Gerald Anderson about Kim Chiu and Bea Alonzo: "OK sila Kim and Bea...Kami ni Kim, wala namang away..."

Despite reports of a love triangle with two Kapamilya ladies, Kim Chiu (right) and Bea Alonzo (not in photo), Gerald Anderson assures the fans: "OK sila Kim and Bea. Nagkasama kami sa Heartthrob [concert] at meron uli kaming Heartthrob sa October. Kami ni Kim, wala namang away, everything just got blown out of proportion. Gusto ko nga sana hindi na ako magsasalita tungkol sa ganyang mga bagay."


"Hindi ko siya iniwan."

Ito ang tinuran ni Gerald Anderson matapos sabihan ng fans ng Kimerald—ang tawag sa love team nila ni Kim Chiu—na nauna itong umalis sa Star Magic Ball noong September 5, para samahang umuwi si Bea Alonzo.

Isang larawan ang kumalat kung saan inaalalayan ng young actor ang Magkaribal star.

Sa naganap na presscon ng Century Tuna sa The Fort noong September 16, ipinaliwanag ni Gerald ang nangyari.

Sabay kasi silang dumating ni Kim sa Rizal Ballroom ng Makati Shangri-La noon, habang si Bea ay dumating kasama si Zanjoe Marudo.

Sa kuwento ng dating housemate ng Pinoy Big Brother Teen Edition, "Nakasabay ko siyang [Bea] lumabas. Nagkataon na na-piktyuran ako na umaalalay sa kanya.

"Pero sa tingin ko lang, wala namang masama dun. Wag na lang bigyan ng kulay.

"It's something natural. Ginagawa ko naman yun kapag may nahihirapang lumakad.

"It could have been anybody pero nagkataon na kami ang na-piktyuran. Aminado ako na nagkasabay kaming lumabas, oo.

"Inalalayan ko siya pero, yun lang yun, at wala kaming pinuntahan after."

Bakit naiwan si Kim?

Sagot niya, "Naiwan si Kim sa loob kasama ang mga friends niya and medyo late na rin yun. Umuwi na ako...

"Actually, yun ang plano ko bago ako pumunta din. Nasa stage pa lang kami, sinabi ko na kay Kim na medyo maaga na 'ko uuwi.

"So walang iwanan, hindi ko siya iniwan."

THE REAL SCORE WITH BEA. Hindi ito ang unang pagkakataon na naidikit ang pangalan ni Gerald kay Bea. Noong buwan ng Hunyo lumabas ang balitang break na sila ni Kim, at noong sumunod na buwan, si Bea ang tinuturong dahilan.

Ano nga ba ang estado ng hindi mamatay-matay na kuwento tungkol sa umano'y relasyon nila?

"Hindi ako nanliligaw kay Bea," paglilinaw ni Gerald.

"Yun ang problema sa trabaho natin, nandun na agad. Kailangan kayo na agad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kailangan break na kayo pag may pictures na lumabas. Wag sana tayong ganun."

May regrets ba sa parte niya lalo pa't lumaki ang isyung ito?

"Regrets? No, we have to learn from our mistakes.

"Hindi tayo perpektong tao. Everyone makes mistakes. Pero ang importante, at the end of the day, you learn from your mistakes."

May balitang nakakatanggap pa raw ng death threats si Bea?

"Tulad nga niyang issue na 'yan, wag na nating palakihin yung issue coz it's already blown out of proportion.

"Tama na. Hindi namin ito pinag-uusapan.

"Gusto ko nga sana na tapusin na dito. Wag na tayong mandamay ng ibang tao.

"Wag na nating palakihin pa yung issue," ang pakiusap ng 21-year-old Star Magic talent.

THE REAL SCORE WITH KIM. Isang bagay ang siniguro ni Gerald. Kahit pa ma-link siya sa kung kaninong babae, aminado ang binata na mas kilala niya si Kim.

Aniya, "Nakilala ko siya sa PBB—17 years old ako. Kilala ko si Kim.

"Alam naman ng lahat kung ano ang nararamdaman ko kay Kim. We had a very special relationship at sobra kaming close ngayon.

"Pag magkasama kami sa restaurant, alam na niya yung oorderin ko, hindi na niya ko kailangang tanungin.

"Ganun din ako sa kanya. Sobra talaga kaming close."

Consistent ito sa pagsasabing MU (Mutual Understanding) lang daw ang inabot ng relasyon nila ni Kim, at para sa iba'y lugi raw ang babae sa ganitong set-up.

"Kasi yung understanding na yun is between Kim and I, and siyempre may mga bagay, may mga bahagi ng isang relasyon na kayo lang ang may alam... na parang kami lang ang may alam.

"Sa amin na lang kung ano ang mayroon kami," ang sabi ng Filipino-American actor.

Dagdag pa niya, "We have a special relationship and nothing can come between sa friendship namin.

"Kahit na anong intriga pa yun, kahit na sabihin pang nag-aaway kami, na hindi kami nagkakaintindihan, kahit ano pa yun, nothing can come in between sa friendship namin ni Kim."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FROM KIMERALD TO KIMWORLD? Kagagaling lang ni Kim sa California, kung saan ginanap ang One Kapamilya Go event ng TFC (The Filipino Channel).

Hindi raw siya kasama at laging nag-iisa lang ang kapareha?

"Baliktad, ako yung laging mag-isa," ang mabilis na sagot ni Gerald.

"Ako kasi, jet lagged ako, ang aga kong gumising. Parang kanina, kararating lang namin, 2:00 a.m. akong nagising. Jet lagged ako...

"Si Kim, natutulog pa, siyempre, hindi ko siya gigisingin.

"Kasama naman yung mga fans namin — yung mga Kimerald. Sila ang kasama ko sa breakfast lagi."

Nabuwag na raw ang Kimerald at KimWorld na lang daw ang natira dahil hindi na siya susuportahan ng mga masugid na Kim-Gerald fans?

Umiling lang si Gerald sabay sabing, "Hindi ko na hawak yun. Hindi ko na alam yung part na yun. Basta yun nga...

"Nagulat ako, talagang kasama namin sa hotel ang mga Kimerald. Ang dami nila and sobra silang supportive.

"Dahil nga sa kanila, bumili ako ng bagong maleta kasi ang daming gifts na binigay nila sa akin. Ganun pa rin ang mga Kimerald."

At ang garantiya niya sa mga Kimerald fans?

"Kami ni Kim, okay kami."

Pahayag ng Kapamilya actor: "Maraming issues ang lumalabas sa amin pero walang katotohanan.

"Ang importante sa amin ni Kim, okay kami at kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao, kahit ano ang isulat o maririnig namin, basta kami ni Kim, okay kami.

"Kung ano 'yung dati namin, ganun pa rin kami."

So, tuloy pa rin ang movie project nila ni Kim?

Sagot niya, "Pupunta ako this Sunday [September 19] sa Japan. First time ko dun.

"Pagbalik ko, mag-i-start na kami ni Kim ng bagong movie. Sobra akong excited, it's a feel good movie, talagang mata-touch ka.

"Excited na excited kami ni Kim. After Kung Tayo'y Magkakalayo, ito yung project namin."

At ito na ba ang last project nila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Imposible na this will be our last project.

"Baka in the near future, may mga projects kami na hindi magkasama pero hindi ibig sabihin nun, hindi na kami magsasama ulit," pagtatapos ni Gerald.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN