Mr. Fu says goodbye, against his will, to Tweetbiz

"Television is very temporary. Yung mga TV shows talaga ay temporary, ang mga talents ay temporary... Tinanggap ko naman yung desisyon nila na hindi na i-renew yung kontrata ko sa Tweetbiz," says Mr. Fu about Q11's move to let him go.


Labis na ikinalungkot ni Mr. Fu ang hindi na pag-renew ng Q11 sa kanyang kontrata para sa fourth season ng showbiz program na Tweetbiz.

Natapos na kasi ang kontrata niya noong first week ng September, kasabay ng pagtatapos ng third season ng show. Hanggang sa Biyernes, September 24, na lang siya mapapanood sa show.

"Siyempre nalungkot ako noong una kong nalaman. Natural na reaksiyon lang iyon para sa akin. Kasi ang Tweetbiz ang first-ever regular kong show, kaya siyempre nalungkot ako.

"Pero ganun talaga e, television is very temporary. Yung mga TV shows talaga ay temporary, ang mga talents ay temporary. So, tinanggap ko naman yung desisyon nila na hindi na i-renew yung kontrata ko sa Tweetbiz.

"So, ganun yung naging reaksyon ko. Sad pero I have to accept it. I have to let go and move on," pahayag ni Mr. Fu nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal), nung September 20 sa set ng Tweetbiz.

MINOR TOOTH SURGERY. Gusto lang din linawin ni Mr. Fu na noong unang lumabas sa PEP Alerts, petsang September 10, na tinanggal na siya sa Tweetbiz, hindi pa raw sila nakakapag-usap ng management. Hindi raw kasi siya nakapag-taping noong September 9.

Kaugnay nito ay humingi pa ang PEP ng clarification mula sa pamunuan ng Tweetbiz, at lumabas nga sa PEP Alerts noong September 11 na: "Hindi totoo ang report na tinanggal na si Mr. Fu sa Tweetbiz ng QTV 11. Ayon sa pamunuan ng show, nagkaroon lang ng minor tooth surgery si Mr. Fu last Wednesday, September 8, kaya hindi siya napanood ng Thursday at Friday episodes.

"Balik-Tweetbiz siya sa Lunes, September 13. Non-exclusive ang contract ni Mr. Fu sa QTV at TV5 kaya pinapayagan siyang gumawa ng shows sa dalawang TV stations."

Kuwento ni Mr. Fu: "Yun nga, noong hindi ako nakapag-taping sa Tweetbiz, yun ang pinakaunang-una kong absent sa Tweetbiz. Nagpa-tooth surgery ako. So, namamaga yung pisngi ko. Ayoko namang humarap sa camera na namamaga yung pisngi ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, I said na hindi ako makakapasok. Nag-radyo ako noong umaga that day kasi nakakapagsalita ako. E, siyempre, sa TV, pangit namang makita na namamaga yung pisngi ko, so nag-absent ako.

"Nagulat na lang ako na may lumabas noong Friday [September 10] na tinanggal ako sa Tweetbiz. So, tinext ko yung EP [executive producer] namin, kung totoo yung lumabas sa PEP.

"And she said hindi raw totoo yun. And then, nalaman ko na lang na may lumabas ulit sa PEP na dinenay ng management na inalis ako. So, okay na ako kasi hindi totoo."

SAD BUT NO HARD FEELINGS. Pero muli na namang kinabahan si Mr. Fu nang pagbalik niya sa taping ay ipinatawag siya ng management.

Nag-usap daw ang manager niyang si Noel Ferrer at head ng Q11 na si Ms. Gigi Santiago-Lara, assistant vice president for alternative productions.

"Monday [September 13], balik-taping na ako. Doon na ako sinabihan na parang may ina-assess daw ang management about me sa Tweetbiz.

"So, sabi ko, 'Sige, let me know kung ano po yun.' Kasi, parang may nararamdaman kang kaba pag may ganung statement, di ba?

"So, nag-usap yung manager ko at saka yung management ng QTV. Tapos yun ang sinabi nila — na hindi na nila ire-renew ang kontrata ko, na hanggang next week na lang ako, which is this week nga."

Sumama ba ang loob niya?

"Alam mo, hindi ko na alam kung ano yung nararamdaman ko," sagot ni Mr. Fu. "Siguro mas nangibabaw na lang yung lungkot.

"Ako kasi, hindi ako nagtatanim [ng galit] sa tao. Hindi ko masyadong dinidibdib ang mga bagay-bagay.

"It's more of lungkot, which is just a natural reaction for me. Kasi nga mahal ko yung show, mahal ko yung mga taong kasama ko rito.

"Pero tinatanggap ko na ganun yung nangyari. Kasi desisyon nila yun, e. Kasi sila ang mga bossing, talent lang naman ako. Kung ayaw na nila sa serbisyo ko, tatanggapin ko yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko naman puwedeng ipagpilitan ang sarili ko. Kasi naniniwala naman ako na kapag may nawala, may darating.

"Ang pakiusap ko nga, huwag nilang palabasin na ako yung umalis, na ako yung nag-resign.

"Kasi kung ako yung tatanungin mo, ayoko namang umalis sa Tweetbiz. Gusto kong ipagpatuloy yung show hangga't may Tweetbiz dahil mahal ko yung show at ang mga katrabaho ko rito.

"E, since hindi na ako ni-renew, tatanggapin ko yun. Ayoko lang lumabas na iniwan ko yung Tweetbiz para piliin ko yung ibang shows ko.

"Kasi, as it is, puwede ko namang pagsabayin yung shows ko sa TV5 at saka yung show ko dito dahil wala namang conflict. At ginagawa ko na yun, before pa," sabi niya.

MORE IDENTIFIED WITH TV5? Hindi raw akalain ni Mr. Fu na darating ang araw na magpapaalam siya sa Tweetbiz. Noong una kasi ay nagiging joke lang daw nila ito sa show.

"Noong nagkaroon ako ng project sa TV5, naging joke-joke na namin 'yan sa show, na baka mawala na ako rito. Pero in all fairness naman, nakapag-Season 3 pa ako. Kasi Season 2 noong pumasok ako sa TV5.

"Hindi ako pinayagan na tanggapin ko yung Paparazzi at Juicy na kasama sa shows na in-offer sa akin ng TV5, kasi same format nga sa Tweetbiz.

"Kaya pumayag ako na hindi na tanggapin yung dalawang shows para makapag-stay ako sa Tweetbiz.

"Pero nakiusap ako na bigyan ako ng chance na makapagtrabaho sa TV5 na ibang format, at nabigyan ako ng chance. Naibigay sa akin yung P.O.5 at saka yung Everybody Hapi.

"So, masaya ako doon at nagpapasalamat ako sa management ng QTV at ng GMA-7 na pinayagan ako.

"Kaso ngayon, nagdesisyon sila na hindi na ako i-renew. So, wala naman akong magagawa kung desisyon na nila yun, e."

Posible bang isang dahilan kaya hindi na ni-renew ang kontrata niya ay nagiging mas identified na siya sa TV5? Dahil dalawa nga ang shows niya sa Kapatid Network—ang daily primetime show na Wow Meganon! kasama si Joey de Leon at ang Sunday musical variety show na P.O.5?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I think so," sagot ni Mr. Fu. "Meron talagang kinalaman, kasi binanggit din naman 'yan sa akin na nagiging mas identified na ako sa TV5.

"Kahit wala naman akong bina-violate na rule or agreement sa kontrata, kasi ibang format naman yung mga shows ko ngayon sa TV5. I admit na factor yun.

"Kasi wala naman akong makitang ibang [rason] kung bakit hindi nila ako ire-renew. Kasi may Tweetbiz pa naman. I would understand sana kung pati yung show nawala."

NO ISSUE WITH TIM YAP. Inunahan na rin ni Mr. Fu ang mga mang-iintriga sa kanila ng co-host niya sa Tweetbiz na si Tim Yap. Kasi raw ay baka ito ang iturong dahilan ng pagkawala niya sa show.

Matatandaang nagkaroon ng isyu na hindi sila "close" ni Tim, na pareho naman nilang pinabulaanan.

"Naniniwala naman ako na walang kinalaman si Tim sa isyung ito," sabi ng lalong nakikilalang radio-TV host. "Actually, nag-usap na kami. Sabi niya, nabalitaan nga raw niya.

"Tapos, tinanong niya kung ano ang nangyari. So, I told him the story. Ganun lang naman.

"Pero naniniwala ako na wala siyang kinalaman. Sana huwag na siyang gawing isyu."

Ibig bang sabihin nito ay friends pa rin sila kahit hindi na sila magkasama sa show?

"Oo naman. Walang problema sa amin ni Tim. Magiging magkaibigan pa rin kami.

"So, hindi naman maaapektuhan yung pagiging kaibigan ko sa mga taga-Tweetbiz, lalo na kay Tim."

WILL MISS TWEETBIZ. Ano ang mami-miss niya sa Tweetbiz?

"Siyempre, mami-miss ko yung mga tsikahan namin sa dressing room, tsikahan namin habang luma-lafang [kumakain].

"Yung mga tsikahan namin na hanggang dressing room lang at hindi puwedeng i-ere, yung mga ganun. Yung pagpunta ko rito every taping, siyempre maiiba yung routine ko."

Ano ang ine-expect niya sa last day niya sa show?

"Sabi ko nga sa kanila, ayoko na ng may goodbye-goodbye. Ayoko na ng may official statement na may farewell.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Okay nga lang sa akin na parang nag-evaporate na lang ako sa show, na bigla na lang akong hindi napanood. Mas gusto ko na yun.

"Kasi, ayokong magmukhang parang nagmamalaki ako na umalis ako dahil may shows na akong iba. Kasi hindi totoo yun.

"Gusto ko pang manatili. Gusto ko pang magtrabaho sa Tweetbiz. It's just that, hindi na pwede.

"So, sa Friday, hindi ko alam. Wala akong planong mag-goodbye. I don't know know what will happen sa last day ko.

"Basta ako, tatapusin ko siya as if ordinary taping namin. Parang usual taping lang."

Message niya sa viewers ng Tweetbiz?

"Siyempre, minahal ko yung Tweetbiz, mahal ko pa rin siya. Suportahan pa rin natin ang Tweetbiz, kung sino man ang bagong darating. Suportahan n'yo pa rin sina Tim at ang mga paparazzi.

"Tapos, siyempre ako, suportahan n'yo rin ako sa mga shows ko at sa iba pang shows na darating na alam ko namang meron.

"Basta I promise to entertain them with all my heart," saad ni Mr. Fu.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN