Jhake Vargas is resigned to his ailing mom's stage 4 cancer condition

"Malungkot at masakit po, pero yun po yung totoo at alam kong mangyayari. Ilang taon na rin si Mama, 60 years old. Kaya naman ibinibigay ko sa kanya ang lahat, pagmamahal, at kung ano man ang gusto niya," says Jhake Vargas.


Bukod sa tatlong shows niya sa GMA-7, busy rin ngayon ang young actor na si Jhake Vargas sa recording para sa kanyang debut album.

Kuwento nga ni Jhake sa PEP (Philippine Entertainment Portal), hindi na niya iniisip ang magpahinga dahil mas gusto niyang may trabaho kesa naman mabakante katulad ng ibang stars na gustong magkatrabaho, pero hindi nabibigyan ng pagkakataon.

Ang tatlong shows ni Jhake ay ang primetime series na Ilumina, ang Sunday musical-variety show na Party Pilipinas, at ang late-night variety show na Walang Tulugan With the Master Showman.

May time pa ba siyang magpahinga?

"Hindi ko po iniisip na magpahinga," sabi ng 18-year-old actor-singer.

"Kunyari nagti-taping ako ng Ilumina, matatapos ako ng 4 a.m., tapos diretso na ako sa taping ng Tween Hearts. Tapos, pag may time pa, diretso naman ako ng recording ng mga songs para sa album ko sa susunod na araw.

"Sa akin po kasi, hindi ko na iniisip yung pagod o puyat. Ang mahalaga po kasi sa akin, yung may trabaho ako, yung sunud-sunod ang trabaho ko. Yun po kasi ang gusto ko. "

"'Tsaka marami po diyan na walang trabaho at naghahanap ng trabaho, pero hindi nabibigyan. Suwerte na po ako kasi may trabaho ako.

"Kaya kahit puyatan, okey lang. Hindi ko na iniisip yung pagod kasi ayaw ko naman isipin nila na tinatamad ako."

DEBUT ALBUM. Naglalaman ng 12 songs ang kauna-unahang album ni Jhake under Dyna Music, na nakatakdang i-launch sa buwan ng Oktubre.

"Ongoing na po yung recording. Bale six na po yung na-record ko. Meron pa pong natitira. Bale 12 songs po lahat, yung iba revival, yung iba original songs," sabi niya.

Gaano siya ka-excited sa album niya?

"Sobrang saya po, kasi gusto ko talagang magkaroon ng album. Kasi hilig ko talaga kumanta.

"Kaya naman nung kinuha ako ng Dyna Music, hindi ko talaga maipaliwanag yung nararamdaman ko. Katulad kasi ng ibang artista na may album, gusto ko rin kasing ma-experience na magkaroon din ng album."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang paborito niyang kanta sa album niya at bakit?

"Siguro yung 'Ngiti,' yung laging pinatutugtog sa radio. Kasi, tawag nila sa akin 'ngiti,' kasi lagi akong nakangiti. Kaya ayun, binansagan nila akong 'ngiti.'

"'Tsaka 'Ngiti' ang gusto kong kanta dun sa album ko. Alay ko yun sa mga anak, mga magkakaibigan, magulang. Maganda kasi yung kantang 'Ngiti.'"

Hindi ba naaapektuhan ang boses niya dahil lagi siyang puyat, tapos magre-recording siya?

"Naapektuhan din ang boses ko. Pero pag nag-recording ka, parang wala. Okey naman yung kanta, kaya lang, parang iba, parang patay daw ang boses ko.

"Kaya sabi sa recording, dapat daw ipahinga yung boses ko para maganda ang kalalabasan.

Kailan ang tentative date ng paglabas ng album niya?

"Dapat ngayong October, sana nga matapos na. Minamadali na nga namin.

"Kasi po pag umabot ng December, hindi na maganda dahil puro Christmas songs na. Pag di kasi natapos ngayon, baka next year na lumabas."

CAREER OVER LOVELIFE. Walang girlfriend ngayon si Jhake dahil career at hindi lovelife ang priority niya.

Dagdag niya, "Bawal, ayaw ni Kuya Germs!" Ang tinutukoy ng young actor ay ang kanyang manager na si German Moreno.

"Ako din, ayaw ko pa masyado kasi lagi akong busy. Hindi ko rin siya mabibigyan ng oras, kaya 'tsaka na lang talaga pag ready at hindi na ako busy."

PREPARING HIMSELF. Totoo ba na kaya ganoon na lang ang sipag niyang magtrabaho ay dahil inaako niya ang responsibilidad sa pamilya niya at dahil na rin sa nanay niyang maysakit?

"Hindi ko na po iniisip yung edad ko. Ang mahalaga naman po kasi yung makakatulong ako sa pamilya ko at para na rin po sa nanay ko na may colon cancer. Masaya na po ako na natutulungan ko sila," saad niya.

Ayon kay Jhake, nasa fourth stage na ang colon cancer ng kanyang ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nung isang araw nga, may tumubo na namang bukol sa katawan niya at nahihirapan na siyang umihi," sabi niya.

Pinaghahandaan na raw ni Jhake ang posibleng mangyari sa kanyang inang may malubhang karamdaman.

"Ewan ko po, pero kasi lahat naman po tayo darating sa ganung punto. Kaya nga po lahat ng gusto ng nanay ko, ibinibigay ko na sa kanya.

"Malungkot at masakit po, pero yun po yung totoo at alam kong mangyayari.

"Ilang taon na rin si Mama, 60 years old. Kaya naman ibinibigay ko sa kanya ang lahat, pagmamahal, at kung ano man ang gusto niya."

So, handa na siya if ever dumating ang panahon na iwan na siya ng kanyang ina?

"Sinasabi sa akin ni Papa 'yan, na ganun talaga, may bigla na lang mawawala.

"Siguro po masakit isipin at malungkot. Ganun po talaga, dapat tanggapin na lang namin sa sarili namin. "

May mga ipinagbibilin na ba sa kanya ang Mama niya?

"Sabi niya lang, 'Lagi kang mag-iingat. Huwag mo pabayaan ang career mo. Magdasal ka sa Itaas lagi. Alagaan mo sarili mo.' Yun yung sinasabi niya sa akin.

"Gusto lang niyang makitang tapos na yung bahay ko. Okey na, yung bahay na ipinapagawa ko sa Subic," saad ni Jhake.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN