Nora Aunor expected to come home this November; Kuya Germs says the Superstar has offers from networks

Bagamat ayaw pang kumpirmahin ni German Moreno (inset) ang pagbabalik ni Nora Aunor sa Pilipinas, sinabi ng Master Showman na posibleng sa second o third week ng Nobyembre umuwi ng bansa ang Superstar.


Posibleng second or third week nitong Nobyembre na ang dating sa Pilipinas ng kaisa-isang tinatawag na Superstar—si Nora Aunor.

Ito ang ibinalita ni German "Kuya Germs" Moreno nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, November 3, sa booth ng kanyang radio program sa dzBB.

Alam naman ng marami kung gaano kalapit sa isa't isa ang Superstar at ang Master Showman kung kaya't alam ng huli ang mga kaganapan sa buhay ng aktres kahit na matagal nang naninirahan si Nora sa U.S.

Ayon kay Kuya Germs, "Ayokong i-confirm na siguradong-sigurado nang darating si Guy ngayong buwan dahil mas magandang nakikita na nating nandidito na siya.

"Alam naman kasi natin na maraming puwedeng mangyari habang hindi pa talaga siya dumarating.

"Baka maraming mag-expect na darating na siya, tapos nagkaroon ng aberya at hindi siya natuloy, marami lang na mga Noranians ang malulungkot.

"Kaya hayaan na lang nating dumating yung araw na sinabi niya na darating siya at doon nating tignan kung makakauwi ba siya o hindi.

"Basta ang sabi naman niya sa akin nang makausap ko siya nang ilang beses sa telepono, baka daw second week or third week [ng November] ang uwi niya dito sa Pilipinas."

Pag-uwi niya sa Pilipinas, magtatagal ba rito si Ate Guy? Ang "Ate Guy" ay isa pang tawag kay Nora, mula sa napakapopular na tambalan nila ni Tirso Cruz III na "Guy and Pip" noong 1970s.

Sinasabi ngang wala nang lumapit sa popularity ng tambalang iyon, kahit ihambing pa sa mga Kim-Gerald o anupamang tambalan ngayon.

"Ang alam ko ilang buwan lang siya dito, tapos babalik din siya kaagad sa Amerika," sabi ni Kuya Germs.

"Pero siguro if ever na maganda naman ang nangyari sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, baka uuwi lang siya sandali sa Amerika, tapos babalik siya kaagad sa Pilipinas. "


MGA NAKAHANDANG PROYEKTO. Kung matuloy ang pag-uwi ni Nora sa Pilipinas, saang TV network siya gagawa ng proyekto at ano ang mga proyektong ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ewan natin kung saang istasyon siya, hindi ko alam," sabi pa rin ni Kuya Germs. "Basta ang alam ko, may offer sa kanya ang iba't ibang TV networks para gumawa ng soap sa kanila. Pero hindi ko alam kung anong network ang tatanggapin ni Guy.

"Basta kahit saang network naman, okey lang. Ang mahalaga, makauwi si Guy at makagawa muli ng soap o pelikula.

"Pero hindi puwedeng hindi siya dadaan sa Walang Tulugan," pagbanggit ng Master Showman sa kanyang long-running late-night program sa GMA-7.

NASIRANG BOSES. Kasama ba ang paggawa ng album at pagku-concert sa mga proyektong gagawin ng Superstar sa Pilipinas?

"'Yan naman ang malabong mangyari," sagot ni Kuya Germs. "Papaanong gagawing mag-record ng album at mag-concert ni Guy, e, nasira nga yung boses niya?"

Napabalitang nasira ang boses ni Nora matapos siyang sumailalim sa cosmetic surgery sa Japan nitong taon.

Sabi pa ng TV host, "Kaya niyang kumanta pero hindi na kasing ganda ng boses niya. Nakakapagsalita siya, pero ang kumanta, mukhang malabo.

"Ako na ang magsasabi na hindi pa okey ang boses ni Guy. Yun yung nakaka-miss kay Ate Guy, yung maganda niyang tinig.

"Minsan pinipilit pa rin niyang kumanta, pero halata namang hindi pa talaga niya kaya—at alam niya yun."

Bakit hindi pa nagpapa-opera ang Superstar para mabalik yung boses niya?

"Paano naman magagawa ni Guy yun sa ngayon, e, ilang milyon ang kailangan niyang gastusin para sa operasyon? Siguro kailangan niyang mag-ipon muna para sa kanyang operasyon.

"Ang mahirap pa yata, e, walang kasiguraduhan na kapag naoperahan na siya ay babalik pa rin ang dating ganda ng boses niya. Yun talaga yung nakakapanghinayang.

"Ipagdasal na lang natin na sana bumalik pa talaga."

GUSTONG UMARTE MULI. Kung wala nang boses si Nora, papa'no pa siya gagawa ng teleserye o pelikula?

"Nakakapagsalita at nakakaarte pa naman si Guy, hindi naman nawawala sa kanya yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero hindi na puwede yung magko-concert siya dahil yun ang hindi na niya kayang gawin sa ngayon," saad ni Kuya Germs.

Nami-miss din ba ni Nora ang pag arte?

"Oo naman," sambit ni Kuya Germs. "Mahirap kalimutan ang trabahong matagal mo nang ginagawa at napamahal na sa 'yo. Yun yung nararamdaman ni Guy, nami-miss na talaga niya ang pag arte at pagkanta.

"Pero yun nga, sa ngayon, ang pag-arte lang ang puwede niyang gawin. Pero ang pagkanta, hindi na muna talaga.

"Kaya nga plano niyang bumalik ng Pilipinas kasi gusto na niya ulit umarte at mapanood ng kanyang mga tagahanga, lalo na ng mga Noranians. Kaya naman sana tuloy na tuloy na ngayong buwan ang kanyang pag uwi. "

Nang reyna ng showbiz si Nora Aunor, binigyan siya ng TV show na Superstar. Wala nang nakahabol sa itinagal nito kahit kailan. Nagtagal ito ng dalawampu't dalawang taon—22 years!


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN