Young comedian Zyrus Desamparado wants to follow footsteps of the Comedy King

"Feeling ko po kasi, sa pagpapatawa talaga ako nalilinya. Minsan nga, pagbuka pa lang ng bibig ko, natatawa na sila. Minsan naman kahit hindi ko intensiyon na magpatawa, tawa pa rin sila nang tawa," says Zyrus Desamparado about his dream of becoming a comedian.


Kung ang karamihan ng young stars ngayon ay gustong maging matinee idol, iba ang gustong tahaking landas ni Zyrus Desamparado—ang pagiging comedian.

"Feeling ko po kasi, sa pagpapatawa talaga ako nalilinya. Minsan nga, pagbuka pa lang ng bibig ko, natatawa na sila. Minsan naman kahit hindi ko intensiyon na magpatawa, tawa pa rin sila nang tawa," sabi ni Zyrus nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Ratsky restaurant, T.Morato Ave., Q.C. kamakailan.

Dagdag niya, "Kunsabagay, masarap namang trabaho ito, yung nagbibigay ka ng konting kasiyahan sa mga manonood. Kaya nga mas gusto ko pang lumawak yung kaalaman ko sa pagpapatawa, katulad ng mga hinahangaan kong komedyante na sina Tito Dolphy at Vhong Navarro."

Regular na napapanood si Zyrus sa TV5 weekly series na BFGF. Una siyang nakilala sa role niya bilang Poknat sa youth-oriented series na Lipgloss.

Si Zyrus din ang nanalo sa kategoryang Breakthrough Performance By an Actor sa 2010 Golden Screen Awards para sa pagganap niya sa indie film na Engkwentro.

IDOLS IN COMEDY. Nangangarap si Zyrus na sundan ang yapak ng walang iba kundi ang mismong Comedy King na si Dolphy. Hanggang ngayon kasi ay tinatangkilik pa rin ng marami ang istilo ng pagpapatawa ni Dolphy.

"Si Tito Dolphy kasi, tunay na Comedy King. Kahit medyo may edad na siya, grabe pa rin ang galing niya sa pagpapatawa. Lagi ko nga siyang pinapanood sa Pidol in Wonderland kasi nag-e-enjoy talaga akong panoorin siya.

"Wish ko nga, someday sana marating ko kahit one-fourth lang ng narating ni Tito Dolphy. Dream come true naman sa akin ang makasama siya sa isang TV guesting o pelikula, na alam ko namang hindi malabo since pareho kaming nasa TV5."

Isa pa raw sa hinahangaan ni Zyrus sa comedy ay si Vhong Navarro.

"Ang galing niya!" bulalas niya. "Kapag nagsalita na siya, matatawa ka talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isa si Vhong sa gusto kong makatrabaho. Alam kong medyo mahirap since nasa ABS-CBN siya, pero kahit siguro sa pelikula makasama ko siya."

IDOLS IN DRAMA. Sa drama naman ay sina Coco Martin at Jake Cuenca ang mga hinahangaan ni Zyrus.

"Pareho silang may lalim umarte," sabi niya. "Si Coco matagal-tagal ko na ring nakasama at nakakausap noong wala pa siya sa ABS-CBN. Nakakasama namin sa mga shows sa Makati fiesta.

"Napaka-down to earth niya, mabait, at magaling talagang umarte. Kaya naman isa sa hinahangaan ko talagang actor si Coco.

"Bukod pa sa alam naman ng lahat kung anong dinaanang hirap ni Coco bago siya sumikat. Katulad ko na mula sa Cebu, lumuwas ng Manila na walang kasiguraduhan kung ano ang naghihintay sa akin at nangarap din maging artista.

"At 'eto, kahit papaano, sinuwerte namang matupad yung pangarap ko na maging artista at nagkaroon ng award at may regular show.

"Bukod kay Coco," patuloy ni Zyrus, "pangalawa para sa akin na gusto kong tularan, si Jake Cuenca. Kasi mapa-bida at kontrabida, hahangaan mo talaga siya kasi magaling siyang artista at makikita mo sa kanya yung dedikasyon sa trabaho.

"Marami ang nagsasabi na medyo maangas ang dating niya. Pero nakita at nakausap ko siya, hindi naman. Napakabait niyang tao.

"Hopefully sana makatrabaho ko rin sila sa TV o kaya sa pelikula. Alam ko malabo sa ngayon, pero hindi naman ako nawawalan ng pag-asa na darating yung time na makakasama ko rin sila."

HOSTING. Bukod sa pagpapatawa, ano pa ang gusto niyang gawin at subukan?

"Siguro hosting," sagot ni Zyrus. "Kasi before, noong nasa Cebu pa ako, nagho-host ako sa isang GMA-7 show sa amin. Para siyang teen show doon, may mga kasama akong kapwa ko Cebuanos.

"Yun yung medyo nami-miss ko na hindi ko ginagawa dito sa Manila. Mas nakilala at natotoka kasi ako ngayon sa pagpapatawa kaya kinukuha nila ako sa mga proyektong comedy. Pero sana may magkamaling kumuha sa akin na mag-host.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, gusto ko ring makagawa ng isang makabuluhang pelikula na katulad ng Engkwentro. Pero this time, gusto ko drama naman. Gusto ko namang ipakita yung drama side ni Zyrus.

"Kasi sa TV, komedyante ako. Doon naman sa pelikulang ginawa ko, kontrabida ako. This time, ang gusto ko magda-drama naman ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN