulog. Iyong iba, madaling-araw ay nandito na.

"Kaya nagtitiyaga ang mga iyan, para makita ka. Iyon ang survey, kaya nga sabi ko okay Senator Manny, dapat ipakita natin ito, dahil ito ang tunay na survey. Kasi, kung magsa-survey ka ng 3,000, 5,000 lang at sa Metro Manila lang, parang binabalewala mo iyang Mindanao at Visayas.

"Remember iyong panahon ni FVR [ex-President Fidel V. Ramos], pang-apat siya.... Sa survey ay kulelat siya, pero siya ang naging presidente. So, mahirap i-base ang survey sa 5,000 na tao lang. We're talking about 50 million Filipinos, yung mga voters natin.

"So, confident ako. Pero manalo-matalo, sabi ko si Sen. Villar ay hindi natalo, kasi ang ganda ng hangarin niya para sa mga taong ito. Sabi ko kay Sen. Villar, 'Ikaw pa rin ang panalo rito.' Kasi kami, walang inisip na masama, hindi kami nagpalabas ng survey, wala kaming sinurvey, e. Sinalo niya lahat ng pinukol sa kanyang pananakit, may nadinig ba kayong nagalit siya? Wala, hindi ba?

"So, sana iyong mga boboto, makita nila iyong ganoon. Ako lang naman iyong medyo mainit e. Pero si Senator, siya naman iyong mapagkumbaba at maayos. Iyon ang pagkatao niya, ayaw niyang makasakit ng iba. So, hindi ba napakaganda na ang presidente mo ay ganoon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nag-uusap nga kami minsan sa eroplano, e, sabi niya, 'Aayusin ko ang lahat, lahat ng magkakatunggali sa eleksiyon.' Kakausapin daw niya, di ba napakagandang gesture ng isang presidente, para wala nang kokontra, para lahat ay tulong-tulong? Doon ako lalong humanga sa kanya," mahabang esplika pa ni Willie.

TURNING THE OTHER CHEEK? Sa panig naman ni Senator Villar, nagsabi siya ng mga isyung natabunan dahil sa pagbatikos ng mga kalaban.

"Alam mo nasanay kasi ako sa puro gawa, e, kaya yun sana ang gusto kong itama sa politika natin, sana ay tumigil na iyang puro salita, gawa naman. Ako naman, ang isang ikinalulungkot ko rito sa kampanya ay hindi na napag-usapan kung ano iyong mga nagawa namin, e.

"Palagay ko, kaya gawa nang gawa ng mga black propaganda, para malibang tayo at hindi na mapag-usapan ang mga katanungan na pinakamahalaga, 'Ano na ba ang nagawa mo?' Kaya nga ang nangyari, matatapos na ang kampanya ay marami pa rin ang hindi nakakaalam kung ano ang mga nagawa namin, na ang kandidato ay may nagawa ba o wala? May naipasa bang batas o wala? Siya ba ay kilalang tamad o masipag? Itong mga katanungang ito, dapat sanang masagot, pero sa tingin ko ay tinakpan talaga, pinangalagaan ang isang kandidato sa pamamagitan ng puro bato ng black propaganda, para hindi na mapag-usapan kung anuman yung kakulangan at kawalan ng kakayahan, kawalan ng nagawang track record."

Nagpahayag naman ang King of Comedy ng pagkaawa sa mga banat kay Sen. Villar.

"Lahat na lang ay ibinato sa kanya, pinagtulong-tulungan siya. Kung totoo ang sinasabi nila, sana nakakulong na siya. Pero ang masama kasi, naniniwala naman iyong ibang tao. Siyempre, sa katunggali mo, kanya-kanyang siraan na iyan, e. Pero bilib talaga ako sa kanya, hindi naninira si Sen. Villar, e. Nagkikibit-balikat lang siya, nakangiti lang, kahit binabanatan na siya," sabi ni Dolphy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko nga, isang malaking pagsisisi ng mga Filipino, kapag hindi siya ang nalagay sa pagkapresidente, pagka hindi siya naluklok. Kasi, nakita ko na ang pagkamaawain niyang tao. Si Villar subok na, kumbaga sa manok, subok na sa tari, 'ika nga. Totoong tao, hindi plastic, hindi Tupperware. Nakita namin si Sen. Villar, kapag sinasabi niyang tutulungan, tutulungan talaga.

"Iyong pagdating sa survey, hahaluan natin ng dasal. Minsan hindi naman totoo ang survey, minsan nagkakamali. Ako, siyempre, maka-Villar, gusto kong manalong pangulo si Sen. Villar," ani Dolphy.

"I second the motion [laughs]," saad naman uli ni Willie. "Ang importante ang sambayanang Filipino, ang hangad naman ni Sen. Villar ay makatulong sa mahihirap, kung manalo mas marami siyang matutulungan. Kung matalo, makakatulong pa rin pero hindi na katulad ng may powers kang ganoon na lahat ay magagawa mo para sa kabutihan ng Pilipinas.

"Kung mananalo si Sen. Manny Villar, mas marami siyang magagawang kabutihan. Kaya ang panalo ni Villar ay panalo ng bayan. Kapag naging presidente siya, ang hangad ko lang talaga ay maging tulay ako ng mahihirap," dagdag pa ni Willie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN