Judy Ann Santos says pain will make Sarah Geronimo a "better and stronger person"

"Ideally, one year talaga. Pero, hindi naman yung talagang hindi na ako makikita. May mga guesting siguro kung may gagawin. Pero yung soap opera, movies, hindi muna. It requires time taking care of the baby," says Judy Ann Santos about resting after giving birth.


Sa bonding at friendship na nabuo sa pagitan nina Judy Ann Santos at Sarah Geronimo habang ginagawa nila ang Hating Kapatid nasentro ang ilan sa mga tanong sa press conference ng pelikula kahapon, July 15, sa Citybest restaurant.

Ateng-ate ang dating ni Judy kay Sarah, lalo na't malihim ang huli sa kung anumang nararamdaman nito.

Ayon kay Juday, "Ang advice ko lang sa kanya, kasi kapag hindi niya sinasabi, nandiyan lang sa dibdib niya 'yan. Hindi niya nailalabas. Hindi niya natatanggal yun. Sabi ko sa kanya, wala namang masama kung i-share niya sa mga taong malapit sa kanya or sa parents niya para hindi siya malungkot. Kasi, di ba, life is too short to dwell on pain or sadness na meron diyan?

"Sabi ko nga, 'Pagkakitaan mo na lang 'yan. Marami pa 'yan. Kapag may dumating na bago na masasaktan, mas marami pa na mas masakit yun. At ganoon talaga hangga't hindi pa dumarating ang tamang tao sa buhay mo.'"

TO SARAH'S RESCUE. To the rescue rin si Juday kapag tila naiipit si Sarah sa mga tanong ng press regarding Rayver Cruz at kung ito ang nagdulot ng pain sa Pop Princess. Hirit ni Juday, mas maganda raw siguro na si Rayver ang tanungin at hindi si Sarah.

But on a serious note, Juday said, "Sa totoo lang, wala akong kilala sa mga nagdulot ng pain kay Sarah. I don't personally know them. So, kung may isang bagay ako na puwedeng ibigay kay Sarah, yun, e, ang ipagtanggol ko siya. So, yung mga taong concerned sa isyu or napagdaanan ni Sarah or sinuman, I guess it's really better kung sila ang dapat ninyong tanungin. Kasi, mahirap, e.

"At saka hindi tayo pare-pareho ng mga pinagdaanan, nakalakihan," patuloy ng young superstar. "So, kung anuman ang mga naging pagpapalaki at kung anuman ang pag-protection sa kanya, nasa mga magulang yun. At ako, hats off ako dahil napalaki nila si Sarah ng isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at may respeto sa kapwa. Ang sinasabi ko lang kay Sarah, hindi talaga mawawala ang mga taong darating sa buhay niya na mananakit sa kanya. Meron talaga 'yan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marami na rin pinagdaanan si Juday, both sa lovelife at career. Magkaiba nga lang sila ng diskarte ni Sarah sa pagharap sa mga bagay-bagay.

"Oo, e. Hinarap ko lang. At saka nakipagtitigan ako. At saka, hindi ako naniniwala sa away. Hindi ako nakikipag-usap nang direkta sa tao. Pero hinahayaan ko yung karma kasi mas mabigat na balik yun, e. Basta alam mo sa sarili mo na wala kang ginawa. Alam mo sa sarili mo na naging mabuti kang tao sa taong yun. Naging maayos ka naman na kaibigan sa kanya. Na sinaktan mo ako, okey, bahala na si Lord sa 'yo, bahala ka na. Nagkakatotoo naman, in fairness naman," pahayag ng aktres.

Pero nakikita ba niya ang sarili niya noon kay Sarah?

"Oo. Alisin mo lang ang concert artist, oo!" natatawa niyang sabi.

Pati sa lovelife?

"Oo, e," sagot niya. "Kaya siguro ako nanggagaling do'n, sa marami pa 'yan, kasi bata pa siya. At hindi matatapos 'yan sa isa, dalawa, tatlo, apat... Mapa-lalake or mapa-babae, mapa-bakla or tomboy, may mananakit at mananakit sa kanya kahit gaano siya proteksyunan ng mga tao sa paligid niya.

"Pain will find a way to go to her, e. And I guess, okey lang yun kasi it will make her a better person, it will make her stronger. At yun ang kailangan niya bilang tao. Kasi, kung protected siya palagi, parang wala kang matutunan sa buhay, di ba?"

ON HER PREGNANCY. Marami naman ang gandang-ganda kay Juday ngayong anim na buwan na ang dinadala niyang sanggol sa kanyang sinapupunan. Dahil fit din ang suot niya, napakaraming nakapansin na pati ang bilog ng tiyan niya ay maganda rin.

Masuwerte ngang buntis si Juday dahil tulad ng madalas niyang sinasabi, hindi siya dumaan sa mga lihi-lihi factor.

"Wala talaga akong lihi-lihi. Wala ako yung hindi gustong amoy or kine-crave na sobra ng ganito. Nagluluto pa nga ako! Hindi ko lang talaga kaya yung malasang lasa. Hindi ko kayang kainin, pero gusto ko siyang kainin. Hindi kaya ng sistema ko. Kahit gusto ko, pag-uwi ko ng bahay, ilalabas ko rin siya. Ako nga, ang pinakahinihintay ko na, yung halos hindi mo na ako makakausap sa antok," kuwento niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin daw niya masagot kung napaglihian ba niya ang asawang si Ryan Agoncillo.

"E, kasi, palagi ko na rin naman siyang tinititigan kahit noong hindi pa ako buntis. So, hindi ko na alam kung napaglihian ko ba siya. Hindi ko alam kung ano ang madalas at hindi," paliwanag ni Juday.

Baka sa October 14 daw siya manganak sa kanilang si "Butchocoy."

May plano na rin si Juday after niyang makapanganak. Talagang magpapahinga muna raw siya at pipiliting mag-focus sa kanilang anak.

"Ideally, one year talaga. Pero, hindi naman yung talagang hindi na ako makikita. May mga guesting siguro kung may gagawin. Pero yung soap opera, movies, hindi muna. It requires time taking care of the baby. At saka siyempre, babantayan mo rin yung magiging dating kay Yohan no'n. Mabuti sana kung isang bata lang ang nandiyan, e, hindi, e. May isa pang bata na kailangan pang intindihin mo ang nararamdaman," saad ni Juday, na ang tinutukoy ay ang adopted daughter nila ni Ryan na si Yohan.

Okey rin ba ang plano niyang ito kay Ryan?

"Oo, kaya nga kubang-kuba siya ngayon sa pagtatrabaho!" natatawa niyang sabi. "In fairness naman kay Rye, he gave me naman the choice, if I really want to rest or not. Yun ang isang in-assure niya sa akin. 'You will have a choice. If you want to rest, you can rest. If you want to go back to work, you can go back to work. Parang kung gusto mong magpahinga, ako na ang bahala sa 'yo.' Yun naman ang napakasuwerte ko rin naman sa aspetong yun. Hindi ka mangangarag mag-isip ng kung anuman ang mangyayari dahil hindi ka nagtatrabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN