FIRST READ ON PEP: Robin Padilla issues statement on "back-to-back wedding" with Mariel Rodriguez

"Walang dapat ipangamba ang mga kapatiran, kababayan at katribo sapagkat ang pagsunod namin ay sa Islam, ang pagpupugay namin ay sa Kristiyanismo, at ang pakikiisa namin ay sa kultura at tradisyong Pilipino," says Robin Padilla about his and Mariel Rodriguez's Ibaloi and Christian weddings.


Marami ang nagulat nang lumabas ang balitang nagpakasal na sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez sa Baguio City noong Lunes, September 13.

Ayon sa report ng TV Patrol kagabi, September 16, dalawang beses ikinasal sina Robin at Mariel sa loob ng isang araw. (CLICK HERE to read related story.)

Ang una ay pinangasiwaan ng isang Ibaloi priest at ang ikalawa ay pinangasiwaan ng isang pastor.

Sinabi ng native priest o mambunong na si Jimmy Ong, pinili ni Robin na ikasal sa isang Ibaloi ceremony dahil ang kanyang ina na si Mrs. Eva Cariño-Padilla ay isang Igorot.

Ayon pa sa report ng TV Patrol, pagkatapos daw ng Ibaloi ceremony ay ikinasal ulit sina Robin at Mariel sa isang seremonya na pinamunuan naman ng isang pastor.

Ginanap ang ikalawang kasalan sa loob ng bahay ng mga Cariño sa Baguio noong araw ring 'yon.

Marami rin ang nagulat kung bakit sa seremonya ng Ibaloi at Kristiyano piniling magpakasal sina Robin at Mariel, gayung sa pagkakaalam ng lahat ay miyembro ng Islam ang action star.

Ipinagtataka rin ng ilan ang pagkakatay ng baboy at pagpapahid ng dugo nito sa mga mukha nina Robin at Mariel sa Ibaloi wedding ceremony.

Tila taliwas daw ito sa paniniwala ng mga Muslim o Islam.

ROBIN'S STATEMENT. Upang kumpirmahin at linawin ang naiulat na pagpapakasal nina Robin at Mariel, minabuti ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na humingi ng pahayag mula mismo sa action star.

Isang maikling text message ang ipinadala niya sa PEP, sa pamamagitan ng kanyang manager na si Betchay Vidanes, ngayong hapon, September 17.

Narito ang pahayag ni Robin:

"Ang mga naganap sa lupa ng mga Cariño sa Baguio ay isa lamang sa mga nagaganap na yugto sa aming pag-ibig at sa nalalapit na programa sa ABS-CBN.

"Walang dapat ipangamba ang mga kapatiran, kababayan at katribo sapagkat ang pagsunod namin ay sa Islam, ang pagpupugay namin ay sa Kristiyanismo, at ang pakikiisa namin ay sa kultura at tradisyong Pilipino."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy na "programa sa ABS-CBN" ay ang sitcom na pagtatambalan nila ni Mariel.

Nagsimula ang pag-iibigan nina Robin at Mariel nang maging special guest host ng dating noontime show na Wowowee ang aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN