Edu Manzano: Back to hosting, but no more acting

"You know, I think if you get to a certain number of years in the business... medyo limitado na ang mga roles na available sa iyo, e. Yung mga gusto mong mapunta sa iyo, maaring hindi nababagay," says Edu Manzano on acting.


Sa Sabado, September 18, na ang pilot telecast ng Asar Talo, ang unang show ni Edu Manzano sa kanyang pagbabalik sa GMA-7. Isa itong kakaibang game show na dinevelop ng Kapuso network.

Ito ang unang show ni Edu matapos siyang umalis sa ABS-CBN, kung saan namalagi rin siya ng walong taon.

Ang huli niyang mga programa sa Kapamilya network ay ang game show na Pilipinas, Game KNB? at ang daily morning show na Umagang Kay Ganda.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Doods, palayaw ni Edu, last September 9 ay isiniwalat niya na ikinunsidera rin niya ang offer ng ibang istasyon maliban sa GMA-7.

"Gusto rin nilang mag-develop ng mga game show. Pero we said... Binigyan nga namin sila ng time, kaya lang wala silang ma-pitch kaagad.

"E, sa Channel 7, may programa na sila, saka binigyan din ako ng laya.

"May talk show din ako. Yung Not So Late Night With Edu, parang gano'n din, ibabalik namin," sabi ni Edu na ang tinutukoy ay ang dati niyang late night talk show sa GMA-7 noong mid-'80s.

Dagdag niya, "And then, may dini-develop pa rin kaming isa. So, nice yung arrangement namin.

"Bale, tatlo ang gagawin kong shows. 'Eto ngang Asar Talo, and then yung talk show, at yung isa pang dini-develop na parang magiging baby ko.

"Three years ang contract ko with GMA-7."

Tumanggi muna si Edu na magbigay ng detalye sa ikatlong show na gagawin niya sa Kapuso network dahil confidential pa raw ito.

Ipinaliwanag ni Doods na inalok sa kanya ang Asar Talo noong panahong hindi niya alam kung anong offer ng istasyon ang tatanggapin niya.

"Nung nasa limbo ako... yung ibang istasyon nagpi-pitch ng ibang show.

"Yung iba, gustong pumirma muna ako. Sabi ko, huwag munang pumirma, show muna.

"Kung pumirma na ako, tapos wala kayong maibigay na show sa akin, nakatali na ako sa inyo, mabubulok na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I cannot entertain other offers. So, yun ang ginawa namin.

"GMA, mabilis kumilos. Na-develop ito, inupuan namin ng ilang beses, and then unti-unti, we're coming up with a show na magiging kumportable ako.

"At ang maganda, they are open to suggestions. Hindi lang yung ibinato sa akin.

"I'd like to think na meron akong maiko-contribute sa 27 years ko sa industriyang ito.

"'Eto yung mga nasagap ko sa Game KNB? Yung habang nae-entertain yung tao, malaking factor pa rin yung meron silang natutunan.

"May mga nakakasalubong ako sa kalye, [sabi nila] 'Edu, marami akong natutunan sa show mo.'

NO MORE ACTING. Malabo na raw balikan pa ni Edu ang kanyang acting career.

"I stopped making movies in 2004. Ayoko na, e. And then, 2006, itinigil ko yung teleserye.

"I made a promise noon, before tinanggap ko yung OMB (Optical Media Board) na hindi na ako mag-aano, e, di ba? Noong tinanggap ko yung OMB, talagang seseryosohin ko yung trabaho.

"Kaya ko lang naman tinanggap yung Game KNB? [kasi] 8:00 a.m. to 5:00 p.m. yung OMB. After office hours naman yung taping ng show.

"So, wala naman silang masasabi na, 'Hoy, mas inuuna mo yung showbiz career mo kaysa yung trabaho mo sa office.'

"No, hindi ko na babalikan yung acting. Okay na ako. I like TV."

Hindi na rin niya babalikan ang paggawa ng pelikula?

"Hindi na rin. Pag may isang magandang-magandang role, possibly.

"You know, I think if you get to a certain number of years in the business at nagma-mature na, medyo limitado na ang mga roles na available sa iyo, e.

"Yung mga gusto mong mapunta sa iyo, maaring hindi nababagay," paliwanag niya.

Paano yung chance na magsama sila ng anak niyang si Luis Manzano, o ng ex-wife niyang si Batangas Governor Vilma Santos, o di kaya ay silang tatlo sa isang pelikula?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Well, I don't know kung meron silang made-develop na script na babagay sa amin. But yeah, puwede.

"Pero at this point in time, isa pa rin yung magtutulak sa iyo, e, yung istorya.

"Saka yung iba ring elemento. I have to work with good directors.

"I would like sana yung hindi bara-bara, hindi hanapbuhay lang kahit paano.

"Ang last film ko was Tanging Yaman seven years [ago]. Nung ginawa ko yun, yun na yun, e.

"Isa siya sa pinakamagandang pelikulang nagawa ko sa buong career ko. I was happy with that.

OTHER ENDEAVORS. Hindi lang ang kanyang TV career ang pinagkakaabalahan ngayon ni Doods. May isa pa siyang trabaho sa labas ng showbiz.

"I'm poised to accept yung position na country manager ng Asian Intellectual Property Alliance, yung AIPA.

"Yun naman, e, it's nine nations, ASEAN," banggit ng TV host.

"Ganun din yung ginagawa ko sa OMB, ginagawa ko sa pribadong sektor.

"So, yung country managership, I deal with Congress, with Senate. Tumutulong kami sa pagsasaayos ng mga batas.

"And then, I deal with the software developers.

"Dati, Singapore siya naka-based, pero ngayon, dito na [sa Pilipinas]. Isasara na yung opisina sa Singapore. Mahal sa Singapore, kaya dito na."

Nilinaw ni Edu na ang AIPA ay isang private-sector company; hindi daw ito law enforcement agency.

"We provide data. Kasi nung nasa OMB ako, gumastos ako, personal ha?

"Meron kaming data base. I think, since we developed a data base—kasama ang heads ng Singapore, Thailand, Hongkong, Vietnam—naging instrumental 'yan kaya tayo tinanggal sa priority watch list ng U.S. government.

"Hindi na ito katulad ng OMB. Hindi na kami gumagawa ng enforcement action.

"Sa background kami. Pero we provide information, data to the enforcement agencies," paliwanag niya.

Paano napunta sa kanya ang trabaho bilang country manager ng AIPA?

"Nakatrabaho ko kasi sila nung chairman pa ako ng OMB, yung mga foreigners. So, nagustuhan nila yung trabaho ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"In-offer nila ito sa akin November of last year. Sabi ko, 'I'm still weighing my options. I may enter the political arena,'" sabi ni Edu, na tumakbo para vice president noong May 10, 2010 elections.

"So, after the elections," patuloy niya, "tinawagan nila ako. That's why nung June, I left, nagsalita ako sa seven cities in the States.

"And lahat ng mga nagbabalak na magtayo ng negosyo dito, binibigyan ko sila ng perspective mula sa ASEAN."

So, mas malaki pala ang scope ng trabaho niya rito?


"Mas maganda at exciting," sambit ni Edu. "Yung teknolohiya dito, yung pulitika dito, ipinapakita mo sa mga mambabatas na yung dati niyang ginawang batas, medyo luma na.

"Yun ang problema natin — yung laws natin, hindi sumasabay sa development ng teknolohiya.

"Oo, may lobbying din and, at the same time, we also assist in drafting legislation or amendments sa mga existing legislation."

Positibo ang pananaw ni Edu sa pagtanggap niya sa trabahong ito, hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa bansa.


LOST BATTLE. Naka-recover na raw si Edu sa pagkatalo niya sa katatapos na eleksyon.

Hindi na raw niya pinanghinayangan ang mga komento ng iba na kung tumakbo siyang senador at hindi vice president ay baka nanalo pa siya.

"Naniniwala kasi ako sa kandidato ko, e," sabi ni Edu tungkol sa presidential candidate na si Gibo Teodoro.

"LAKAS member ako for how many years na. Kung tumakbo akong senador, walang vice president yung presidente, e, wala ring mangyayari sa partido.

"Me, naniniwala ako na had he (Teodoro) been elected, he would have been a good President."

Hindi raw na-frustrate si Edu sa kanyang pagkakatalo.


"No naman, wala namang kasiguraduhan sa buhay. Even before, I recovered na.

"I do not believe you should be deterred by the possibility of failure. Kung may gusto kang gawin, gawin mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi porke sinasabi nilang, 'Naku, walang mangyayari sa 'yo niyan.' Hindi. At least, you tried, e.

"How many projects na tinanggap ko na sinasabi nilang, 'Naku, huwag na. Hindi magri-rate 'yan.' Tinanggap ko pa rin because nagustuhan ko ang project," paliwanag niya.

Ayaw munang isipin ni Edu ang posibilidad ng muli niyang pagsubok sa pulitika dahil gusto muna niyang mag-concentrate sa dalawa niyang trabaho.


"I guess maganda talaga yung nakakapag-render ka ng public service, e. Sinasabi nga ng iba, pero you can still render public service without public office.

"Kapag nandoon ka, mas immediate yung resulta, yun ang kagandahan," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN