Krystal Reyes doesn't mind not being cast in Tween Hearts; says she's happy with Bantatay

If Tween Hearts gets an extended run, Krystal Reyes says she would love to appear in the top-rating, youth-oriented series. "May nagsabi na po sa akin tungkol diyan. Maganda po kung matutuloy kasi nga gusto ko rin naman makatrabaho sila Barbie [Forteza], Joshua [Dionisio], Bea [Binene] at yung iba."


Kasama nga ang dating child actress na si Krystal Reyes sa grupo ng Tween Stars ng GMA-7, pero hindi siya nakasama sa cast ng Reel Love Presents Tween Hearts dahil kabahagi na siya sa drama series na Bantatay.

Okay lang naman daw kay Krystal kung hindi siya makasama sa grupo na iyon dahil, unang-una, ay wala naman daw puwedeng i-love team sa kanya. Hindi naman daw siya nagmamadali magkaroon ng ka-partner dahil mas gusto niyang makilala siya bilang nagso-solo na artista.

Una nang nakilala si Krystal Reyes—Jolina Marie Reyes in real life—sa drama series noon na Bakekang bilang ang batang si Krystal. Agad nga siyang nabigyan ng afternoon drama series, kasama si Eunice Lagunsad (na gumanap bilang Charming sa Bakekang), na Princess Charming. Hindi nagtagal ay nabigyan siya ng sarili niyang primetime series na Mga Mata Ni Anghelita.

Naging bahagi rin si Krystal ng mga GMA shows na Art Angel, La Vendetta, LaLola, Dapat Ka Bang Mahalin?, My Only Love, ESP, Dear Friend at Rosalinda. Kaya may napatunayan na siya bilang isang child actress.

Pero may balita ngang baka ipasok din siya sa Tween Hearts. Extended indefinitely ang top-rating youth-oriented series dahil sa mataas nitong ratings.

"May nagsabi na po sa akin tungkol diyan. Maganda po kung matutuloy kasi nga gusto ko rin naman makatrabaho sila Barbie [Forteza], Joshua [Dionisio], Bea [Binene] at yung iba," sabi ni Krystal.

"Kaso ang tapings ko po kasi for Bantatay ay three times a week. Tapos location pa kami parati. Baka mag-conflict sa taping din ng Tween Hearts. Pero kung maayos, okay lang po. Para maiba naman din sa Bantatay."


"Pero enjoy po ako sa Bantatay bilang si Emily. Kasi marami kaming napapasayang mga bata, lalo na yung mga mahilig sa mga pets.

"Tapos mataas pa ang ratings namin kaya lahat kami masaya sa set. Marami kasi ang nag-aabang sa mangyayari sa magkakapatid na Emily, Junix [Renz Valerio] at Farrah [Sweet Ramos] sa kamay ng mga kontrabida sa series," ngiti pa ni Krystal nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa set.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Puwede nga raw na i-build up na ka-love team ni Krystal si Elmo Magalona.

Kaka-turn 14 years old lang ni Krystal last September, at 16 years old naman si Elmo. Sa showbiz, tama lang ang edad nila para gawin silang tandem.

"Hindi ko po kasi alam pa ang mga plano nila. Nakaka-eksena ko na si Elmo sa Bantatay. Okay naman siya at nakakatuwang katrabaho. Mabait po si Elmo.

"Kung ano po plano ng GMA-7, sila na po ang nakakaalam. Ang importante po ay nagagawa po namin ni Elmo nang maayos ang trabaho namin," diin pa ni Krystal.

At kahit na busy sa taping ang batang aktres, pinagpapatuloy pa rin niya ang kanyang pag-aaral sa isang private high school. Two years na lang daw at matatapos na siya ng high school.

"Tiyagaan lang po, pero natutuwa naman ako kasi napagpapatuloy ko ang pag-aaral ko kahit na may trabaho. May time naman po kami mag-aral sa set kapag wala kaming take. Tapos may cut-off time po kami kaya hindi kami napupuyat sa taping.

"Kahit na umuuwi pa ako sa Bulacan, sanay naman po ako sa biyahe. Mahirap na po yung mag-stop ako ng pag-aaral. Wala naman pong imposible basta may gusto kang makuha. Sinasabayan ko po 'yan ng dasal parati, na kahit may work, may time pa rin for my school work," pagtatapos pa ni Krystal Reyes.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN