Glaiza de Castro says friendship with Angel Locsin is not affected by their competing shows

"Matagal din kasi na ako ang nang-api ng bida, 'di ba?" says Glaiza de Castro about her drama series Grazilda. "Ngayon ako na ang nginungudgod sa putikan, binubuhusan ng mainit na kape, sinasabunutan at tinutulak-tulak."


Sa darating na October 13 ay mag-iisang buwan nang namamayagpag sa primetime block ng GMA-7 ang pinagbibidahan ni Glaiza de Castro na Grazilda.

Since nagsimula ang Grazilda noong nakaraang September 13, maganda ang naging performance nito sa ratings at natutuwa nga ang bida na si Glaiza dahil marami ang parating tumututok sa kanilang drama series.

Sa naging panayam ng PEP (Philippine Enetrtainment Portal) kay Glaiza sa set, hindi nga ito makapaniwala na umabot na sila ng isang buwan. Naalala pa niya na sobra ang kanyang kaba noong pilot week ng Grazilda. Pero napatunayan nga ni Glaiza na karapat-dapat siyang bigyan na ng title role dahil sa magandang feedback at ratings ng show.

"Nandiyan pa rin naman ang kaba every time na magte-taping kami. Gusto kasi namin lahat na magustuhan ng mga manonood ang mga ginagawa naming episodes. Kaya ginagawa namin ang lahat para maganda ang lumabas.

"Kaming lahat sa set, ang dasal namin ay maganda parati ang resulta ng bawat episode. Salamat naman sa Diyos at kinakaya namin. Heto nga at one month na pala kami at patuloy na nagugustuhan ang Grazilda."

GRAZILDA VS IMORTAL. Inamin naman ni Glaiza na na-pressure silang lahat nang makatapat nila ang bagong show ni Angel Locsin sa ABS-CBN 2 na Imortal. Nagwagi nga ang pilot episode ng Imortal over Grazilda, pero sa mga sumunod na araw ay muling namayagpag ang Grazilda.

"Kahit sino naman kakabahan sa makakatapat na show, 'di ba? Si Angel kasi, isa 'yan sa mga kaibigan ko. Iisa ang grupo namin. Hangga't maaari nga ay ayaw naming magkatapat ang shows namin. Pero hindi naman kami ang masusunod kundi ang network.

"Pero kahit na magkatapat ang shows namin ni Angel, nananatili ang pagkakaibigan namin. Hindi kami magpapaapekto sa competition ng mga TV shows namin. Hiwalay ang trabaho sa personal na relationships namin," diin pa ni Glaiza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

STILL STARSTRUCK WITH CHERIE. Paganda nga nang paganda ang takbo ng istorya, lalo na't sunud-sunod na ang pang-aapi na ginagawa kay Grazilda nila Veronne (Cherie Gil) at Cindy (Yasmien Kurdi). Natatawa nga si Glaiza dahil ngayon lang daw niya ulit naranasan na maapi sa isang drama series.

"Matagal din kasi na ako ang nang-api ng bida, 'di ba?" ngiti pa niya. "Nagsimula iyon sa Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin tapos nasundan ng Stairway To Heaven at Diva. Ngayon ako na ang nginungudgod sa putikan, binubuhusan ng mainit na kape, sinasabunutan at tinutulak-tulak.

"Parang nanibago ako talaga. Pero dahil ang gagaling ng mga nang-aapi sa akin na sila Ms. Cherie at Yasmien, okay lang ang mga eksena namin. Nagtatawanan na lang kami after kunan ang mga eksena."

Para nga kay Glaiza, isang karangalan ang maka-eksena niya ang iniidolo niya na si Cherie Gil. Speechless nga raw siya noong una silang magkaroon ng eksena.

"Na-starstruck talaga ako kay Ms. Cherie. Talagang napatanga ako noong una ko na siyang maka-eksena. Mararamdaman mo ang energy niya. Mahusay talaga siyang artista and I am so honored na makatrabaho ko siya.

"Kaya yung mga eksenang kinakaladkad niya ako at nginudgod sa putik, naku tuwang-tuwa ako kasi hindi lahat ng artista ay mararanasan ang gano'ng eksena kasama ang isang Cherie Gil.

"Tsaka mabait siya talaga. Minsan nakikipagkuwentuhan siya sa amin kapag nasa standby area kami. Parang hindi ako makapaniwala na nakikipagkuwentuhan ako sa isa sa mga iniidolo ko sa showbiz."

May balita ngang may isang award-winning actress na gustong kunin si Glaiza para maging kontrabida niya sa isang movie project. Pero tinanggihan nga raw ng manager nito na si Manny Valera ang naturang project dahil nagbibida na nga ang alaga niyang young actress at gusto niyang maalagaan ang gano'ng status dahil sa success ng Grazilda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nga raw alam ni Glaiza ang tungkol sa project na iyon, pero nagpapasalamat siya sa kanyang manager dahil sa pag-alaga sa kanyang career.

"Malaki ang pasasalamat ko kay Tito Manny dahil nagtiyaga siya talaga na mapaganda ang showbiz career ko. Ilang beses niya akong ipinaglalaban sa mga projects dahil naniniwala siya sa kakayahan ko.

"Kaya kung ano ang maging desisyon niya, yun ang susundin ko dahil mas nakakaalam siya at malaki ang tiwala ko sa kanya bilang manager ko," pagtatapos pa ni Glaiza.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN