Vice Ganda's sold-out concert nearly cancelled due to freak accident

Vice Ganda's May Nag-Text... 'Yung Totoo! Vice Ganda Sa Araneta was a certified sold-out concert. But it almost did not push through when the Showtime judge nearly fell 30 feet to his death while hanging from a suspension cable during rehearsals.


Kahit na nagtagumpay si Vice Ganda na punuin ang halos 20,000-seat capacity ng Araneta Coliseum sa kanyang first major concert na May Nag-text...Yung Totoo! Vice Ganda Sa Araneta, hindi daw kuntento o satisfied ang Showtime judge sa kanyang sold-out concert.

"Kung ako kasi ang tatanungin as a performer, para sa akin, hindi. Hindi ako satisfied. Meron pa akong mga gustong gawin na hindi ko nagawa kanina. Meron pa akong gagawin pa, e. Hindi ko pa naitodo," pahayag ni Vice nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa dressing room niya pagkatapos ng concert.

"Sa Showtime na lang siguro," sabi ng stand-up comedian turned TV personality. Dagdag pa niya, "Apat na oras yung concert pero para sa akin, kulang pa sa akin yung oras sa dami ng mga gusto kong gawin at gusto kong sabihin. Ang dami kong jokes na naiisip, na ine-edit ko na kasi wala nang panahon... Limitado, e.

"Yung apat na oras, napakahaba na iyon sa iba. Pero para sa akin, ang igsi-igsi nun. Kasi pag nagsu-show ako sa Punchline [comedy bar sa Quezon City], ang haba ko mag-show, e. Mas sanay ako sa nakatayo lang ako, daldal lang ako nang daldal.

"Pero yung satisfaction naman kasi, hindi dapat ako, e. Dapat yung nanood, kasi sila yung nagbayad. Kaya sana, kahit hindi ako na-satisfy, na-satisfy din sila sa napanood nila," patuloy pa ni Vice, na mina-manage ng komedyante at TV and radio host na si Ogie Diaz.

Nasiyahan si Vice nang marinig niyang biling-bili ng mga manonood ang kanyang jokes at performance. Nakita niyang tinapos talaga ng mga tao ang show sa kabila ng apat na oras na takbo nito. Nagsimula ang show bandang alas-otso ng gabi at natapos na pasado alas-dose ng hatinggabi.

"Usually, pag masyado nang mahaba ang show, paunti na nang paunti yung tao. Pero hanggang ano, walang umuwi. Tinapos talaga nila. Hindi nila na-realize na, 'Oh, my God, four hours na!' Parang hindi talaga four hours, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala daw munang repeat ang show sabi ni Vice dahil mas gusto niya munang matulog at magpahinga. "Showtime muna ako. At saka magpe-Petra na, e."

Ire-remake ni Vice ang pelikula ni Roderick Paulate na Petrang Kabayo na ipinalabas noong 1988.

VERY SPECIAL GUEST. Isa pang ikinatuwa ni Vice ay nang dumating at biglang umakyat ng stage upang batiin siya si John Lloyd Cruz.

"Sobra! Ang sarap ng feeling na pinuntahan ako dito!" natutuwang pahayag ni Vice. "Kasi hindi ko ine-expect yun. Hindi naman siya guest, e. Pero para mag-exert siya ng effort to be here, hindi lang naman ako ang napasaya niya kundi lahat ng nagbayad ng ticket, napasaya niya. Nakita mo naman ang tilian, di ba? At saka libre yun, e. Walang bayad."

FREAK ACCIDENT. Nang matapos na ang concert, nakita si Vice na inaalalayan ng mga taga-production papuntang dressing room niya. Ikinuwento ni Vice na noong rehearsal pala ay naaksidente siya sa pagre-rehearse ng pagsabit niya sa kable na mag-aangat sa kanya nang mahigit 30 feet mula sa stage.

"Sa rehearsal kasi naaksidente ako. Kaya ako iika-ika kanina, kasi nag-cramps ako. Hinigpitan kasi nila nang husto yung harness para hindi na ako maaksidente uli nung concert na mismo," paliwanag ni Vice.

Noong rehearsal daw kasi ay natanggal ang harness na nakasuporta sa kanyang legs at baywang.

"Nung nasa 'taas na ako, bigla na lang siyang natanggal. Buti na lang nakakapit yung isang paa ko nung natanggal siya. Nasa taas na ako noon."

Kung nagkataon nga raw, hindi na sana natuloy ang concert at wala na ring Vice Ganda na nagpasaya sa halos 20,000 kataong nanood sa show.

"Kaya nung show na mismo, hinigpitan nila ang harness at nung inakyat na 'ko, hindi na ako nag-flip. Nakasabit na lang ako nang ganun dun sa ere. Sabi ko, 'Diyos ko, Ikaw na ang bahala.' Tapos na naman, e. Hindi na ako magpi-flip. Sinabihan ako ng direktor [GB Sampedro] na 'wag na, kasi nga ayaw nilang maaksidente uli ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maituturing na gumawa ng history sa Philippine showbiz si Vice Ganda dahil napuno niya ang Araneta Coliseum ng paying public na nagbayad mula P317 for General Admission hanggang P3,168 for Patron VIP, sa kabila ng kanyang pagiging halos baguhan, kung sa TV exposure ang pag-uusapan.

Kahit na matagal na rin sa club/bar comedy scene si Vice (nagsimula siya noong 1999 sa The Library) at pa-extra-extra na appearances sa mga pelikula (In My Life last year at Apat Dapat, Dapat Apat noong 2007), sumikat siya nang husto sa Showtime bilang tanging "unevictable" judge sa show mula nang magsimula ito late last year. Hindi lang kasi ang contestants ang puwedeng paalisin ng texters sa Showtime, kundi pati na rin ang mga judges na kinukuha ng pantanghaling talent show ng ABS-CBN.

Sinamahan si Vice sa kanyang concert ng guests na sina Kuya Kim Atienza, Pooh, Ethel Booba, Jon Avila, Kean Cipriano, Jhong Hilario, Jaya, at ng Concert Queen na si Pops Fernandez.

Nakita rin sa audience na nag-e-enjoy sa concert ang mga host ng Showtime na sina Anne Curtis at Vhong Navarro, Gladys Reyes, at John "Sweet" Lapus na umakyat pa ng stage para sabitan ng bulaklak si Vice sa ending ng show.

MISSING MOM. Sa kabila ng tagumpay ng show at pag-congratulate sa kanya ng mga taong nasiyahan sa kanyang performance, may panghihinayang pa rin si Vice dahil wala sa audience ang pinakaimportanteng tao sa buhay niya—ang kanyang ina.

"Yun nga, nasa States, pero nakapag-usap naman kami. Hindi nga ako nakatulog kasi tsikahan kami nang tsikahan buong magdamag. Ikinuwento ko sa kanya na sold-out na ang tickets.

"Gusto nga sana niyang pumunta, sabi pa niya, 'Aabot pa kaya ako diyan?' Sabi ko, 'Kung aalis ka na ngayon diyan, aabot ka pa, tutal gabi pa naman.' Kaya nga lang, yun nga, hindi siya makakarating. So kinongratulate na lang niya ako. Tuwang-tuwa naman siya para sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa States nagtatrabaho ang ina ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN