Glaiza de Castro goes back to her first love in Diva

Singing, that is. Few know that Glaiza's first ambition was to be a singer, and her singing showdowns with Regine Velasquez in Diva gives the Kapuso villain a chance to show her other talent.


Malaki ang pasasalamat ni Glaiza de Castro sa mga sumusubaybay sa Diva dahil patuloy ang pagtaas ng ratings nito. Natutuwa nga si Glaiza na napasama siya sa cast ng Diva at hindi nila inakalang magiging paboritong primetime show ito ng GMA-7.

Kahit gumaganap siya bilang kontrabidang si Tiffany, marami pa rin naman daw ang gusto siya dahil nakakatuwa ang mga eksena nila ni Regine Velasquez who plays Melody. Pinakagusto nga raw ng mga fans ay ang singing showdowns ng dalawa.

'Ika nga ni Glaiza, kung alam lang daw ng mga manonood na sobra siyang kinakabahan kapag kaeksena niya si Regine Velasquez na isa sa mga iniidolo niya kahit noong hindi pa siya artista.

"Every time na may scene ako with Ms. Regine, talagang ang bilis ng tibok ng puso ko," ngiti niya.

PLAYING MEAN GIRL TO MS. REG. Hanggang ngayon nga raw ay hindi siya makapaniwala na nagagawa niyang tarayan ang Asia's Songbird sa kanilang mga eksena sa Diva.

"Pero dahil nga very supportive si Ms. Reg, nagagawa ko nang tama ang trabaho ko. Ayoko kasing ma-take two or ma-take three kapag kaeksena ko siya. Parang nakakahiya, kasi si Ms. Reg, hindi siya nate-take two. Kaya kapag may scene kami, pinagbubutihan ko talaga."

Noong una nga raw ay nahirapan siya kung paano niya mako-convince ang TV audience na puwede niyang tarayan si Regine sa Diva. Humingi pa siya ng tulong kay Regine mismo at sa kanilang director na si Dominic Zapata.

"Noong una, talagang nahihiya ako. Ibang level na kasi ito, e. Regine Velasquez na ito. Parang mahirap akong paniwalaan na kaya ko siyang tarayan o agawan ng eksena.

"Kinausap naman ako ni Ms. Reg at sinabi niya na kung ano ang mga ginawa ko before sa mga past kontrabida roles ko in Stairway to Heaven at sa Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin, yun ang gawin ko pero huwag yung sobra kasi musical-comedy nga kami. Kailangan magtaray ako na maiinis pero at the same time matutuwa ang manonood sa eksena namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gano'n din ang sinabi sa akin ni Direk Dom. I just need to make sure na hindi ako kaiinisan masyado ng mga televiewers. Kailangan kontrabida na kakaawaan mo rin kasi si Tiffany nga, may ambisyon siyang maging malaking superstar pero biglang may hadlang. Doon ako maglalaro ngayon.

"Noong makuha ko naman ang gusto nila, okey na at natutuwa naman sila Ms. Reg. Naging magaan para sa akin na makaeksena na siya kasi nga naramdaman ko yung concern niya sa lahat ng artista. Sino ba naman ako, di ba? Pero na-feel ko kay Ms. Reg yung importance.

"Kaming lahat sa Diva, importante para sa isa't isa kaya pinagbubutihan namin ang trabaho namin kaya maganda ang resulta."

GOING BACK FIRST LOVE. At dahil nga sa Diva ay bumalik si Glaiza sa first love niya—singing. Sa mga hindi nakakaalam, ang pagkanta ang unang gustong pasukin ni Glaiza.

"Nagkaroon nga ako ng album noon, di ba?" natatawang pag-alala ni Glaiza. "Pero mas nag-concentrate ako sa acting. Pero kapag may chance na makapagraket ako na kakanta ako, gustung-gusto kong gawin iyon. Mabuti na rin lang at sa Party Pilipinas, may chance din akong kumanta.

"Hindi pa rin naman nawawala yung hilig kong iyon, kaya nagpapasalamat ako sa Diva kasi nabigyan ulit ako ng chance na maramdaman na singer pala ako.

"I really look forward sa mga kantahan namin ni Ms. Reg. Bihirang mangyari na maka-duet ko o maka-showdown ko ang Asia's Songbird, di ba? Dito lang sa Diva nangyayari iyon kaya kahit kabado, excited ako to perform with her."

AMPALAYA STILL AROUND. Tinanong din namin kay Glaiza ang tungkol sa Twitter group na Ampalaya Anonymous. Balitang nagkawatak-watak na raw itong grupong kinabibilangan niya dahil sa maraming negative na usapin tungkol sa kanila.

Sabi naman ni Glaiza, buo pa rin ang grupo nila pero hindi na sila madalas na nagkikita, unlike noon. Lalo na noong may mga negative reports tungkol sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Paminsan-minsan na lang kami nagkikita kasi masyado nang naging busy rin ang lahat. Mas madalas kong makasama sila Maxene [Magalona] at Rich [Asuncion]. The rest, kapag may event lang namin nagkikita or kapag may biglaan lang na nagyayang lumabas.

"Tungkol naman sa mga negative na write-ups nga, wala naman kaming magagawa kung iyon ang mga opinion nila. Basta wala naman kaming ginagawang masama. Wala kaming inaapi or sinisiraan na kapwa artista namin.

"May mga gusto lang sigurong siraan ang pagkakaibigan namin. Pero hindi na lang namin pinapansin iyon. Importante ay yung friendship namin ay nandoon. Hindi naman namin kayang i-please ang maraming tao," pagtatapos ni Glaiza de Castro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN