Piolo Pascual and Zaijian Jaranilla clarify KC Concepcion's alleged visit to Noah set

"Wala po. Pero may mga naririnig po ako na dumalaw raw si Ate KC... May naririnig po ako na nagsabi dun na crew, e," clarifies child star Zaijian Jaranilla about his earlier statement that KC Concepcion visited his Noah co-star Piolo Pascual (right) on the set.


Naging maingat sa pagtatanong ang mga miyembro ng press sa tinaguriang "Miracle Boy" ng ABS-CBN na si Zaijian Jaranilla sa press conference ng Noah kagabi, July 6, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN. Baka nga naman mabigla o malito ang bata sa mga itatanong dito at kung anu-ano pa ang isagot, lalo na sa isyung kinasangkutan nito kamakailan lang.

Si Zaijian kasi ang itinuturong source ng balitang pagdalaw diumano ni KC Concepcion kay Piolo Pascual sa set ng Noah. Ayon sa July 6 column item ni Regee Bonoan sa tabloid na Balita, tinanong si Zaijian ng mga nag-iinterbyu sa kanya kung boto siya kay KC para kay Piolo. Sumagot naman ng "Oo" ang bata, na hinabulan pa ng pahayag na, "Dumalaw nga siya kay Kuya Piolo, e!"

Pareho namang itinanggi nina KC at Piolo na "dumalaw" ang actress-TV host sa aktor.

Kaya nga kagabi, kasama ang ilan pang cast members ng Noah, kabilang na si Piolo, binigyang-linaw na ni Zaijian ang binitawan niyang pahayag. May nakita nga ba siyang KC Concepcion na dumalaw sa set ng Noah?

"Wala po," sagot ni Zaijian. "Pero may mga naririnig po ako na dumalaw raw si Ate KC... May naririnig po ako na nagsabi dun na crew, e."

Sa sinabing ito ni Zaijian, biniro tuloy siya na mukhang naturuan na siya ni Piolo ng isasagot bago pa man ito humarap sa press.

"Hindi po," sagot naman agad ng 8-year-old TV actor.

Sinalo naman ni Piolo ang mga naging pahayag ni Zaijian. Aniya, "Gaya naman ng sabi ng bata, di ba? I guess, totoo naman. Kasi when I heard about it, na-surprise din ako. Narinig lang niya talaga sa crew..."

Biniro pa ni Piolo na ang dapat daw sisihin talaga ay ang mga tsismosong crew. "Sa jungle naman kasi, may mga pollen, di ba? So, minsan sa mga tao, mga crew, nagha-hallucinate din sa sobrang tagal ng taping..." (CLICK HERE to watch a video clip of their press conference)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ng presscon proper, kinapanayam pa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang miyembro ng press sina Piolo at Zaijian hinggil sa mga pahayag nila tungkol sa "KC dalaw issue" at tungkol na rin sa Noah.

Pakiusap ni Piolo, dapat daw itigil na ang isyung ito. "We should put the issue to rest. Wala namang masama kung dumalaw... When it happens, it happens. Kung totoo, totoo. Kaso, wala namang ganung nangyari, e."

ISSUE WITH DIREK LINO? Nabanggit din sa presscon mismo na baka ang direktor ng Noah na si Lino Cayetano ang dinalaw talaga ni KC. Napa-"Ba't naman gano'n?" si Piolo bilang reaksyon dito. Sa after-presscon interview kay Piolo, tinanong siya kung bakit gano'n nga ang naging reaksyon niya. May selos ba siyang naramdaman noong nabanggit ang pangalan ni Direk Lino, na naging boyfriend ni KC?

"We've both moved on," sagot ni Piolo. "That's an issue of the past. Para wala na ring ilangan. In fairness to Direk Lino, wala naman kaming issue sa isa't isa. And I'm sure they are, too [KC and Direk Lino]."

So ibig bang sabihin nito, magkaibigan na rin sila ng direktor na ex-boyfriend ng natsitsismis sa kanya ngayon na si KC?

"We're good friends," sambit ni Piolo. "I admire the guy, he works fast. He knows what he's doing with [intensity]. Ngayon ko lang nakatrabaho si Direk Lino, and I must say, magaling. Magaling na direktor. So, walang problema. More than professional, we're also good friends. We have common friends, so, okey kami."

AGAIN, JUST FRIENDS. Inulit din ni Piolo ang pagsasabing "friends" lang talaga sila ni KC, kahit na maraming gustong mag-isip na nasa ibang level na ang closeness nila ng dalaga.

"Yes, we are... That's right, we're closer than ever," sabi ni Piolo. "Hindi naman sa amin nanggagaling ang mga issue, sa ibang tao. All the more that we'd like to protect the relationship that we have. So, hanggang ganun na lang muna ang sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kristina [KC] and I are friends. Hindi naman maikakaila kung anuman yung mga developments sa amin, lalabas at lalabas din naman yun. But for now, we enjoy each other's company. If there's a chance, we go out. And we are definitely getting to know each other better. We just enjoy what we're doing. If not for showbiz, siguro mas close pa kami.

"Yun nga lang," patuloy niya, "mahirap pag may mga issues na mahirap lusutan. Hindi naman sa...sensitive lang. But it's just that kailangan mo rin protektahan ang family, yung ibang taong involved. So, mas nagiging sensitive."

NOAH ROLES. Mag-amang nagkahiwalay ng landas ang papel nina Piolo at Zaijian sa bagong fantaserye ng ABS-CBN na Noah. Isang matapat na pulis na may nakabanggang malaking sindikato at nawalan ng pamilya ang papel ng character ni Piolo na si Gabriel, habang ang anak na nawalay sa magulang at nawalan ng memorya naman ang ginagampanan ni Zaijian bilang Jacob/Eli. (CLICK HERE to read more about this TV series)

Ibang-iba sa dating role ni Zaijian na Santino sa May Bukas Pa ang role niya ngayon sa Noah. Habang Jacob kasi ang tunay na pangalan niya bilang anak nina Piolo at Jodi Sta. Maria (as Ruth), naging Eli si Zaijian nang kupkupin at ampunin na siya ng mag-asawang Ungtas (tribo ng mga taong-unggoy) na sina Giddeon (played by Noni Buencamino) at Adah (Ana Capri).

Nahirapan ba si Zaijian sa bagong role niya?

"Kapag naka-harness po," sagot ng batang aktor. Kung sa acting requirements, hindi naman daw nahirapan si Zaijian. Kaya naman daw niyang gampanan kahit na ano pa ang ibigay sa kanyang role. "Kahit po bida o kontrabida. Kahit ano po, gagawin ko," nahihiya nitong pahayag pa.

Pero nang tanungin si Zaijian kung nagkataong nangyari nga sa kanya na wala siyang ama, payag ba siyang maging tatay niya si Piolo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayoko po," matapat na sabi ng bata. Kinatuwiran naman niya na kaya ayaw niyang maging ama si Piolo ay dahil may tatay naman talaga raw siya.

"Siyempre, maski ako, ganyan ang sasabihin ko," susog naman ni Piolo sa sinabi ng bata.

"Saka barkada kami," dagdag naman ni Zaijian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN