Jolina Magdangal on boyfriend Mark Escueta: "Siya ang nagpapalawak ng isip ko...."

"Si Mark, nakikita ko na hindi siya judgmental. Kumbaga, artist tayo, minsan mainit ang ulo na hindi mo sinasadya. Siya ang nagpapalawak ng isip ko na baka ganito, ganyan ang nangyari. So, siya ang nagpapaintindi sa akin ng mas malawak na sitwasyon," says Jolina Magdangal about her boyfriend Mark Escueta.


Ilang araw pa lang ang nakalilipas mula nang bumalik si Jolina Magdangal mula sa kanyang U.S. trip. Pero nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) para sa isang pocket presscon sa Chili's restaurant sa Tomas Morato kahapon, July 15, sinabi niyang paalis na naman siya bukas, July 17, para sa isa pang show sa San Francisco, California.

Pero bago yun, tinanong muna namin siya about her co-management contract with Viva. Bakit pumirma pa siya ng kontrata sa Viva samantalang nasa PPL Entertainment na siya?

"Ito ay desisyon ng aking manager, si Perry Lansigan," sagot ni Jolina. "Viva is Viva, parang ganoon, di ba? Kumbaga, gumagawa rin sila ng mga concerts, movies... Ang nag-decide na mag-co-manage ay si Perry. At ako, I trust him, e. So, alam ko na tama yung naging desisyon namin kaya kami nag-sign na ng co-management sa Viva."

Dagdag niya, "Yung recording naman, inaayos na. Iba-iba kasi yung movies at saka recording."

Three years ang co-management contract na pinirmahan niya sa Viva. So far, inaayos pa raw lahat ng mga projects na gagawin niya.

"Actually, ang nakakatuwa, noong kausap namin si Boss Vic [del Rosario, Viva big boss], ang dami na agad niyang naisip! Sabi niya, 'Basta sa movie, kung anong mapagkasunduan namin ni Perry, gagawin natin agad. Basta magaling na director dapat.' Hindi man niya sinasabi na si ganito kasama mo, pero noong time na yun, makikita mo sa mukha niya na eager siya na magawan ng project.

"At saka natuwa pa ako noong naaalala pa niya ang time na bulinggit pa ako, nagpunta ako sa office niya, sa tapat pa yun ng ABS dati. Tapos sabi niya, 'Pasensiya ka na noon, hindi kita agad napansin kasi kasagsagan yun noon nina Donna Cruz. Pero, natatandaan kita,' sabi niya. Kaya sabi ko, 'Ay, thank you po! Hindi naman po nagbago ang looks ko, wala na lang akong bangs!'" natatawang kuwento ni Jolina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

EXCLUSIVE CONTRACT WITH GMA-7. Recently lang din ay pumirma ng two-year guaranteed exclusive contract sa GMA-7 si Jolina.

"Yes, after six years, ngayon lang talaga naging exclusive. Dati kasi, wala akong kontrata talaga, per show ang contract ko. Pero ngayon, ano na, exclusive na," banggit ng multi-media star.

That means, hindi naman pala siya napapabayaan o nakakaligtaan taliwas sa akala ng ilan na parang napapabayaan na siya?

"Oo naman," mabilis niyang tugon.

Sa may ganoong impression sa kanya, ano ang masasabi niya?

"Happy fiesta!" natatawang sabi niya. "Actually, ayoko nang sagutin. Parang to see is to believe na lang. O, heto na ang kontrata. Nag-sign na ako. So, ano pa ba ang dapat kong sabihin kung hindi stay happy, God bless."

May naging offer din daw ang TV5 sa kanya. Kinunsidera ba niya ito?

"Itanong na lang natin kay Perry," nakangiting pagpasa ni Jolina sa manager.

Ayon naman kay Perry, after much consideration, they decided to stay with GMA-7.

Tuloy, naitanong namin kay Jolina kung naniniwala siyang iba pa rin kapag nasa malaking network siya.

"Well, ayokong mag-compare. Kasi, iba ang GMA, iba ang Channel 5. Matagal na ang Channel 7. Sabihin na nating bumubongga ang Channel 5, pero magkaiba pa rin ito. And nagbigay ng importance ang Channel 7 sa pamamagitan ng isang kontrata. So, siyempre, kung sino ang magbigay ng importance," saad niya.

When asked kung ano ang mga project na naka-lineup sa kanya o mga show na gusto niyang gawin, bigla itong natuwa at may naalala.

"Uy, napanood ko si Ate Marya [Maricel Soriano]. Sumaya ako! Parang bigla akong nagkaroon ng hope. Idol ko siyang talaga," bulalas ni Jolina, na ang tinutukoy ay ang guest appearance ng Diamond Star sa Pilyang Kerubin.

Nagkasama sina Jolina at Maricel noon sa pelikulang Kung Ayaw Mo, Huwag Mo (1998) ng Star Cinema.

"Ang taga-tagal na no'n, yun lang," pagbabalik-tanaw niya. "At saka, marami pa akong naiisip na puwedeng mangyari, so hopefully. Ang GMA naman, hindi naman sila magsasabi na 'O, eto ang mga gustong mangyari.' Siyempre, paplanuhin pa yun. Ang importante do'n, hindi naman lahat bibigyan nila ng exclusivity. So, happy ako na binigyan nila ako ng exclusive contract."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PARTY PILIPINAS. Napabalita naman na wala na siya sa musical variety show ng GMA-7 na Party Pilipinas. Ano ba talaga ang nangyari ro'n? Naging isyu rin kasi ang Twitter post niya na parang may tampo o hindi siya nagugustuhan sa show.

Paliwanag ni Jolina, "Ganito kasi ang nangyari diyan, unahin ko ang Singapore. Doon ako nag-start na nag-Party P ako tapos hindi ulit. Noong nag-Singapore ako, for GMA Pinoy TV. Pagbalik ko, nag-Party P ako with Direk Rico [Gutierrez]. After no'n, nag-Boracay ako, yung wedding ni Tuesday Vargas. Naoohan ko na yun, matagal na. Wala pang Party P, SOP pa lang. So, may nasagasaang Party P.

"After that, kinailangan kong ayusin ang re-entry permit ko sa green card. Mapapaso siya. So, sabi ng dad ko, 'Para hindi sayang ang pamasahe, ayusin mo na ang re-entry and then stay na kayo ro'n hanggang June 30.' So, may nasagasaan na naman na Party P. Then, noong anniversary ng GMA, may nag-inquire ng Pinoy TV sa Virginia. So, noong nandoon lang ako natuloy kaya humaba na nang humaba ng gano'n."

Nagkakaroon ba siya ng problema pagdating sa importansiyang ibinibigay sa kanya sa Party Pilipinas?

"Well, siguro hindi ko naman sasabihin na haping-happy ako sa Party P kasi lahat naman kami, nangangapa," pag-amin niya. "At puwede ko namang sabihin na hindi lang naman ako ang nakakaramdam ng ganito. Minsan may mga kuwestiyon pa rin. At saka, parang nalulungkot pa rin ng konti. Pero kasama kaming nag-a-adjust sa show, lalo na dalawa ang direktor [Rico Gutierrez and Mark Reyes]. Kumbaga, hindi lang ako ang nakakaramdam ng ganito kung hindi lahat kami, nangangapa at naggo-grow with the show.

"So, ganoon ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko naman sasabihin na napaka-happy ko at hindi ko naman sasabihing nalulungkot. Kasi, hindi. Alam ko na nag-a-adjust din sila. Kumbaga, bigyan din sila ng chance na patunayan ang mga changes na nangyayari. At ang maganda, naiintindihan din nila feelings ng mga artists."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MARK ESCUETA. Hindi naman itinanggi ni Jolina na noong huli niyang punta sa U.S. ay ang boyfriend niyang si Mark Escueta ang kasama niya.

"Kaya naman si Mark na ang ipinasama ni Daddy sa akin dahil kailangan nilang tapusin ang Tagaytay na business. So, si Mark na ang ipinasama nila. E, okey naman si Mark noong time na yun. Wala naman siyang gigs masyado. Kung meron man, isa o dalawa at meron namang puwedeng mag-session," sabi ni Jolina.

Hindi naman masabi ni Jolina kung gaano na sila katagal ni Mark.

"Hindi ko kasi alam talaga," paliwanag niya. "Binabase na lang namin yung anniversary or monthsary namin noong time na nagkakilala kami, which is last year."

Habang tumatagal, mas lalo raw siyang maraming nadi-discover sa kanyang boyfriend.

"Hindi siya judgmental. Pero lahat ng sinasabi ko ngayon, wala akong pinagkukumparahan. Yung dati ko, nakalimutan ko na yun. Ang naiisip ko, yung ngayon. So, si Mark, nakikita ko na hindi siya judgmental. Kumbaga, artist tayo, minsan mainit ang ulo na hindi mo sinasadya. Siya ang nagpapalawak ng isip ko na baka ganito, ganyan ang nangyari. So, siya ang nagpapaintindi sa akin ng mas malawak na sitwasyon."

Kailan naman kaya makakarinig ng wedding bells ang kanyang mga tagahanga?

"Hindi pa rin, wala pa namang proposal. At saka, ine-enjoy ko lang. Ayoko rin mag-isip ng kahit na ano. Ayokong mag-expect. Mahirap mag-expect at pagkatapos pag wala pa, sino ang mahe-hurt? E, di ako, di ba?" sabi niya.

If ever na ikasal nga siya any moment, wala naman daw nakikitang problema si Jolina kahit sa mga kontrata niya.

"Para sa akin, personal naman na yun. At saka, hindi naman na ako nagsisimulang artista na kapag nag-asawa, achu-chu, wala namang ganoon," aniya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN