Actor-dancer Jhong Hilario tries singing in musical film Emir

"Alam naman ni Direk Chito na kumakanta rin ako, at itong Emir, sing-and-dance na musical.... medyo marunong naman tayo nang kaunti na umarte," says Jhong Hilario about his first musical film.


Marami nang malalaking break na dumating sa showbiz career ng dancer turned actor na si Jhong Hilario. Isa sa mga ito ang Emir, ang bagong musical film na idinirek ni Chito Roño na palabas na ngayon sa mga sinehan.

Simula noong 1993, si Direk Chito na ang itinuring na discoverer-mentor ng premyadong character actor. Nagsimula si Jhong sa showbiz bilang miyembro ng dance group na Streetboys.

Sa nakaraang dalawang taon, si Chito ang direktor ni Jhong sa mga pelikulang kinunan ang malaking bahagi sa ibang bansa, tulad ng Caregiver (2008) na nag-shooting sa London, England; at itong Emir (2010) na kinunan sa bansang Morocco.

Hindi lang drama at action ang kinasanayan ni Jhong sa mahigit sampung taon niya sa showbiz. Bukod sa pagsayaw, pinasok na rin niya ang pagkanta at maayos naman ang ginawa niya sa Emir.

"Alam naman ni Direk Chito na kumakanta rin ako, at itong Emir, sing-and-dance na musical. Alam niya na kumakanta ako...at medyo marunong naman tayo nang kaunti na umarte," nangingiting banggit ni Jhong nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Last Monday, June 7, kabilang si Jhong sa mga celebrities na nagbigay-ningning sa gala premiere night ng pelikulang Emir sa Cinema 9 ng SM Megamall.

Binanggit namin na nag-fit perfectly sa kanya ang role niya dahil kinailangan nitong kumanta, sumayaw, at umarte. Bukod sa mga nabanggit, may isa pang katangian si Jhong kaya lalo siyang bumagay sa ginampanang papel.

"Ang role ko rito, e, isa akong driver ng sheik," pagtukoy ng aktor. "Nandun na ako sa abroad [nang ipakita siya sa movie], driver na talaga ako ng sheik. And then, nanliligaw ako sa lead [Frenchesca Farr bilang Amelia]."

Ani Jhong, colorful ang kanyang papel, na isa sa mga "love interest" ng baguhang singer-actress na si Frencheska.

"Hindi ko naman maipakita, kasi mahiyain ako," nangiti siya. Pero may "surprise twist" ang kuwento ng Emir, na dito'y mas makikita ang halaga ng naging partisipasyon ni Jhong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DIRECTORS' ACTOR. Gaya ng nabanggit, nagsimula si Jhong bilang miyembro ng dance group na Streetboys noong 1993. Sa unang limang taon ay puro pagsayaw ang ginawa ni Jhong, until he tried acting in 1999. Mula noon at sa loob ng labing-isang taon ay "kinarir" na rin ni Jhong ang pag-arte sa pelikula at TV.

Kasabay niya sa Streetboys noon sina Danilo Barrios at Vhong Navarro. Naging karibal ng grupo nila, for a time, ang Universal Motion Dancers (UMD), kung saan naman nagsimula si Wowie de Guzman, na minsa'y naging ka-love team sa maraming pelikula ng tinaguriang young superstar na si Judy Ann Santos.

Matapos ang 11 years, Jhong looks back at ikinatutuwa niya ang maraming magagandang pangyayari sa kanyang showbiz career.

"Unang-una, nabigyan ako ng magagandang roles sa pelikula," banggit niya. Nangunguna sa listahan niya ang pelikulang Muro-Ami (1999) na idinirek ni Marilou Diaz-Abaya.

"Yun nga," patuloy ni Jhong, "nanalo ako dun ng Best Supporting Actor sa [PMPC] Star Awards. Hindi ko makakalimutan 'yan kasi first award ko, Star Awards ang nagbigay sa akin. Thankful talaga ako kasi na-recognize yung ginawa ko, yung pinaghirapan ko..."

Sa television drama, tulad ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN, ay maraming memorable episodes na naging tampok din si Jhong. In particular, ginawa niya noong 2006 ang "Bangka" episode na idinirek ni Jeffrey Jeturian. Jhong played a leprosy outcast at nagtamo siya ng Best Single Performance by an Actor nomination sa Star Awards for TV noong 2007.

"Thankful ako kasi nagtiwala sa akin ang direktor, na mag-lead ako sa isang MMK episode," wika niya.

MISS SAIGON. Hindi rin makakalimutan ni Jhong ang sandali ngunit memorable stint niya sa stage musical na Miss Saigon, sometime between 2001 and 2003.

Ang stage singer-actress na si Ima Castro ang gumanap na Kim sa Miss Saigon na nasalihan ni Jhong, bilang isa sa mga chorus, dancers, at soldiers. Pawang sa mga bansa ng Europe ginanap ang mga pagtatanghal na umabot ng halos isa't kalahating taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Suwerte talaga ako," nangiti uli si Jhong. "Wala naman akong formal training [sa musical theater]. Aksidente lang din naman kasi yung napunta ako sa Miss Saigon dahil ang talagang member diyan, yung kasama ko sa Streetboys. Tatlo sila doing acrobatics, dancing, and singing. Sa chorus lang, walang lead."

Jhong regretted na hindi siya nakasama noon sa Hollywood movie na The Great Raid (2005), starring Cesar Montano who played major support to actor Benjamin Bratt.

"Sayang lang, hindi ko nagawa," sabi ni Jhong. "Nakapasa na ako noon, e. May visa na ako. Pinili ko yung Miss Saigon."

Ang aktor na si Ryan Eigenmann ang pumalit kay Jhong sa nasabing Hollywood movie.

"Hindi rin naman ako lead doon, pero siyempre minsan lang din kumatok ang opportunity ng isang Miss Saigon," sabi ni Jhong. "Ang sarap ng feeling na laging standing ovation yung mga tao sa 'yo. Every night, every performance, talagang tumatayo sila."

Ang experience ni Jhong sa stage musical ay naging daan din para sa sing-and-dance role niya ngayon sa Emir. Prior to this, nagbalak din siyang mag-audition sa isang regular stint sa Universal Studios sa Singapore. Hindi 'yon natuloy dahil sa naging kaabalahan niya sa kampanya ng amang si Virgilio V. Hilario Sr., na kumandidatong muli at nanalong konsehal sa 1st District ng Makati City.

"Yung Streetboys, nandun na ngayon [sa Singapore]," sabi ni Jhong. "Para siyang Disneyland, pero sa Universal Studios ng Singapore. One year sila do'n at balita ko, medyo malaki ang kita do'n. Ang natira na lang sa Streetboys, ako, si Vhong, at si Danilo."

GOING INDIE. Last year, nagsimula si Jhong na gumanap sa indie movies. Kasali siya sa multi-awarded film na Kinatay ni Brillante "Dante" Mendoza. That was his first indie participation, na nasundan ng isa pang premyadong pelikula ni Direk Brillante, ang Lola, kung saan gumanap si Jhong na apo ni Rustica Carpio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

This year, kasali rin si Jhong sa semi-documentary film Noy, na ang bidang aktor ay si Coco Martin.

"'Buti nga, si Direk Dante, nagtiwala sa akin," sabi ni Jhong.

Before he was offered the role in Kinatay bilang baguhang pulis na nakasaksi sa pagpaslang sa isang prostitute, aniya, "Marami na ring kumukuha sa akin, para sa indie films. Sabi ni Direk Chito, 'wag muna, titingnan na lang muna natin.

"And then, nung si Direk Dante na ang nag-request kay Direk Chito, 'Baka puwede nang kunin si Jhong,' sabi ni Direk Chito. Kilala naman pala ni Direk Chito si Direk Dante, so pinayagan ako."

In fact, naging production designer ni Chito si Dante sa Private Show (1986), ang movie debut ni Roño bilang direktor, using the name Sixto Kayko, at ni Jaclyn Jose bilang aktres.

Ikinararangal ni Jhong na ang unang pagpasok niya sa indie movie-making, via Kinatay, ay naging matagumpay.

"First indie ko, naging award-winning film," masaya niyang pagbanggit. "First ever indie film yun na ginawa ko. And then itong Lola. Hindi ko lang alam kung meron na siyang [Brillante] next project."

Jhong hopes na ma-cast uli siya if ever magdirek ng bagong pelikulang indie si Brillante Mendoza. "Sana, hopefully," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN