Robin Padilla poised to leave Pilipinas, Win na Win!, according to PEP sources

Kris Aquino and Robin Padilla are the main star-hosts of Pilipinas, Win na Win!, but less than a week after the launch of the ABS-CBN noontime show that replaced the high-rating Wowowee, Robin is said to be unhappy.


Wala pa man isang linggong umeere ang Pilipinas, Win na Win!, ang bagong noontime show ng ABS-CBN na pumalit sa highly successful Wowowee, ay may namumuo nang unos rito.

Kahapon, Agosto 4, lumabas ang report na humingi ng dalawang linggong bakasyon si Robin Padilla, ang isa sa main hosts ng lunchtime game show na kinatatampukan din ni Kris Aquino. Ang ibinigay na dahilan ng aktor ay kailangan niyang makapag-observe ng Ramadan.

Ang Ramadan ay ang isang buwang pag-aayuno ng mga Muslim, na itinatakda sa huling buwan ng Arabic calendar. Sa taong ito, ito'y pumapatak sa pangalawang linggo ng Agosto hanggang pangalawang linggo ng Setyembre. Sa loob ng isang buwang iyan, mula alas-singko ng umaga hanggang alas-seis ng gabi, ay bawal para sa mga Muslim ang kumain, uminom, at anupamang gawain na maaaring panggalingan ng tukso.

Kapani-paniwala ang rasong ito dahil si Robin ay naging Muslim noon pang 1996, habang nakakulong sa New Bilibid Prison for illegal possession of firearms. Nasentensiyahan ng 21 taon ang aktor, na noo'y tinatawag na Bad Boy of Philippine cinema, noong Abril 1994. Matapos siyang patawarin at palayain ng dating presidenteng Fidel V. Ramos noong Abril 1998, kumapit pa rin si Robin sa kanyang pananampalataya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit kapani-paniwala rin ang ugong sa loob at labas ng Kapamilya network na ginamit na rin ni Robin ang Ramadan upang mapagtakpan ang totoong balak nito. Ang totoo raw kasi ay ayaw nang bumalik ang action superstar sa Pilipinas, Win Na Win!. Naging timely cover lamang daw ang Ramadan sa pagkalas niya mula sa programang kasisimula pa lang noong ika-31 ng Hulyo.

Isang showbiz insider ang nagsabi sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na may reklamo si Robin sa ABS-CBN management simula't simula pa lang. Ang intindi raw kasi ng aktor ay bibigyan siya ng kanyang sariling show. Kung meron mang show si Kris, meron din siya—pero magkaiba at magkahiwalay ang mga ito.

Matatandaang ito rin ang ini-report ng PEP noong Hunyo 30. Ayon sa source ng PEP, magkakaroon dapat ng back-to-back shows ang dalawang superstars ng ABS-CBN; isa kay Kris, isa kay Robin. Ito raw ang napagkayarian ng management sa isang top-level meeting. Noong panahong ini-report ito ng PEP, hindi pa ito ipinapaalam ng management kina Kris, Robin, at Willie Revillame, na host ng papalitang noontime show. Kaya sa sumunod na mga araw, kapag tinatanong si Kris ng media, sinasabi nitong walang ganoong offer. Ngunit sa reklamong ito ngayon ni Robin, mukhang nakaabot sa kanya ang ganoon ngang offer. Sa maikling salita, hindi raw alam ni Robin na magsasama sila ni Kris sa iisang show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya nga raw noong launching pa lang ng Pilipinas, Win na Win!, noong Sabado, Hulyo 31, gusto nang mag-quit ni Robin. Napag-alaman din ng aming source na nakumbinsi lamang ng management si Robin na manatili sa programa hanggang sa Sabado, Agosto 7.

ROBIN AND KRIS. Liban sa reklamo ni Robin na hindi siya tinapat ng management tungkol sa show na lalabasan, may isa pa raw dahilan kung bakit gusto nitong kumawala na. Ang dahilan, ayon sa isa pang PEP source, ay dahil hindi raw talaga compatible ang hosting styles nila ni Kris.

Kung si Robin daw ay underplaying parati, si Kris naman daw ay over- the-top lagi. Kung cool si lalake, hyper si babae. Para nga raw "tubig at langis" na hindi maaaring magsama, lalo na't top billing pareho ang dalawang big stars. Kaninong style ang masusunod? Ano ang magiging tono ng programa—mala-Kris o mala-Robin?

Dagdag dito, ayon na rin sa industry insiders na nakakakilala sa dalawang superstars, parehong "control freaks" ang mga ito, lalo na pagdating sa kanilang careers. Sa personalidad ni Kris, obvious naman daw ito. May show ba naman daw si Kris na hindi ito ang main at dominant star? Ang hindi raw obvious, ganitong-ganito rin daw si Robin. Di nga ba't napakaraming kuwento sa pinanggalingan niyang network, ang GMA-7, ng kanyang pagdidirehe sa sarili at pagpapalit ng storyline ng buong teleserye? Paano nga naman daw magsasama ang dalawa, kahit pa they were more than friends mga 21 years ago?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa sa aming source, kasama sa mga incompatibilities nina Robin at Kris ay ang pagiging bukas ni Robin sa improvisations at instant changes sa daloy ng show. Hinding-hindi raw ito ang style ni Kris, na gustong may sinusundan na malinaw.

Base pa sa obserbasyon ng showbiz insider, nagiging "party pooper" si Kris tuwing nag-i-improvise at nag-a-ad lib ang kanyang mga kasamahan sa programa. Bukod kina Kris at Robin ay kasama rin sa Pilipinas, Win Na Win! sina Pokwang, Valerie Concepcion, at Mariel Rodriguez. Ang tatlong kababaihan ay nahasa nang husto sa Wowowee, kung saan lagi silang kinakailangan mag-react at mag-improvise ayon sa hinihingi ng pagkakataon.

Noong rehearsal pa lamang nila noong Biyernes, Hulyo 30, "binabara-bara" na raw ni Kris ang mga kasamahan, dahil hindi ito makasakay sa pagka-impormal at pagka-malaro ng kanyang co-hosts. Gusto raw nito ay seryosong trabaho na may direksyong malinaw at di basta binabago.

Baka rin may nararamdaman na si Kris. Nito nga raw ay nagtatanong na ang tinaguriang Queen of All Media kung babalik pa si Robin sa show. Bagamat wala raw nagsasabi sa kanya ng totoong saloobin ni Robin at dahil ugali na rin daw ni Robin ang hindi kumprontahin ang isang babae—sagutin man ito ni Robin sa kalaunan, malamang daw ay pagtatakpan pa rin niya ang kanyang mga dahilan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IN FAIRNESS SA MEDIA. Upang kumpirmahin kung totoo ngang hindi na siya babalik sa Pilipinas, Win Na Win! kahit na matapos na ang Ramadan, sinubukan ng PEP ng kunan ng pahayag si Robin.

Noong una'y pumayag ang manager nitong si Betchay Vidanes na ipakiusap sa PEP si Robin matapos daw nitong mag-live sa Pilipinas, Win na Win! Di naglaon, iba na. Nakatakda raw magsalita si Robin sa Entertainment Live sa Sabado at ang interviewer daw ni Robin ay si Mariel Rodriguez, ang dalagang nililigawan niya at baka girlfriend na ngayon.

Tingin ng PEP ay dapat maging fair si Robin at ang kanyang manager. Dahil malaking isyu sa showbiz ang maaaring pagkalas niya sa isang noontime show na kalulunsad pa lang at ni hindi pa nakaka-rate nang mahusay, dahil may mga katanungan tungkol sa kontrata, dahil may mga pinaasang fans at viewers na kasama siya sa bagong pamilyang pang-noontime ng ABS-CBN—dapat ay sumagot si Robin sa anumang forum na naunang magtanong, kundi man sa lahat ng forum.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit lilimitahin sa iisang network? Sa show pa ng isang nililigawan? Kailan naman naging personal lahat ito? Dapat bang magka-koneksyon para makakumpirma ng mga bali-balita? 'Tapos, magrereklamo kapag hindi nakuha ang side niya? E, kung may sigalot naman sa buhay niya o may pinapa-launch na produkto, panay ang imbita sa media para exposure. 'Asan ang fair treatment diyan?

Nagpadala rin ang PEP ng text message, dalawang beses, sa manager ni Kris na si Deo Endrinal. Hinihingan ng panig si Kris. Sa experience ng PEP, maagap si Deo sa pagsagot sa mga katanungan ng media. Ngunit sa pagkakataong ito, halos tatlong oras na ang lumipas ay hindi pa ito nakakasagot.

Bukas ang PEP sa anumang statement nina Kris Aquino, Robin Padilla, at ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN