Marian Rivera on being compared with Maricel Soriano: "Nandoon lang ako sa baba niya at tumitingala sa kanya dahil siya yun, e."

"Siyempre, Maricel Soriano is Maricel Soriano. Kaya gagawin ko talaga siyang inspirasyon bilang nakatrabaho ko rin siya at totoong tao rin talaga," says Marian Rivera about reprising Maricel Soriano's role in Super Inday.


Dapat sana ay isa rin si Marian Rivera sa tatayong ninang ng anak nina Paolo Contis at Lian Paz na si Xonia Aitana noong binyag nito last July 18. Pero nag-beg-off ang aktres at nagsabi na dapat ay isa lang sa kanila ng boyfriend niyang si Dingdong Dantes ang maging godparent ng anak nina Paolo at Lian. Kaya hindi pa man, tipong naka-reserve na siyang maging ninang sa second baby nina Paolo and Lian.

Kaya tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Marian nang makausap namin siya sa reception ng binyag ni Xonia, di ba't masama raw ang tumanggi sa pagni-ninang?

"Ay, sabi ko kay Pao, hindi puwede. Kung si Dong, si Dong. Kung ako, ako. Hindi kasi maganda, e. Hindi puwede. Ganoon kasi sa amin sa Cavite. Pero sabi ko nga kay Paolo, kung si Dong, si Dong na lang. Kaya sa susunod, oo naman!" nakangiti niyang sabi.

WALANG ILANGAN. Sinabi namin kay Marian na marami ang naaliw nang makita sila nina Dingdong, Paolo, Lian, at ang magkasintahang Mark Herras at Ynna Asistio sa iisang event. Naging girlfriend kasi ni Mark si Lian samantalang na-link naman sa young actor si Marian.

"Bakit naman? Ano naman ang masama ro'n?" hirit ni Marian habang tumatawa.

Walang ilangan talaga?

"Wala!" bulalas niya. "At saka, dyusko naman, wala naman yun dati. At saka, bagets pa ako no'n. At saka, dedma lang sa kung ano ang nangyari kasi wala namang dapat palakihin."

Sila ni Mark, okey ba sila?

"Ay, oo naman. Nagbabatian naman kami ever since," sagot ni Marian.

Silang dalawa ni Ynna, okey rin ba?

"Oo naman! Napakabait ng batang yun. Kahit nasa sulok ako, pupuntahan niya ako para batiin. Basta ako, nababaitan ako sa kanya. Gusto ko siya," sabi niya.

ENDLESS LOVE. Masaya naman si Marian na simula nang mag-pilot ang Endless Love nila ni Dingdong ay maganda ang ratings nito palagi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, happy kami," sambit niya. "Halos isang taon kaming hindi nagtambal ni Dong. So, ngayong pagbabalik-tambalan, parang na-miss ng mga tao kaya siguro sinubaybayan din nila. Tapos, yung mga batang Johnny at Jenny [Kristoffer Martin at Kristine Bernardo], ang gagaling. Na-impress din ako sa kanila. Kapag nakikita ko, nasasabi ko nga na nakakatuwa itong mga ito."

Dugtong pa ni Marian, "Ang pinakamasayang part diyan, gusto namin yung Endless Love talaga na story at saka magkasama talaga kaming dalawa. Kaya ano pa ba ang hihilingin naming dalawa, di ba? Ang sarap na magkasama sa trabaho."

Ang alam daw ni Marian, tatakbo ng three to four months ang Endless Love.

"Mabilis lang, pero okey lang yun kasi, at least, nabigyan ng chance na magka-partner ulit kaming dalawa," sabi niya.

Ano naman ang reaksiyon ni Marian na itong Endless Love na raw talaga ang huling team-up muna nila ni Dingdong?

"Siyempre, ayoko," sabi niya. "Siyempre, gusto ko na may kasunod kasi enjoy talaga kami na magkatrabaho kami together."

SUPER INDAY. Posibleng sa August na simulan ang shooting ng pelikula niyang Super Inday and the Magic Bibe dahil marami raw itong effects na kailangang gawin. Mabilis nitong sinabi na nape-pressure na siya.

Paliwanag niya, "Kasi, lahat tinatanong nila, e, hindi ko pa nga nababasa ang script. Parang lahat, excited. Siguro, nate-tense na masaya rin ako. Kasi, lahat, 'Uy, ikaw pala ang gagawa ng Super Inday.' Parang, 'Huh? Hindi ko pa po nababasa.'"

Tungkol naman kay Maricel Soriano, na siyang unang gumanap bilang Super Inday, ito ang sinabi ni Marian: "Siyempre, Maricel Soriano is Maricel Soriano. Kaya gagawin ko talaga siyang inspirasyon bilang nakatrabaho ko rin siya at totoong tao rin talaga."

Sa hiwalay na panayam ay sinabi ni Maricel na masaya siya na si Marian ang gaganap sa remake ng Super Inday. Ayon pa sa Diamond Star, baka mas maganda pa raw ang kalabasan ng remake dahil bago naman ngayon ang atake.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi naman ni Marian, "Ay, ang Maricel Soriano ay 'yan na 'yan! Kaya inspiration talaga. Siguro may Marian atake 'to na yung original, gagayahin yung story. Pero siyempre, yung atake, yung personality ko, yun ang lalabas."

Isa raw sa mga idolo niya ever since si Maricel. Kaya iba raw ang feeling kapag naririnig niyang sinasabi na tila siya ang counterpart nito ngayon.

"Ang sarap ng feeling!" bulalas ni Marian. "Siguro parehas kasi kami ng personality. Pero kung ano siya, yun siya. Hindi ko siya mahihigitan. Kumbaga, nandoon lang ako sa baba niya at tumitingala sa kanya dahil siya yun, e."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN