Yeng Constantino: "Sa pambenteng ulit po, hindi po ako tomboy."

Nagbigay ng eksplanasyon si Yeng kung bakit siya napagkakamalan na "tomboy." Siguro nagmumukha raw siyang tough dahil pang-depensa niya ito sa sarili, pero kung makikilala raw siya, siya ay totoong "malambing."


Isa sa mga guests ng Pilipinas Got Talent grand winner Jovit Baldivino sa concert nito sa November 13, sa Aliw Theater, ay si Yeng Constantino.

Katulad ni Jovit, si Yeng ay produkto rin ng isang ABS-CBN singing contest, may apat na taon na ang nakakaraan.

Nanalo siyang "Grand Star Dreamer" sa reality-singing contest ng ABS-CBN na Pinoy Dream Academy.

Nang makausap si Yeng ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang miyembro ng media sa press conference ng concert ni Jovit, nakitang todo suporta ito sa 17-year-old na si Jovit.

Ayon pa kay Yeng, naniniwala siyang ang hatak ni Jovit sa masa ang isa sa mga strengths ng binata.

"Meron siyang appeal sa masa, minamahal siya. Meron siyang appeal sa masa, mahirap 'yon for an artist."

Dagdag pa niya, "May mga maayos naman [na artist], pero hindi ganoon. Walang masyadong magnet. Pero siya, minahal siya ng mga tao sa kung ano siya, kaya sapat nang dahilan 'yon para maniwala lang siya na kung ano yung dapat niyang gawin."

Sambit pa ng singer na marunong ding mag-gitara at mag-compose ng mga kanta, "Ako, no negative thoughts for him. Good Vibes!"

Sa Aliw Theater ginanap ang unang concert ni Yeng noong June 23, 2007. Needless to say, naging successful ito at napuno ang venue.

Sa tingin kaya niya, mapapantayan ito ni Jovit, na sa Aliw din magtatanghal ng kaniyang first major concert? May capacity ang venue na mga 2,800.

Hindi nag-alangan si Yeng sumagot ng, "Mapupuno niya yung Aliw Theater, wala akong nararamdaman na doubt."

Dagdag pa niya, wala dapat problemahin sa Jovit kungdi pagbutihin ang pag-aaral ng mga kanta para sa debut concert nito. Iyon lang naman daw ang hinihingi sa isang singer.

"Basta sa akin, hindi naman niya trabaho iyon. Ang trabaho niya is to study his songs. Pag masyado niya inisip 'yon, mawawala na ang purity ng pagkakanta."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbigay na rin ng mensahe si Yeng para kay Jovit, na kasama niya sa pool of artists ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN: "Masaya ako na nad'yan siya, na I just hope wag siya ma-pressure na marami pang magagandang mga bagay ang darating sa buhay niya."

Payo pa ni Yeng sa bagong singer: "Huwag kang mayanig. Huwag kang ma-shaken dahil alam mo... yung verse na, 'God will not give you something that you cannot bear.' So, ibig sabihin, you are deserving!"

GENDER ISSUE. Hindi na rin naiwasang pag-usapan ang isyu ng pagiging "tomboy" daw niya.

Natawa na lang si Yeng.

"Sa pambenteng ulit po, hindi po ako tomboy. Girl na girl. Kilos lang," sambit ng 22-year-old singer.

Dagdag niya, "Akin lang, yun lang...wag lang ako masyado mag-worry about what other people may think, but focus on my craft and my heart. So, ako lang, honesty speaks for itself."

Nagpapakatotoo lang daw siya sa mga kilos niya.

"Kakalabas ko lang ng PDA, nanggaling ako ng squatter, tapos pag binigyan ka ng ganito, gusto mong alagaan. Ayaw kong isipin nila ganito...ganyan... hanggang sa napagod na ako, alangan baguhin ko sarili ko."

Nakatawa pang dagdag ni Yeng, "Tri-nay kong magpaka-girlalush, parang mas lalo akong naging awkward," aniya.

Nilinaw niya na hindi niya hinuhusgahan ang mga tomboy.

"I'm not against lesbians or anything. Basta, 'eto lang ako and 'yun lang po ang kaya kong ibigay... kong sino ako. Kung hindi kayang tanggapin ng ibang tao yun, malulungkot ako siyempre—pero sorry din po."

Hanggang ngayon ay wala pang nagiging boyfriend si Yeng. Ayon sa kanya, may mga nagpaparamdam na mga manliligaw, ngunit hindi pa ito ang kanyang priority sa buhay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN