Hindi pinayagang makapagpiyansa ang suspect sa tangkang pangingidnap sa ama ni Sarah Geronimo na si Mr. Delfin Geronimo.
Base sa inquest proceeding kahapon para sa suspek na si Paul Mercado, sinabi ng Assistant City Prosecutor ng Quezon City na may matibay na ebidensiya na plano niya talagang kidnapin ang tatay ng Popstar Princess.
Ayon sa report ng Saksi kagabi, Agosto 9, bandang ala-una ng hapon noong Linggo, Agosto 8, nang imbitahan ng suspek ang ama ni Sarah sa basement ng ABS-CBN para ibigay ang isang regalo mula sa isang kumpanya ng shampoo. Subalit pagdating sa basement, puwersahan daw na pinapasok si Geronimo sa isang Hyundai van at tinangka pa siyang paralisahin sa pamamagitan ng stun gun.
Sa naunang pahayag ni Mr. Geronimo sa ABS-CBN News Channel (ANC) noong Linggo, mariin niyang sinabi na sinubukan talaga siyang kidnapin ng suspek.
Aniya, "Tingin ko kidnap ito kasi kung na-paralyze niya ako sa pagkakakuryente, puwede niya akong ikulong sa loob ng sasakyan. Tapos itatali niya ako sa cable tie. May cable tie siya. Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin sa akin. Maaring ipatubos ako sa pamilya ko."
Itinanggi naman agad ito ng suspek at sinabing gusto lamang niyang nakawan ang ama ng singer-actress.
Sa ulat ng ABS-CBN, ito ang nasabi ng suspek: "Gipit lang po. Napilitan lang na gumawa ng hindi maganda. Hindi ko po kikidnapin... Kung ano 'yong nasa katawan niya, 'yon lang ang napag-interesan ko lang."
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang home network ni Sarah tungkol sa insidente. Hinihintay pa ng ABS-CBN ang kumpletong imbestigasyon ng pulisya ukol rito bago maglabas ng official statement.