Breakaway Mocha Girls form new group called Girlz Ink

Hershey, Grace, Bez and Heart just wanted to have more freedom to show people what they've got, so they left Mocha Girls to become Girlz Ink, with "Ink" meaning "Independent Na Kami."


Ang kagustuhang maging independent ang nagtulak sa apat na miyembro ng all-female group na Mocha Girls na sina Hershey, Grace, Bez at Heart para mag-resign at bumuo ng sarili nilang grupo na pinangalanan nilang Girlz Ink.

"Yung meaning kasi ng Ink—Independent na kami," paliwanag ni Hershey nang makausap sila ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanilang launching sa Mugen Bar sa Metrowalk sa Ortigas kamakailan.

"Mas may freedom na kami to do what we want. Yung isa pang meaning ng Ink kasi may tattoo kaming lahat. Di ba associated ang ink sa tattoo?"

Sa kanilang bagong packaging, "ie-enhance namin yung talent ng bawat isa, more daring," sabi ni Bez.

Dagdag pa ni Heart, "Mas maraming surprises. Mas magugulat talaga kayo sa Girlz Ink, sa aming apat."

"At saka mas lalo nila kaming mamahalin ngayon kasi kami na ito, we're the Girlz Ink. Sine-share lang namin yung interests namin sa ibang tao na sumusuporta at naniniwala sa amin," sabi naman ni Grace.

REASON FOR LEAVING MOCHA GIRLS. Ano ang nangyari sa Mocha Girls?

"Actually, masaya naman sila, e. Meron silang bagong members, sina Jane at Mae, na dating EB Babe. I think okay naman sila. Siguro kailangan lang naming ibigay sa sarili namin yung dapat para sa amin. Alam naman namin na may potensyal din ang grupo namin ngayon," ani Hershey.

Lumikha ng intriga ang pag-alis nila sa Mocha Girls dahil apat silang umalis at si Mocha na lang ang natira sa grupo. Ano ba ang tunay na dahilan ng pag-alis nila?

"Career move lang. Career move lang ng bawat isa para maipakita naman namin ang kanya-kanya naming talent," sabi ni Heart.

Wala bang away o alitang nangyari na nagtulak para mag-resign sila sa grupo?

"Siguro po sa part ni Mocha," sagot ni Bez. "Hindi naman po maiiwasan na sasama yung loob niya kasi apat kaming nawala. Kasi nasanay na kami na kasama namin siya. Nasanay na siya na kasama niya kami. Pero siguro po maiintindihan naman niya. Pero sa ngayon po alam din naman po namin na kahit papaano masama yung loob niya sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa ba sila nakakapag-usap nang maayos ni Mocha?

"Actually, hindi po kasi kami sabay-sabay umalis, e. After po ng show namin sa Guam, si Heart po hindi na nag-perform with us. And then si Bez po ang sumunod na nawala. And then kami po ni Grace ang sabay umalis," paliwanag ni Hershey.

Nakarating sa kaalaman ng PEP na nagkaroon si Heart ng conflict sa manager nila sa Mocha Girls na si Byron Cristobal. Gaano ito katotoo?

"Medyo po pero okay naman po kami. Nag-usap naman po kami after ng show namin sa Guam. So, pagdating namin dito [sa Pilipinas] after ng Guam, tapos na talaga yung pagpe-perform ko with the group," sabi ni Heart.

May sariling dahilan din si Bez. "Siguro mas gusto kong sumaya kasama ng mga friends ko, sina Heart, Hershey at Grace."

Ang paliwanag naman ni Hershey, "Kasi po after ng Guam, kaming tatlo nina Bez, Grace at ako nag-resign na. Tapos kailangan pong mag-stay kahit papaano. So, kami po ni Grace nag-stay po kami. Nag-usap po kami ng manager namin para okay naman. Bilang ako yung pinakamatagal sa aming apat, kasi almost six years na ako sa Mocha, e, sinabi ko na gusto kong mag-move on. Gusto ko ring ma-try na kaya ko ring mag-isa na wala kay Mocha. Kasi all throughout lagi akong na kay Mocha, e."

"Umalis kasi sila kaya na-miss ko sila," biro ni Grace. "Actually, ganun din, kasi ever since pumasok ako sa grupo kaibigan ko na itong mga ito. So, kung ako lang ang maiiwan... siguro choice ko na rin na mag-move on sa panibagong chapter."

NO REASON TO BE INSECURE. Ang ibig ba sabihin ng pag-alis nila ay hindi na sila masaya sa grupo?

"Hindi naman po ganun. Actually, nagpapasalamat po kami sa manager naming si Byron and kay Mocha kasi siyempre hindi naman kami Hershey, Bez, Grace and Heart kung hindi dahil sa kanila. Ngayon lang po kailangan lang naming mag-grow. Lahat naman ng tao kailangang mag-grow. Hindi puwedeng ma-stuck ka lang sa ganun. Gusto lang naming i-try kung ano yung nata-try ng ibang tao," sabi ni Hershey.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May isyu rin kasi na si Mocha lang daw ang nabibigyan ng big break sa grupo. Siya lang daw yung mas napapansin at dahil dito ay nagkaroon ng insecurities sa grupo. Ano ang comment nila rito?

"Alam naman namin yun. Alam din namin kung saan kami lulugar kasi si Mocha yung nagsimula ng grupo. At sa kanya rin nakapangalan yung grupo. So, hindi naman kami dapat ma-insecure," ani Grace.

FRIENDLY COMPETITION. Dahil parehong girl group ang Girlz Ink at Mocha Girls, hindi maiiwasan ang kompetisyon. Ano sa tingin nila ang edge nila sa Mocha Girls?

"Kami po kasi mga dancers plus singers. Ipapakita po namin lahat kung gaano kami mag-perform. Talagang ipapakita po namin yung talent namin. At bawat isa sa amin magkakaroon ng chance na mapansin, hindi lang as a group kumbaga pero individually makikita yung kakayahan namin," sabi ni Bez.

Dagdag pa ni Heart, "At saka okay lang naman po na magkaroon ng friendly competition, friendly showdown. Hindi naman po problema yun. Pero okay naman po kami. Ayaw po naming ma-insecure kasi po wala pong gamot sa insecurity."

May mensahe rin ang Girlz Ink kay Mocha at sa dati nilang manager.

"Mocha, thank you. Kaming mga girls, we love you. Alam mo naman yun," sabi ni Grace.

Pahabol pa ni Hershey, "Sa dati naming manager, si Lord Byron Cristobal, nagpapasalamat kami sa iyo. Kasi si Byron masarap din po siyang mag-alaga. Parang tatay talaga. Super mahal po namin siya. Gusto naming magpasalamat sa kanya. Hindi kami ngayon nandito kung hindi dahil sa iyo. Kay Mocha, kitakits in the future."

Sa ngayon tinutulungan ang Girlz Ink ng P3P Events and Promotions.

"Maraming salamat po sa P3P, kina Ate Joyce [Pagala] at Ate Merle [Cipriano] sa lahat ng tulong nila at suporta."

Para sa schedule ng kanilang gigs, guestings at special performances, maaari niyong bisitahin ang kanilang Facebook fan page, www.facebook.com/girlz-ink.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN