ABS-CBN fails to get TRO for Willie Revillame's new TV5 show

"Ang ginawa po ni Willie ay isang paglabag sa kanyang kontratang pinirmahan sa ABS-CBN na magtatapos pa sa isang taon. Ang hangarin lang namin ay tuparin sana ni Willie ang kanyang obligasyon sa kanyang kontrata... Kaya po nalulungkot kami na hindi nabigyan ng TRO ang ABS-CBN laban kay Willie Revillame," says ABS-CBN President Charo Santos-Concio after failing to get a TRO for Willie Revillame's show on TV5.


Ikinalungkot ng presidente ng ABS-CBN na si Ms. Charo Santos-Concio ang desisyon ng isang Quezon City judge na ipagpaliban ang motion for temporary restraining order (TRO) ng Kapamilya network upang pigilan ang pagpapalabas ng bagong show ng TV host na si Willie Revillame sa TV5.

Nakatakdang mag-pilot ang show ni Willie na Willing Willie bukas, October 23.

Ayon sa ruling na inilabas ngayong araw, October 22, ni Judge Luisito Cortez ng Regional Trial Court Branch 84, ang ABS-CBN "failed to discharge the burden of proving that there exists an urgent need for the issuance of a TRO to prevent great or irreparable injury that it might suffer."

Sa kanyang pahayag sa news program ng ABS-CBN na TV Patrol kanina, inihayag ni Ms. Charo ang kanyang kalungkutan sa hindi pagbibigay ng korte sa kanilang petition para sa TRO:

"Mga Kapamilya, ang ginawa po ni Willie ay isang paglabag sa kanyang kontratang pinirmahan sa ABS-CBN na magtatapos pa sa isang taon. Ang hangarin lang namin ay tuparin sana ni Willie ang kanyang obligasyon sa kanyang kontrata. Hindi po ba mahalaga na ipinaiiral natin ang paggalang sa mga kontrata?

"Kaya po nalulungkot kami na hindi nabigyan ng TRO ang ABS-CBN laban kay Willie Revillame.

"Huwag sana natin kalimutan na ang lahat ng ito ay nag-ugat sa walang galang niyang paghamon at pagbabanta sa ABS-CBN management.

"Naniniwala kami na mananaig ang katarungan at ang buong katotohanan. Patuloy namin ipaglalaban ang aming karapatan."

Si Willie ang dating host ng defunct ABS-CBN noontime show na Wowowee.

Samantala, ibinasura rin ni Judge Cortez ang motion to dismiss ni Willie sa P486 million damage suit na isinampa laban sa kanya ng ABS-CBN.

Inutusan ng hukom si Willie na mag-post ng P426-million bond bago mag-October 27.

Pinagbawalan din ng korte ang magkabilang panig na magbigay ng anumang komento tungkol sa kaso.

Inutusan din ni Judge Cortez ang ABS-CBN at si Willie na sumailalim sa mediation process simula sa Nobyembre.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakatakda ang susunod na hearing ng kaso sa December 10.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN