FIRST READ ON PEP: Mr. M puts an end to talk that he is creative consultant to Willie Revillame's show on TV5

Star builder and director Johnny Manahan denies rumors that he is the creative consultant of Willing Willie, the new variety-show program of Willie Revillame on TV5. Mr. M was Willie's director in the defunct ABS-CBN noontime show Wowowee.


Lumalakas ang usap-usapan na ang creative consultant ng bagong show ni Willie Revillame sa TV5 ay ang star builder at TV director ng ABS-CBN na si Johnny Manahan, na mas kilala sa bansag na Mr. M.

Si Mr. M ang direktor ni Willie sa dati nitong noontime show sa ABS-CBN na Wowowee. Siya ang direktor ngayon ng Pilipinas Win na Win, na ipinalit ng network sa high-rating noontime show na tumagal din nang mahigit limang taon. Siya rin and direktor ng ASAP, ang panlaban ng Kapamilya network sa maigting na Sunday noontime slot.

Kinikilala sa industriya si Mr. M bilang pinakamahusay na variety-show director sa telebisyon ngayon.

Ang ASAP ay angat pa rin sa mga kalaban nitong Party Pilipinas at P.O.5, na lumalabas tuwing Linggo, sa direksyon pa lang—lighting, camera shots, editing, blocking, choreography, costumes, concepts—liban pa sa partisipasyon ng mga naglalakihang artista ng network.

At sa kanyang direksyon din namayagpag ang mga pang-masang elemento—pag-energize sa crowd, confetti showers, lighting sa ilalim ng stage, drum work, pyrotechnics, camera shots na maagap sa audience reaction, editing na lalong nagpapasaya sa show o nagbibigay ng emotional buildup—sa Wowowee, na talagang lumaban sa tinatawag na institusyon ng noontime programming, ang Eat Bulaga!

Dagdag dito, siya ang chairman emeritus ng Star Magic, ang talent arm ng Kapamilya network na binuo niya at tinutukan nang 18 taon. Hawak ng Star Magic, ayon na rin sa 2011 Catalogue nito, ang mahigit na 300 talents.

Kabilang dito ang mga pinakamalalaking artista sa bansa ngayon: John Lloyd Cruz, Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Bea Alonzo, Kristine Hermosa, Sam Milby, Angelica Panganiban; mga kilalang stars na sina Gabby Concepcion at Vina Morales; mga komedyanteng sina Pokwang, Chokoleit, Bentong, John Lapus; mga stars na mabilis na umaangat ngayon: Derek Ramsay, Coco Martin, Zaijan Jaranilla, Jake Cuenca; at ang hot young stars na sina Kim Chiu at Gerald Anderson.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya malaking isyu ang pagtrabaho ni Mr. M sa TV5, o sa anupamang channel, sa anumang katungkulan—kung totoo nga ito.

Bagamat hindi pa lumalabas sa anumang pahayagan o entertainment website ang balitang ito, malakas ang bulung-bulungan sa umpukan ng mga taga-showbiz na si Mr. M ang tumatayong creative consultant ng Willing Willie.

Ang Willing Willie ang mainit na show ni Willie sa Kapatid network na nag-pilot noong October 23, Sabado, sa kalagitnaan ng mga lawsuits sa pagitan ng host at ng dati niyang nework. Sinasabing hindi itinuturing na maliit na bagay ang igtingang ito sa loob ng Kapamilya network.

May mga report nang natanggap ang PEP (Philippine Entertainment Portal) nitong mga nakaraang araw na ipinatawag diumano si Mr. M ng mismong chairman ng ABS-CBN na si Mr. Gabby Lopez upang tanungin tungkol dito.

May report ding inusisa na siya ng Kapamilya network president na si Ms. Charo Santos upang alamin kung may katotohanan ang balitang may kinalaman siya sa behind-the-scenes work sa Willing Willie.

Upang malaman ang katotohanan, minabuti ng PEP na tanungin mismo si Mr. M, bagamat kilala ito bilang mailap sa press. Sa text message ng PEP, tinanong namin ang veteran director kung siya nga ay tumatayong creative consultant ni Willie sa Willing Willie.

Sumagot si Mr. M sa PEP kagabi, October 26, sa pamamagitan ng isang maiksing text message. Dito ay diretsang pinabulaanan niya ang balita. Ito ang kanyang pahayag:

"Willy is a friend but I have not worked with him on a show since Wowowee. The only shows I'm doing now are Win Na Win, ASAP and Star Power, and another new teen variety show for ABS."

Gaya na nang nabanggit dito, ang Pilipinas, Win Na Win! ang pumalit sa Wowowee bilang noontime offering ng Kapamilya network, at ang ASAP naman ay ang Sunday musical-variety show ng Kapamilya network pa rin, na 15 taon nang umeere. Ang Star Power naman ay ang reality-based singing contest na hinu-host ni Sharon Cuneta, ang star na idinirehe rin ni Mr. M sa dating show nitong Sharon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SAAN GALING ANG USAP-USAPAN? Hindi rin naman masisisi ang mga nag-iisip na may kaugnayan si Mr. M sa bagong show ni Willie sa TV5.

Alam ng marami kung gaano kalapit sa isa't isa sina Willie at Mr. M. Nakabuo na sila ng matibay na samahan sa loob ng humigit-kumulang na apat na taon—bilang magkatrabaho, at higit sa lahat, bilang magkaalyado.

Sa dami kasi ng mga kontrobersiyang kinasangkutan ni Willie noong nasa bakuran pa siya ng ABS-CBN—mula sa ULTRA stampede, sa insidenteng nangyari nang ipinapakita ang cortege ni dating Pangulong Cory Aquino, hanggang sa banta niyang pagre-resign sa Wowowee dahil sa paninira ng isang radio commentator sa ABS-CBN—si Mr. M na ang isa sa tumayong tagapagtanggol ng TV host laban sa batikos ng publiko.

Mas uminit pa ang usapang si Mr. M ang magiging direktor ng Willing Willie nang nagpahayag si Willie na iiwanan niyang bakante ang posisyon ng direktor ng kanyang bagong show para sa taong "karapat-dapat" umupo rito.

Ayon kay Willie, may pinaglalaanan na siya sa posisyong iyon.

"'Yong silya ng direktor, kung sino talaga ang babagay sa show, naghihintay lang ako. Basta naka-reserve yun sa taong babagay, kasi mahirap naman maglagay ako, 'tapos hindi rin kami magkakasundo," sabi ng TV host sa panayam niya sa PEP.

Nang direktang tanungin ng PEP kung plano niyang kunin si Mr. M upang magdirek ng Willing Willie, ito ang maingat na sagot ni Willie: "No comment. Wala akong kinukuha kahit sino. No comment."

Sa kasalukuyan, walang official director ang Willing Willie. Pansamantala, ang tumatayo sa posisyong ito ay isang technical director.

Bandang huli, nakadagdag din sa mga usap-usapang lilipat si Mr. M sa TV 5 ang kumalat na nag-offer daw ang top bosses ng Kapatid network kay Mr. M ng package na sa kalakihan ay mahirap umanong tanggihan.

Ngunit ayon pa rin sa usap-usapan, hindi ito tinanggap ng direktor, na sa kasalukuyan ay nananatiling nasa bakuran ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN