Jason Francisco denies breakup rumors with Melai Cantiveros

"Kami po ay boyfriend-girlfriend. May relasyon po kami talaga sa totoong buhay. Kaya bakit naman po namin pepekein yung ipinapakita namin sa mga tao?" says Jason Francisco on his relationship with Melai Cantiveros.


Masaya si Jason Francisco na patuloy siyang binibigyan ng projects ng ABS-CBN magmula nang lumabas siya sa reality show na Pinoy Big Brother Double Up.

Hindi raw siya nababakante ng trabaho ngayon bagkus ay nadadagdagan pa. Gaya na lang ng pagkakasama niya sa cast ng bagong early primetime fantaserye ng Kapamilya network, ang Kokey@Ako, na mapapanood na simula sa Lunes, September 20, bago mag-TV Patrol.

Directed by Wenn Deramas, ang Kokey@Ako ay pinagbibidahan ng alien na minahal ng maraming manonood, si Kokey, kasama ang kapatid niyang si Kekay. Ang mga bida naman sa Earth ay ang tandem nina Vhong Navarro at Toni Gonzaga kasama ang love team nina Jason at Melai Cantiveros.

Ani Jason, "Masaya ako kasi mapapanood na namin yung aming pinagpuyatan. At saka marami kaming nakakatawang mga eksena. Siyempre, nandiyan din yung mga nakakatuwang alien.

"Nag-e-enjoy kami sa tuwing nagte-taping. Madalas tawanan lang kami nang tawanan."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jason sa presscon ng Kokey@Ako kahapon, September 15, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.

Blessing nga para kina Jason at Melai—na tinaguring "Prinsipe at Prinsesa ng Masa"—ang muli nilang pagsasama sa isang project dahil nagkakaroon sila ng pagkakataon na magkita at magkausap.

Bilang magkarelasyon in real life, madalang na raw kasi silang magkasama off-cam dahil may iba pang projects na ginagawa si Melai na hindi kasama si Jason.

"'Etong nakaraan, busy si Melai, madami siyang TV shows, may movie pa siya," banggit ni Jason.

"Sa taping na lang po kami ng Kokey at Banana Split nagkikita. Madalang na kaming magkita sa condo."

Nakakaapekto ba ang pagiging busy ni Melai sa relationship nila?

"Minsan, pero siyempre nandiyan na yun, e. Siyempre, trabaho po yun, e," sagot niya. "Kaya kailangan na lang intindihin. Susuportahan ko na lang siya.

"Pero pinag-uusapan din namin. Sabi namin, saka na lang namin talaga pakikialaman ang isa't isa kapag mag-asawa na kami. Pero alam ko, hindi po ganun kadali yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NOT SEPARATED. Pinabulaanan naman ni Jason ang balitang hiwalay na raw sila ni Melai. Sa katunayan nga raw ay seven months na ang relationship nila last September 8.

"Hindi po totoong hiwalay na kami. Siguro po hiwalay kami sa ibang projects. Pero yung sa relasyon po, hindi po kami hiwalay," diin ng reality-show star turned actor.

Pero gaano ba niya kamahal si Melai?

"Siyempre, sobrang mahal ko siya. Simula pa lang sa Bahay ni Kuya, ipinakita ko na sa kanya kung gaano siya kaimportante sa akin."

Ibig bang sabihin nito ay si Melai na ang babaeng pakakasalan niya?

"Ay, hindi ko po sigurado," sagot ni Jason.

"Kasi dati, natanong na rin sa akin iyan. Kasi hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin sa mga susunod na mga araw.

"Basta ngayon po, siya ang mahal ko."

Ano ang reaksiyon niya sa mga nagsasabing peke raw ang kanilang ipinapakitang sweetness sa isa't isa para lang pakiligin ang mga fans ng love team nila?

"Kami naman po ay hindi lang basta love team. Yung love team kasi, hindi totoo yun, di ba?

"Kami po ay boyfriend-girlfriend. May relasyon po kami talaga sa totoong buhay. Kaya bakit naman po namin pepekein yung ipinapakita namin sa mga tao?

"Sa simula pa lang po, paglabas namin ng Bahay ni Kuya, lahat po ng nakikita n'yo ay totoo.

"Hindi kasi ako yung tipo ng tao na kailangan kong ipagmalaki, kailangan kong ipagmayabang sa buong mundo yung ginagawa ko para kay Melai."

JEALOUS MELAI. Inamin naman ni Jason na nag-aaway rin sila ni Melai.

"Normal lang naman siguro sa relasyon yung minsan may konting away at tampuhan."

Ano ang madalas nilang pag-awayan?

"Kung minsan yung pagseselos niya. Sobrang selosa kasi 'yan."

Pag nagseselos si Melai, ano ang ginagawa nito sa kanya?

"Hindi niya ako pinapansin at saka nagsusungit. Alam ko na yun pag nagsusungit, e, pag meron siyang dalaw (menstruation) o kaya nagseselos siya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa raw sa mga pinagselosan ni Melai ay ang tsismis na may ibang babae raw si Jason sa Cebu.

Paliwanag naman ni Jason, "Kasi in-invite ako ni Pareng Paul Jake (Castillo, dating housemate nina Jason sa PBB Double Up) sa Cebu, doon siya kasi nakatira.

"Ngayon, pag-uwi ko dito sa Manila, may nagsabi sa akin na may mga pictures na kumakalat na may kasama akong babae. Tapos nambabae daw ako doon.

"Sabi ko nga, ipakita nila sa akin yung pictures. Pero wala naman makapaglabas.

"Siguro kung meron man, bilang artista, siyempre po pag may nagpa-picture sa inyong fans o kahit hindi fans, e, pu-pose ka naman, di ba po?

"Yung sinasabing nambabae raw ako, hindi po totoo yun. Nag-fun run lang po kami doon tapos umuwi na rin ako dito."

May ilang fans daw ng love team nila ang nagagalit sa kanya nang mabalitaan ito. Ano ang gusto niyang sabihin sa mga ito?

"Sana lang po, huwag naman kayong masyadong mag-react. Sana po huwag na nating palakihin yung mga ganitong intriga na hindi naman totoo, wala namang ebidensiya."

Nape-pressure daw sila ni Melai dahil nakatutok ang mga tao sa kung ano ang mangyayari sa relationship nila.

"Para kasing hindi na normal. Yung mga taong nakapaligid sa iyo, parang nakabantay lagi.

"Ako, di ba, taga-probinsiya ako? Para akong inilagay sa isang isla na kailangan kong matutunan kung ano yung mga nangyayari.

"Dati, tahimik lang ako. Pero kailangan ko raw magsalita kasi pabalik-balik daw ang mga tanong. Kailangan kong magbigay ng sagot din," saad ni Jason, na tubong-Calapan, Mindoro.

Paano nila pinoprotektahan ni Melai ang relasyon nila laban sa mga intriga?

"Pasok sa isang tenga, labas sa kabila," sagot niya. "Parang lampas-lampas na lang.

"Nung bago pa lang kami pumasok talaga sa showbiz, sabi namin, mahirap ito. Sabi ko nga noong una, ayoko sanang mag-artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero siyempre, kailangan kong buhayin ang pamilya ko. Gusto ko naman silang bigyan ng magandang buhay.

"Kaya ngayon, trabaho na yung dumarating sa akin, tanggap na lang nang tanggap. At saka binigyan na rin ako ng mga tao ng oportunidad, yung mga fans, sumusuporta, tumutulong din kaya itinuloy ko na.

"Gagawin ko na lang ang best ko lagi. Aminado naman ako na natututo pa lang ako sa showbiz.

"Basta hangga't maaari, hindi namin hahayaan ni Melai na masira kami ng intriga."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN