Kuya Germs denies confirming Nora Aunor's gambling addiction

"Alam mo, nagka-casino si Guy, pero pampalipas-oras lang niya yung pag-slot machine. Barya-barya lang naman ang ginagastos ni Guy at hindi libo-libong dolyares," says German Moreno (inset) about Superstar Nora Aunor (main photo).


Nagulat ang Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno sa naglalabasang balita na siya raw ang nagkumpirma na hanggang ngayon ay lulong pa rin sa pagka-casino ang Supertar na si Nora Aunor sa Amerika at gumugugol ng malaking salapi para sa kanyang bisyo.

Sa panayam ng PEP (Portal Entertainment Portal) kay Kuya Germs sa canteen ng GMA Network Center kahapon, September 16, sinabi nitong walang katotohanan ang balitang kumalat. Ni hindi nga raw niya nakakausap ang nagsulat ng nasabing issue sa isang tabloid.

"Nagulat ako nang makarating sa akin yung balita na kinumpirma ko daw sa isang reporter na lulong pa rin sa pagsusugal si Guy (palayaw ng Superstar) sa Amerika. E, wala namang nag-i-interview sa akin," sabi ng veteran TV host.

"Baka siguro noong nasa presscon ako at nasa isang table, may nagtanong tungkol sa naging show namin sa Australia. Tinanong ako kung nag-casino si Guy sa Australia.

"At sinabi ko na nag-casino nga si Guy, pero barya-barya lang at hindi ko sinabi na gumon si Guy sa sugal.

"Wala talaga akong matandaan na nag-interview sa akin kung nagsusugal pa si Guy sa Amerika at kung gumon ito at nangungutang at nagsasanla.

"Tsaka, bakit ko naman sasabihin na gumon na si Guy sa pagsusugal, e, hindi naman totoo yun?

"Alam mo, nagka-casino si Guy, pero pampalipas-oras lang niya yung pag-slot machine. Barya-barya lang naman ang ginagastos ni Guy at hindi libo-libong dolyares."

Dagdag pa ni Kuya Germs, "Everybody naman pag nasa Las Vegas at naghihintay, para hindi ka mainip, aliwan na lang 'yang slot machine. Hindi naman yung sinasabi nila na inuubos ang pera. Iba na yun.

"Tsaka hindi naman nila nakita na ganun nga ang ginagawa ni Guy. Hindi naman nila nakita na may hawak na baraha si Guy.

"Yung mga ganyang tsismis kay Guy, sila na lang gumagawa ng kuwento. Kahit wala naman silang pruweba, sige lang sila nang sige.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dapat alamin muna nila yung totoo bago sila magsulat. "

DEFENDING ATE GUY. Tinanong din ng PEP si Kuya Germs tungkol sa usap-usapan na nangungutang daw ng pera at nagsasanla ng gamit si Nora sa kanyang mga kaibigan sa U.S. para makapag-casino lang.

"Alam mo, mahirap na magsalita ng ganyan na wala ka naman dun," sagot ng TV host. "Hindi naman nila alam ang nangyayari sa buhay ni Guy sa Amerika dahil wala naman sila doon, e.

"At kung sino naman ang taong nagsasabing nangungutang siya—kung sakaling totoo yun—e, ano naman? Wala namang taong hindi nangungutang lalo na't nangangailangan tayo.

"Hindi naman porke't Superstar siya, hindi na siya puwedeng mangutang. Tayo naman pag nangangailangan tayo, nangungutang tayo.

"Pero mapapatunayan ba nila na nangungutang, nagsasanla nga ng gamit talaga si Guy? Wala naman, di ba? Kasi, wala silang pruweba.

"Kaya huwag nilang lait-laitin si Guy, kasi hindi naman sila inaano ng tao.

"Magpakita sila ng pruweba para masabi natin na totoo talaga yung sinasabi niya kay Guy!" pagtatanggol ni Kuya Germs sa Superstar.

Ano sa tingin ni Kuya Germs ang motibo ng taong nagpapakalat na siya ang nagsabi na nagsusugal pa rin si Nora?

"E, natural, para magkaroon ng isyu," sagot niya.

"Alam naman kasi ng lahat na kapag ako ang nagsabi, totoo yun kasi close nga ako kay Guy. Pero ako ang nagsasabi ngayon na hindi totoo yung sinasabi nila.

"Sa Australia, nung nagsama kami sa show ni Guy, nandun kami sa restaurant. Isinama siya ng producer na maglaro sa casino habang naghihintay ng pagkain, pero yung larong 5 to 10 cents lang.

"Kaya nga sinabihan ko siya na, 'Hoy, huwag ka na diyan! Kaya ka nga nasusulat, e. Halika nga dito.'"

Sabi pa ni Kuya Germs, "Basta ako, ke artista o ordinaryong tao, hindi ko pinakikialaman ang buhay ng may buhay. Ayokong pagkakitaan yung buhay ng ibang tao katulad ng ginagawa ng iba."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE NORANIANS. Nakausap na ba ni Kuya Germs ang Noranians, na hanggang ngayon ay loyal pa rin sa Superstar? Hindi ba sila nagalit sa kanya dahil sa tsismis na sa kanya galing ang balitang lulong pa rin sa casino si Nora?

"Yung Noranians ba magagalit sa akin?" balik-tanong ni Kuya Germs.

"Never namang nagalit sa akin yung mga yun. Siyempre magtataka at magtataka yung mga 'yon."

Hindi ba siya tinatanong ng Noranians kung totoo bang sinabi niya yun?

"Hindi," sagot ni Kuya Germs. "Kasi nung lumabas yung balita, ipinaliwanag ko naman sa radyo (dzBB) na hindi totoo na galing sa akin yung balita.

"Kaya alam ko na naiintindihan nila ako at alam nila na hindi ko yun gagawin kay Guy."

Ano ang message niya sa mga Noranians tungkol sa mga negatibong tsismis na lumalabas sa kanilang idolo?

"Ang masasabi ko lang, cool lang sila, huwag na lang nilang patulan. Dahil alam mo naman na kakambal talaga ng intriga ang mga artista.

"Basta patuloy na lang nilang suportahan si Guy at huwag nang intindihin yung mga naglalabasang balita," pagtatapos ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN