Robin Padilla on hosting Wowowee permanently: "Siguro po kailangan lang magkaroon ng malinaw na usapan...."

"Siguro po kailangan lang magkaroon ng malinaw na usapan dahil ang dami ko pong iniwan. May dalawang pelikula po ako na nahinto. Yun pong sa amin ni Toni Gonzaga. Mayroon din po akong ginagawa, yung Tatay Kong Hoodlum. Papaano po yung dalawang pelikula na yun?" says Robin Padilla when asked if he's willing to host Wowowee permanently.

(Inset) Robin with Tambalang Failon at Sanchez hosts Ted Failon and Pinky


Umaarangkada ngayon sa ratings ang noontime show ng ABS-CBN na Wowowee. Lalo na noong maging special guest host ng programa ang action superstar na si Robin Padilla.

Ayon sa pinakahuling overnight ratings ng AGB Nielsen Phils. (Mega Manila) at Taylor Nelson Sofres (National), panalo ang Wowowee sa timeslot nito at siya ring nangungunang daytime program sa bansa.

Sa episode nga ng Wowowee kaninang tanghali, May 21, masayang ibinalita ni Robin sa mga manonood na "No. 1" ang kanilang programa.

Si Robin ang pansamantalang pumalit sa original host ng Wowowee na si Willie Revillame, na mahigit dalawang linggo nang naka-leave sa programa. Hanggang ngayon ay hindi pa malinaw kung babalik pa nga sa Wowowee si Willie o hindi na, lalo na't nagpapa-release na ang TV host sa ABS-CBN. (CLICK HERE to read related story.)

ROBIN IN "TAMBALANG FAILON." Ang pag-leave ni Willie at ang pagiging special guest host ni Robin sa Wowowee ay patuloy pa ring pinag-uusapan ngayon.

Kaya naman sa interview ni Robin sa radio program na Tambalang Failon at Sanchez sa dzMM TeleRadyo kaninang umaga, May 21, ay sinagot ng action superstar ang mga isyung idinidikit sa kanya. Sina Ted Failon at Pinky Webb ang nag-interview kay Robin.

Tinanong ni Ted si Robin kung bakit niya tinanggap ang pag-host ng Wowowee.

Ayon sa action superstar turned TV host, "Noong tinanggap ko po itong Wowowee, gusto ko lang pong makipag-bayanihan sa ABS dahil kailangan po nila ng kagyat na tulong."

JUST TEMPORARY. Nilinaw rin ni Robin ang mga usap-usapan na siya na ang magiging permanenteng host ng show.

"Ako po ay pansamantala lang po diyan. Tayo po ay tumutulong lamang sa mga tao dahil ayaw po nating mawala ang Wowowee. Marami po ang natutulungan diyan. Nakikita naman po natin sa araw-araw. May pag-asa at kaligayahan. Tayo po ay nandidito lahat. Tayong lahat nandito sa ABS-CBN para magbigay ng kaligayahan at impormasyon sa tao. Hindi po tayo nandito para makigulo," saad ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagkakaalam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay dalawang linggo lamang ang pinag-usapang itatagal ni Robin sa Wowowee.

Nang tanungin ni Ted kung isinasara na ba ni Robin ang posibilidad na maging permanenteng host ng Wowowee ay isiniwalat ng aktor ang ilang alinlangan niya.

"Siguro po kailangan lang magkaroon ng malinaw na usapan dahil ang dami ko pong iniwan. May dalawang pelikula po ako na nahinto. Yun pong sa amin ni Toni Gonzaga. Mayroon din po akong ginagawa, yung Tatay Kong Hoodlum. Papaano po yung dalawang pelikula na yun?" sabi ni Robin.

Biro pa niya, "Kasi ang buhay po ng isang host ay araw-araw po 'yan, e. Katulad po ninyo na maaga pa lang nandito na, e, ganun din po sa amin, buong araw po yun. E, malulungkot po ang bank book! Baka masarado po ang eskuwela natin! Naku!"

Sa gitna ng mga intriga, umaasa pa rin si Robin na darating ang panahon na magkakasundo si Willie at ang nakaalitan nitong si Jobert Sucaldito.

"Gusto ko muna maayos kung anuman yung nangyari kay Ka Willie at kay Ka Jobert," aniya. "Kasi ayoko naman ho na parang pagkatapos po nating umayos, itong labanan na napakasimple, hindi natin maawat. E, ang hirap naman po 'ata nun."

Nabanggit din ni Robin na huli niyang nakausap si Willie noong bago siya sumalang sa Wowowee.

"Noong bago po ako sumalang, ako po ay nagpadala ng mensahe sa kanya dahil siya po ay nasa ibang bansa. Kaya po sinabi ko sa kanya na ako ay nagbibigay pugay. Hindi ito ibig sabihin na ako'y nang-aagaw ng anuman kundi ito'y hakbang para maayos kayong dalawa," saad ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN