K Brosas defends manager Boy Abunda against Keanna Reeves' "maling paratang"

"Lahat ng tulong ibinigay ni Kuya Boy [Abunda]. So, hindi totoo na pinabayaan siya ng Backroom. Nasa kanya ang dahilan kung bakit nawalan siya ng trabaho at nagkaganyan siya," says K Brosas (in photo) about Keanna Reeves.


Nagpahayag ng hinanakit ang comedienne na si K Brosas ukol sa mga ipinahayag ni Keanna Reeves sa isang broadsheet.

Ito'y tungkol sa pagpapabaya raw ng Backroom Inc. sa career ni Keanna at ang pagpapa-book diumano nito. (Ang pagpapa-book ay may pakahulugang paglalako.)

Ang Backroom ang talent management na pinamamahalaan ng kilalang TV host, endorser, at talent manager na si Boy Abunda.

Ilan sa mga talents na hinahawakan ni Boy ay sina Kris Aquino, Gretchen Barretto, Ai-Ai delas Alas, Rufa Mae Quinto, Erik Santos, Mariel Rodriguez, Bianca Gonzales, Sitti, at iba pa.

Ayon kay K, kaibigan niya si Keanna, subalit nasaktan siya sa maling paratang ukol sa kanyang manager na si Boy, na dati ring manager ni Keanna.

"Wala akong personal na galit kay Keanna. Kaya lang, hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mag-react.

"Si Kuya Boy, ayaw niya magsalita, kaya ako na lang ang magsasalita," panimulang saad ng singer/comedienne nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal), sa Baang-Baang Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, kahapon, Setyembre 13.

Dagdag ni K, "I called Kuya Boy. Mahal na mahal ko 'yan. And knowing him, hindi 'yan magre-react. Pero damang-dama ko, nasaktan siya.

"May sinabi si Keanna. Personally, close ko 'yan. Baklang-bakla rin 'yan, I know kung bakit niya nasabi yun."

Isiniwalat ni K na siya ang naging tulay para kunin ni Boy si Keanna bilang isa sa mga talent nito.

"Kasi, sa akin nag-umpisa si Keanna. Nakilala siya dahil sa isang sketch sa concert ko noong 2005 sa Music Museum. May ginawa akong script, ang title, Gusto Kong Maging Bold Star.

"Pinaglaruan ko yung script tungkol sa mga pangalan ng mga bold star. Mayroon ka dapat na distinct o yung kakaibang pangalan. Ang naisip ko, yung pangalan ni Keanna Reeves.

"Natural, in-invite namin siya na mag-guest. Nag-hit. Nakita ni Kuya Boy, sabi niya, 'Nakakatuwa ang baklang babaeng ito na malaki ang suso...' So, doon siya na-discover. From there, tinulungan namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko naman 'sinusumbat, sinasabi ko lang. Kasi nga, humingi rin siya ng tulong sa amin. Tinulungan namin.

"Binigyan ko ng outfit ang bakla, pinag-set ko sa Zirkoh, sa banda ko para mahasa sa pagkanta, yung live performance.

"Tapos sa PBB [Pinoy Big Brother], and the rest is history, yun na," lahad ni K tungkol sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition Season 1 winner.

Dito na binanggit ni K ang interview ni Keanna tungkol kay Boy.

"Then, last week 'ata yung interview niya sa Inquirer. Parang nagsalita siya na pinabayaan daw siya ng Backroom.

"Ang masakit lang kasi sa akin, hindi ka naman pinabayaan. Hindi ka naman pinabayaan, 'teh, it was all your fault.

"Pasensiya na, pero alam naman natin siguro, 'teh. Hindi na yung utang na loob, normal na yun, e.

"Huwag mong sabihing pinabayaan ka, kasi I was there. Nakita ko yun, kung paano ka ipinagtanggol, pinush... Di ba, lahat kami close siya?

"Hindi na yung utang na loob, e, kaunting respeto na lang kay Kuya Boy. Kasi kung wala si Kuya Boy, wala ka.

"Ang sa akin lang, hello, 'teh, hindi ka pinabayaan, pinabayaan mo ang sarili mo!

"Aminin natin, bakit ba siya naiinterbyu ng mga nega-nega dati, umiiyak pa siya.

"Ipinagtatanggol siya. Totoo yun. Bakit ka naman iinterbyuhin nang ganoon kung hindi?

"Pero ano ginawa ng Backroom, ipinagtanggol ka pa rin. Kinausap ka mula ulo hanggang paa.

"Sana 'wag kang magalit, 'teh... Iba yung pinag-uusapan dito, e, propesyonal.

"At saka may factor siyang sinabi na talagang nakaka-off talaga. Yung booking-booking na pakiyeme-kiyeme siya na alam daw ni Kuya Boy.

"Parang, teka lang—bugaw?!

"Doon talaga nag-init ang ulo ko. Sabi ko—kinausap ko si Sir Boy—sabi ko medyo na-off ako. Sabi naman niya, 'It's okay, it's okay.'

"Pero damang-dama ko na na-hurt siya, pero ayaw niyang patulan. Puwes, ako ang papatol!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka sa akin siya nagsimula, e.

"Lahat ng tulong ibinigay ni Kuya Boy. So, hindi totoo na pinabayaan siya ng Backroom.

"Nasa kanya ang dahilan kung bakit nawalan siya ng trabaho at nagkaganyan siya.

"Tapos, may sinasabi siya na parang alam ni Kuya Boy yung pagpapa-book sa kaniya.

"Hello! Sana isipin niya muna bago siya magbitaw ng salita," himutok ni K.

Sinabi pa ni K na wala siyang personal na galit kay Keanna, pero sana raw ay mag-isip ito bago magsalita at baka nakakasakit sa ibang tao.

"Mahal ko si Keanna dahil napakatotoo niyang tao. Dahil nga parang kapatid ko na siya."

BLOOMING CAREER. Sa kabilang banda, maligayang-maligaya naman si K sa takbo ng kanyang career ngayon, lalo pa't nakasama siya sa pinakabagong primetime series ng ABS-CBN, ang iDOL.

"Swak na swak ang pagkakasama ko sa iDOL bilang tiyahin ni Sarah.

"Napakasaya namin sa set at talagang hindi basta-basta ito show na madaling ginagawa, talagang pinag-iisipan at may mga nababago dahil nais talaga namin at ng lahat ng bumubuo ng Idol na maging masaya at masiyahan ang mga manonood."

Abala rin sa corporate shows si K at sa nalalapit niyang concert sa Music Museum, ang K/Pak:The Wapak Concert sa November 12. Special guests niya rito sina Jon Avila atPooh, kasama ang Copycats.

"I am very grateful for all my blessings. God is good!

"Ang dami ko talagang dapat ipagpasalamat sa Diyos dahil sa pamilya at sa career ko. Hindi Niya ako pinababayaan pati ang aking pamilya.

"Ang mga project ko ay patuloy na dumarating. I'm also thankful that my experience in videoke bars helped a lot in my hosting and comic skills during shows."

Ani K, tiyak na masisiyahan ang sinumang manonood sa kanya sa concert na ito dahil marami pa siyang ipakikita na hindi pa napapanood ng mga tumatangkilik ng kanyang concert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN