La Diva inspired to give more and better performances after successive awards

La Diva—composed of Aicelle Santos, Maricris Garcia, and Jonalyn Viray—receive their award for Best Performance by a Group in a Concert at the 23rd Aliw Awards held this month.


Hindi pa man natatapos ang 2010 ay tatlong major awards na ang napanalunan ng all-female singing trio na La Diva: People's Choice for Favorite Group Recording Artist sa 22nd Awit Awards; Best Artist of the Year (Group Category) sa 2nd PMPC Star Awards for Music; at Best Performance in a Concert (Group Category) sa 23rd Aliw Awards.

Bukod pa rito ang ibang awards na napanalunan ng kanilang Music Museum concerts.

Patunay na kinikilala na ng iba't-ibang award-giving bodies ang husay ng tatlong young singers bilang isang singing group.

Ang La Diva ay binubuo nina Jonalyn Viray, Aicelle Santos, at Maricris Garcia.

Lahat sila ay produkto ng singing search ng GMA-7 na Pinoy Pop Superstar, with Asia's Songbird Regine Velasquez as host.

Si Jonalyn ay grand winner ng Season 1, si Maricris ay grand winner ng Season 3, at si Aicelle ay runner-up kay Gerald Santos ng Season 2.

Kahapon, October 26, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang La Diva sa pocket interview na ipinatawag ng GMA Artist Center para sa kanilang sunud-sunod na awards. Ginanap ang presscon sa Don Esteban Lucban restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Maricris, "Inspired po kaming tatlo sa mga awards na natanggap namin, para lalong paghusayin ang pagkanta namin. Overwhelming po ang feeling namin dahil hindi naman kami nag-expect na mananalo."

Sabi nga ng tatlong young singers, noong Star Awards for Music hindi nila alam na nanalo sila bilang Best Group of the Year. Nasa dressing room daw kasi sila at nagkukuwentuhan nang marinig nilang tinatawag ang "La Diva."

Patakbo silang umakyat ng stage para tanggapin ang kanilang award. Hindi rin daw sila prepared sa sasabihin, pero masayang-masaya raw silang nagpasalamat.

Dahil tanggap nilang iba-iba ang personalities nilang tatlo, maging sila raw ay nagtataka kung paano sila nagkakasundo at hindi nag-away sa loob nang halos dalawang taong magkakasama sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Aicelle, "Hindi rin po namin in-expect na magugustuhan kami ng mga tao nang magsimula kaming bigyan ng segment sa SOP noon. Nanibago po siguro sila sa blending, yung blending ng boses namin, kaya hindi na kami nawala hanggang ngayon, sa Party Pilipinas."

CHANGES. Si Jonalyn ang may pinakamataas na boses sa grupo. Wala ba siyang balak mag-solo?

"Hindi rin po ako makapaniwala na ganoon ang timbre ng boses ko," paunang sagot ni Jonalyn. "Pero nakaka-inspire po ang papuri nila sa akin para lalo kong pagbutihan ang pagkanta."

Ngunit wala raw sa kaniyang plano ang maging solo artist. Paliwanag niya, "Wala po akong balak mag-solo dahil ang packaging nga sa amin ng GMA Artist Center, vocal trio kami. Pero puwede po naman kaming tumanggap ng solo projects, yung maliliit lang na hindi makakaapekto sa grupo."

Kinumusta rin ng PEP kay Jonalyn ang non-showbiz boyfriend niya.

"Naku, wala na po, matagal na!" natatawang sabi ni Jonalyn. "Priority ko po ang trabaho. Sa panahon ngayon, dapat po ay mag-isip ako nang makabubuti sa trabaho ko para matulungan ko rin ang family ko."

Si Aicelle naman ang naging representative ng Pilipinas sa 2006 Astana Music Festival na ginanap sa Kazakhstan. Nanalo siya sa kategoryang Best Performance of Own Country Song.

Sa ngayon, mula sa kinikita niya, nakabili na si Aicelle ng sarili niyang sasakyan at nakakapag-ipon na rin siya for her future.

Si Maricris naman ay hindi na nagawang ituloy ang kanyang Tourism course. Pero sa ngayon ay nag-i-inquire na siya kung paano makakapag-enrol sa UP Open University dahil gusto niyang ituloy ang pag-aaral niya.

Nakabili na rin si Maricris ng sarili niyang sasakyaan at napaayos na rin niya ang napanalunan niyang bahay at lupa mula sa Pinoy Pop Superstar.

"Balak din po naming tumira doon," banggit niya. "Sa ngayon, nasa bahay muna namin sa Bulacan ang mga gamit na ilalagay doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung Sunday, after ng Party Pilipinas, kung wala na akong kasunod na appointment, pumupunta kami ng family ko doon."

SINGING THE NATIONAL ANTHEM. Para sa kanila, hindi na nila malilimutan nang sila ang napiling kumanta ng Philippine National Anthem sa Pacquiao-Cotto fight last year.

Sabi ni Maricris, "Isa pong unforgettable experience sa aming tatlo was when Michael Buffer introduced us at isang microphone lang ang ibinigay niya sa amin!

"Nag-panic kami talaga dahil hindi kami puwedeng kumanta ng isa lang ang microphone namin. But thank God, dumating ang dalawang microphones just in time!"

Dagdag naman ni Aicelle, "Isa pong honor yung makakanta kami doon at marinig sa buong mundo ang aming boses."

May advice naman si Jonalyn sa susunod na kakanta ng Pambansang Awit sa laban ni Pacquiao kontra kay Antonio Margarito—si Zyrene Parsad, na finalist sa Are You The Next Big Star?.

"Gusto naming iparating sa kanya na walang monitors sa boxing ring kaya mas mabuti na maglagay siya ng ear plug," sabi ni Jonalyn.

Last year ay nakapag-show na ang La Diva sa Los Angeles, California, at sa Dallas, Texas, at maging sa Hong Kong. Sa ngayon, may inaayos na ring shows para sa kanila sa U.S. at sa Middle East.

May wish pa ba sila sa kanilang career?

"Sana po ay magkaroon pa kami ng kasunod na album," sabi ni Jonalyn. "At personally, gusto ko pong magtagal ang grupo namin. Sana tumagal kami na tulad ng APO."

Postscript: Sa YES! 10th anniversary celebration noong Pebrero ng taong ito, gusto ng mga editors na maiksi lamang ang programa upang mabigyan ng oras makihalubilo ang mga artistang bisita sa isa't-isa.

Kaya bilang lang ang mga production numbers dito. Kasama sa guest performers sina Jed Madela, Ralph Salazar, at Bituin Escalante. At bilang opening number, ang personal choice ng mga editors ng entertainment magazine ay ang La Diva. Hindi sila nagkamali. Tumaas agad ang energy ng gabi dahil sa galing ng La Diva.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN