Dolphy reunites with Maricel Soriano in advance birthday special on Pidol's Wonderland

Although the King of Comedy has yet to celebrate his 82nd birthday on July 25, he already taped his birthday special for his show on TV5, Pidol's Wonderland. Dolphy's special guest is Maricel Soriano, who played his daughter Shirley in the sitcom John en Marsha.


Sa July 25 pa magse-celebrate ng kanyang 82nd birthday ang King of Comedy na si Dolphy. Pero noong Miyerkules, June 30, ay nauna na ang selebrasyon niya sa taping ng kanyang birthday special sa TV5 comedy-fantasy show Pidol's Wonderland. Nagkataon kasi na ang naka-set na episode na ite-taping nila ay ieere sa July 25, mismong birthday niya, kaya nagdesisyon ang production na bigyan ng special episode ang King of Comedy.

Mas naging espesyal pa ang gabing ito para kay Dolphy dahil sa pagdating ng special guest niyang si Maricel Soriano. Maliit na bata pa lang si Maricel ay anak-anakan na ni Dolphy ang aktres simula nang magsama sila bilang magtatay sa John en Marsha.

Saksiang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kasiyahan ni Dolphy na makatrabaho niya ulit si Maricel. Matagal-tagal na rin nang huli silang magsama sa sitcom na John en Shirley sa ABS-CBN noong 2006.

Ano ang pakiramdam na nagkasama ulit sila ni Maria (palayaw ni Maricel) para sa kanyang birthday episode sa show niya?

"Hindi ko nga alam itong celebration na ito. Sinabi lang sa akin na may special guest daw ako. Si Maria pala yun. Siyempre, masaya ako kasi hindi na rin kami nakakapag-bonding lately, e."

Panay raw ang kuwentuhan nila kahit nasa set sila.

"Nagkukumustahan kami. Kasi nung huli ko siyang makita sa launching ng TV5, may sakit siya, e. Sabi ko, nakita na naman siya [ng mga boss], nagkita na kami, kaya pinauwi ko na siya para makapagpahinga. Ngayon okay na siya, magandang-maganda na ulit. Ayun, wala pa ring tigil sa kakakuwento. Ganun pa rin siya tulad ng dati," lahad ng Comedy King.

Kung mabibigyan siya ng chance na mamili, bukod kay Maria, sino pa ang gusto niyang makatrabaho ulit sa Pidol's Wonderland sa mga artistang nakatrabaho na niya dati?

"Well, dito, e, manaka-naka lang naman ang guests namin dito. Yung guests namin dito hindi ko nakakasama sa istoryang kinukuwento ko. Kung minsan, hindi ko nakikita yung taping nila, e. Basta maski sino puwede. Alam mo naman ako, nakiki-jive kahit kanino. Walang masamang tinapay sa atin," sabi ni Mang Dolphy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO BIG CELEBRATION THIS YEAR. Nang makausap ng PEP si Eric Quizon, anak ni Dolphy na direktor din ng Pidol's Wonderland, sinabi nito na ayaw raw ng daddy niya na magkaroon ng big celebration sa parating nitong birthday. Ano ang comment ni Dolphy dito?

"Ayoko na muna. Magpapahinga na muna ako. Masyado nang maraming big celebration," sagot nito.

Ano na lang ang wish niya for his birthday?

"Wala na para sa sarili ko. Ang wish ko na lang para sa mga anak ko, kina Zsa Zsa [Padilla, his partner] na lang. Sa akin, e, wala na, complete na ang buhay ko. Kung ano man ang mangyari sa akin kuntento na ako sa buhay ko."

Ano ang inspirasyon na naibibigay ni Zsa Zsa at ng kanyang mga anak sa kanya?

"Aba, malaki! So, far ilang taon na kami ni Zsa Zsa, 20 years na kaming mahigit, e. Okay pa rin. Happy pa rin kami," aniya.

PIDOL'S WONDERLAND. Napapanood ang Pidol's Wonderland tuwing Linggo 6:30 p.m. sa TV5. Dolphy plays Mang Pidol, ang lolong mahilig magkuwento sa mga bata ng mga fantasy stories na may aral. Ano ang ine-enjoy niya sa show?

"Siyempre, unang-una kasi, kasama ko rito ang mga anak ko, sina Epi, Vandolph at ang asawa niyang si Jenny. Tapos si Eric na direktor namin. Parang nagba-bonding na rin kami rito."

Sa edad niyang 82, binibigyan pa rin siya ng magandang show at kinikilala ang pagiging showbiz icon niya. Ano ang feeling niya sa pagpapahalagang ibinibigay sa kanya ng TV5?

"Praise the Lord at 66 years na ako sa business. Happy ako dahil nandiyan ang TV5 at binigyan ako ng show na ito. Siyempre it feels great. Kaya gusto ko rin yung lumalabas at nagte-taping, nakakabata ang pakiramdam. Dahil masaya ka sa trabaho mo, e. Para akong bumabata, ini-squeeze pa ang katas!" biro ni Mang Dolphy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Non-exclusive ang kontrata niya sa TV5. Pero may offer pa ba na project galing sa ABS-CBN?

"Wala naman. Kaya nga kinausap ko rin sila, e. Kako, gusto ko lang magtrabaho. Naiinip din kasi ako sa bahay, e."

May mensahe rin si Dolphy sa mga manonood ng Pidol's Wonderland.

"Sana, e, masanay na silang manood ng show. So far, so good naman, okay naman. Wala naman reklamo ang mga boss. Maski sa kanila mataas na ang ratings na nakukuha ng show, pero gusto ko tumaas pa. Nasanay din tayo na mataas ang ratings. Sa ngayon, medyo pumi-pick up na tayo," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN