Amy Perez has no regrets on making a "face to face choice" when she moved to TV5

This coming August, Face to Face, the show hosted by Amy Perez, will visit barangays to launch "Payo ng Bayan," which will give free legal, spiritual, and psychological counseling from the Trio Tagapayo.


Bilang host ng Face To Face ng TV5—ang nag-iisang talak-serye sa telebisyon na tumatalakay sa lahat ng uri ng problema, mula sa maliliit hanggang sa pinakamatitindi—aminado si Amy Perez na puno ng stress at pressure ang kanyang trabaho.

"Nakaka-stress din po...Kaya we want to tie up with the government talaga para malaman nila," ang kuwento ng host sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Dagdag pa niya, "Kasi, yung mga taong nakakaharap namin sa bawat episode, ito rin yung talagang totoo at tunay na tao na sana makaharap rin ng mga congressman, ng mga senador, para nakikita nila na ito talaga ang problema ng marami."

Ngayong nagiging popular na ang show. Ang next target nito ay maging mas proactive, hindi lang reactive, sa problema ng bansa.

Sa press conference ng show ni Amy kaninang tanghali sa Max's Restaurant, Roces Avenue, Quezon City, aniya, "Kailangan talaga ng napakaraming proyekto para sa mga mahihirap, na kailangan talaga ng trabaho para dun sa mga walang ginagawa, na sa idle time nila ay nagto-tong-its, nagsa-shabu diyan.

"Nakakalungkot talaga kasi nakikita namin yung totoong nakakalungkot na reyalidad talaga. 'Tapos maiisip mo na dapat mo pala talagang ipagpasalamat sa Diyos dahil nasa mabuti tayong kalagayan kumpara sa mga pinagdadaanan ng iba nating kababayan."

NOT SCRIPTED. Sa kabilang banda, may mga kritikong nagsasabi na "scripted" umano ang drama na nagaganap sa Face to Face.

Pinanindigan naman ni Amy at ng buong staff ng show na tunay na tunay ang pagbubulgar ng mga problema, bangayan, awayan at minsan ay sakitan, sa bawat episode na ipinapalabas.

Paliwanag ng dating aktres, "Kahit kami at first, hindi namin alam kung bakit at paano nila nailalabas ang mga problema nila sa TV. Then, na-realize namin, ako personally, na kailangan nila ng venue para mailabas ang mga saloobin nila, ang mga problema. At kapag nandun na sila, kapag pinag-uusapan na ang mga problema, hindi na nila napapansin o iniisip na may kamera."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naman daw intensyon ng show na may magkasakitan o magmurahan ang kanilang mga guests. Nagkakataon lang na may mga nadadala ng matinding emosyon.

"Ang purpose talaga nila in being there ay masabi talaga ang mga problema nila, makausap nila ang Trio Tagapayo, mabigyan sila ng personal counseling. So if you'll watch the show, kung titingnan mo siya na may bugbugan at iyon lang ang titingnan mo at hindi mo titingnan ang deeper aspect, hindi mo talaga maiintindihan ang purpose ng programa.

"If people would look at it lang na nagbubugbugan, na nagsasakitan... Hindi, kailangan talaga na maramdaman mo how they feel, kung ano ang nararamdaman nila sa problema nila. Mare-realize mo na hindi sila nagpunta doon para magkasakitan o mag-away kundi para maresolba ang problema."

EXTRA BONUS. Sa loob ng ilang taon na rin niyang pagho-host, inisip na rin ni Amy na iwanan na ang telebisyon. Pero noong narinig daw niya ang konsepto ng show, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang show.

Sabi ni Amy, "Hindi naman, although sabi ko nga kay Tito Boy [Abunda, Amy's manager], nasa stage ako talaga ng buhay ko na gusto ko na talagang mag-retire. Kasi now I'm blessed with a very good and loving partner. Ito talaga ang matagal ko ng pangarap, to have a family, which I'm enjoying now."

Kumbaga, "extra bonus" na lang daw ito.

"Nagpapasalamat rin ako sa Diyos dahil nabigyan ako ng pagkakataon na makapag-host ng ganitong show. Sabi ko nga hindi siya biro kasi may dahilan para ako, si Hans, at ang Trio Tagapayo ang malagay sa show na iyon kasi, ibig sabihin, the show is for people na nangangailangan talaga ng ganung klase ng venue, kaya ginawa ito ng TV5," ang kanyang paliwanang nang nakangiti.

THE OTHER TAGA-TALAK. Para sa mga hindi pa nakakapanood, ang mga miyembro ng Trio Tagapayo ay sina:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Atty. Persida Acosta, para sa opinyong legal. Siya ang chief legal counsel ng Public Attorney's Office at propesor sa Ateneo Law School.

Fr. Gerry Tapiador, Theology professor, book author at dating college dean sa San Carlos Seminary. Siya naman ay tagapagpaalala ng mabuting asal at turo ng Diyos.

Dr. Camille Caces-Garcia, child psychologist at chief executive officer ng isang acute and chronic psychiatric facility. Siya ang tumitingin sa posibleng epekto sa pag-iisip ng mga taong sangkot sa isyu.

Humahalili naman sa pagbibigay ng psychological advice si Dr. Rose Llanes, respetsdong propesor sa UP Manila at pangulo ng Integrated Professional Counselors Association of the Philippines.

Kasama rin sa nagpapabatid ng spiritual wisdom sa mga nagbabanggaang panig sa show si Fr. Sonny Merida, and parish priest ng parokya ng Saint Peter.

Ang Primerong Sawsawero naman na "sidekick" ni Tiyang Amy ay si Hans Mortel.

PERFORMANCE OF THE SHOW. Wala pang limang buwan ang show ay nagkaroon na agad ito ng following.

"I'm very happy that Face to Face is doing good palagi at lalo pa kaming nagdadasal na talagang magkaroon siya ng maraming commercial load kasi, iyon naman ang gusto naming lahat para happy ang TV5."

Nang ipakumpara sa kanya ang advantages sa disadvantages ng format ng show, mas pabor daw ito sa kanya. Napakuwento si Amy ng kanyang mga experiences:

"Mas marami akong nakikitang advantages kesa sa disadvantages. Advantages in the sense na natutuwa ako kasi nagiging instrument ako, si Hans at ang Trio Tagapayo na makapag-reach out sa mga tao.

"Honestly, natutuwa ako kasi, kapag naglalakad ako sa mall ngayon, hindi sila lumalapit para magpapiktyur lang, kundi lumalapit sila para sabihin sa akin, 'Ms. Amy, naloko po ako ng 60 thousand, papaano ba ako makakakontak kay Atty. Acosta?'

"So, sasabihin ko, 'Ito ang number sa opisina ni Atty., puwede kang humingi ng tulong dun, may ibibigay na abogado sa iyo.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isang beses nasa Megamall ako, 'Amy meron akong problema sa asawa ko kasi parang nag-iiba na ang ugali niya, sasabihin ko, 'Tumawag ka kay Dr. Camille.'

"So maganda, kasi nakikita natin na meron talagang pangangailangan ang mga tao. Maaaring itong show na ito, nabigla ang mga tao kasi bago siya, kakaiba, pero karamihan sa mga nakakasalamuha ko sa labas, sinasabi nila na, 'Maraming salamat at nagawa ng TV5 ang show na ito.'"

Dati na raw niyang ginawa ito sa show na Deretsahan, pero "mas improved at better version" ang kanyang pinagkakaabalahan ngayon.

Sa pagpapatuloy niya, "Kasi nga, may Trio Tagapayo, nandiyan si Hans, at eventually marami pa kaming gustong gawin sa programa.

PAYO NG BAYAN. Upang mas maparami ang dami ng matutulungan ng show, ilulunsad ang "Payo ng Bayan" ngayong Agosto.

Bibisita ang Trio Tagapayo sa mga barangay upang magbigay ng libreng legal, spiritual, at psychological counseling.

Ang first stop ay sa Brgy. 592 District 6 in Sta. Mesa, Manila, sa August 2.

May pre-registration/screening na magaganap mula July 23 to 31 (9:00 a.m. until 5:00 p.m.) at August 1 (9:00 a.m. until 12:00 n.n.) sa nasabing barangay. Hanapin si Dyana Santiago, at magdala ng valid I.D.

"Gusto namin talagang mag-evolve siya, na maraming tao ang makakapag-participate at makakapag-voice out ng kanilang mga problema," ang sabi ng main host.

HER PREVIOUS HOME. Samantala, inusisa rin ng PEP ang tungkol sa konting gusot na nangyari na pag-alis ni Amy sa ABS-CBN para lumipat sa TV5.

"Hindi ko naman talaga gustong iwan ang ABS, e. Alam ni Tito Boy 'yan. "Kaya lang naipit kami sa sitwasyon na may mga bagay na kailangang gawin para...sabihin na nating to grow.

"Ayoko namang lumabas na ingrata ako, pero utang ko ang lahat sa ABS-CBN, na doon ako nagsimula. Doon ako nakilala, doon ako nagdalaga, doon ako nakita ng mga tao na kung paano ako pumapasok sa taping ng Palibhasa Lalaki na naka-uniform pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sabi nga nila, lahat naman tayo mayroong space for growth at kailangan natin yung mga bagay na ganito—may mga pagbabago, di ba? Kasi parang ang nangyari naman... papaano ko ba sasabihin?

"Nung in-offer ang TV5, hindi naman namin alam na magkaka-problema. So nung nagkaproblema na, you have to make a 'face to face' choice," natatawang pagtatapos ni Amy sa aming panayam.

Ang Face to Face, ang nag-iisang barangay hall on-air, ay napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 11:00 a.m. at 10:30 p.m. sa TV5.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN