Hiro Magalona, nephew of Francis M and grandson of Pancho Magalona, is ready to try his luck in showbiz

Hiro Magalona, 16, aspires to enter showbiz after winning in a model search. Hiro's father is a cousin of the late Francis Magalona.


Papasok na rin sa showbiz ang pamangkin ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona at apo ng isa sa pinakamalaking artista ng pinilakang tabing na si Pancho Magalona—si Hiro Magalona.

Si Hiro ang male winner sa Mr. and Ms. Olive C Campus Model Search na ginanap sa Skydome ng SM North Edsa noong October 28.

Sixteen years old pa lang si Hiro, pero 5'10" na ang height niya. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa St. John Technical School.

Magpinsan ang ama ni Hiro at si Francis M.

Ayon kay Hiro, marami ang nag-eengganyo sa kanya at nagsasabing puwedeng-puwede siyang pumasok sa showbiz. Bukod kasi sa dala-dala nito ang apelyidong Magalona ay pasok na pasok ang hitsura at height niya para maging isang artista.

MASAMANG EXPERIENCE SA SHOWBIZ. Pero noong una ay wala raw siya talagang balak pasukin ang mundo ng showbiz dahil sa sinapit ng kanyang nakatatandang kapatid na si Benjie.

Sinubukan din daw kasi ng kuya niya na mag-modelo at mag-artista, pero hindi pinalad at binawian ng buhay sa murang edad.

"Yung kapatid ko po talaga ang mahilig mag-artista at mag-modelo at hindi ako," sabi ng aspiring actor nang nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa compound ng GMA Network noong October 30.

"Yun nga lang," patuloy niya, "hindi siya sinuwerte dahil napunta siya sa maling tao at barkada kaya nadisgrasya siya at namatay.

"Ako kasi, aral at bahay lang. Mahiyain po kasi ako at hindi sanay na makiharap sa mga tao, di tulad ng kuya ko na hindi mahiyain. Yun nga lang, katulad ng sinabi ko, maling tao yung mga nakilala niya sa showbiz.

"Pero siguro kung okey yung naging manager niya noon, hindi siya magkakagano'n, siguro buhay pa siya ngayon. Nakakalungkot kasi nangarap lang naman ang kapatid ko, pero hindi siya sinuwerte.

"Kaya nga ayokong pag-artistahin o mag-modelo man lang ng parents at relatives ko. Kasi, baka maulit lang daw ang nangyari noon. Pero sabi ko, iba naman si Kuya at iba naman ako. Kaya sabi ko, gusto ko lang i-try."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PAGBAGSAK NG PANGARAP. Ano ba ang nangyari sa kapatid niya?

"Yung kuya ko kasi yung mahilig sa showbiz," sabi ni Hiro. "May naka-discover sa kanya. Pero hindi naman siya naalagaan ng maganda, ayun, napabarkada siya. Buti kung magandang barkada, kaso po hindi.

"Kaya ang ending, laging naging laman ng gimikan ang kuya ko. Kung dati hindi siya naging palalabas, suddenly lagi na siyang tumatakas sa gabi, na hindi alam ng parents ko, para gumimik.

"Hanggang dumating yung time na marami na siyang natutunan na hindi maganda, na naging dahilan ng pagkamatay niya.

"Bale isang text at tawag na lang ang natanggap namin na patay na siya. Hinulog daw sa isang building sa Timog mula 18 floor yata, tapos bumagsak siya sa 6th floor.

"Noong una, ayaw naming maniwala. Pero noong kami na mismo ang nakakita, doon lang kami naniwala na siya talaga yung patay. At ang masakit pa, yung mga nakilala niya sa gimikan yung itinuturong pumatay at naghulog sa kanya.

"Until now, nasasaktan pa rin po kami pag naaalala namin ang nangyari sa kapatid ko at kung ano ang hitsura niya nang makita namin. Hanggang ngayon, hindi pa rin kami makapaniwala na mangyayari sa kanya yun, kasi sobrang bait niya.

"Pero unti-unti na po naming natatanggap na patay at wala na siya. Kaya naman after ng nangyari sa kuya ko, mas naging mahigpit sa amin ang parents at relatives namin sa aming magkakapatid at pinsan."

MAGALONA SIBLINGS. Pero dahil may dugong artista at sa kagustuhang ipagpatuloy ang naudlot na pangarap ng kanyang kuya ay susubukan ngayon ni Hiro na pasukin ang showbiz.

"Nasa dugo na siguro kasi namin ang pag-aartista mula sa lolo ko [Pancho Magalona] hanggang kay Tito Francis kaya gusto ko na ring subukan ang suwerte ko dito. Kaya pinayagan na rin nila ako kasi sobrang kinukulit ko sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Basta kasama ko ang Tita Jing ko, siya bale ang kasa-kasama ko kapag may mga lakad ako. Bawal ako umalis mag-isa. Dapat lagi kong kasama si Tita Jing dahil kung hindi, hindi ako puwede pumunta sa VTR or go-see."

MEETING COUSIN MAXENE. Close ba siya sa mga anak ng Tito Francis niya?

"Hindi po kasi wala pang insidenteng na-meet namin sila in person. Sila Lolo at Tito Francis lang yung nakikita talaga namin," sabi ni Hiro.

Pero na-meet na raw niya ng isang beses ang second cousin niyang si Maxene. Nang mag-guest daw kasi ang candidates sa Mr. and Ms. Olive C sa showbiz talk show na Tweetbiz ng QTV 11 ay ipinakilala sa kanya si Maxene na special guest host ng programa.

Kuwento ni Hiro, "Noong una nga kinakabahan ako kasi baka hindi niya ako pansinin. Pero siguro lukso ng dugo, ang gaan ng loob ko sa kanya at sobrang ganda ng naging pakikitungo niya sa akin. Nagpa-picture pa nga kami, e!

"Sobrang cool nga po ni Ate Maxene. Sinabi niya na kamukhang-kamukha ko yung cousin niya na si Bryan at sinabi niya na kamag-anak niya talaga ako.

"Kaya gusto ko rin makilala sila Saab, Elmo, at Arkin nang personal. Siguro sa pagpasok ko sa showbiz, yun yung pagkakataon na makikilala ko sila nang personal at sana makatrabaho ko rin sila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN