Jovit Baldivino admittedly nervous about first major concert

"Sabi ko, dati talaga, pangarap ko lang 'to. Nakatingin po ako sa taas, nagpasalamat na lang ako. Sabi ko, sana kapag nagkaroon ako ng big concert, walang masamang mangyayari," sabi ni Jovit Baldivino tungkol sa kanyang unang major concert.


Ilang buwan lamang pagkatapos niyang tanghalin bilang grand winner sa talent search na Pilipinas Got Talent, magkakaroon na ng kanyang first major concert si Jovit Baldivino. Gaganapin ito sa November 13 sa Aliw Theater sa Pasay City.

Ito na ang pinakahihintay na pagkakataon ni Jovit upang patunayan na kaya na niyang magdala at magpuno ng isang malaking venue—may mga 2,800 seats— katulad ng Aliw Theater. Bukod pa sa maipakita ang kakayahan niya sa pagpe-perform sa pamamagitan ng isang major concert.

Pero aminado si Jovit na napi-pressure siya at kinakabahan na sa kanyang nalalapit na major concert.

"Alam n'yo po, sabi ko sa sarili ko, ako po na isang simpleng tao na...isang simpleng tao, magkakaroon ng concert?

"Pumasok na lang po ako sa kuwarto ko, tapos nakatingala na lang po ako sa taas at inisip ko na lang po kung ano ang mangyayari. Tapos, nalaman ko pa po na marami akong kasama, marami po akong guests na mga artists like Yeng [Constantino], Kuya Nyoy [Volante]...

"Sabi ko, dati talaga, pangarap ko lang 'to. Nakatingin po ako sa taas, nagpasalamat na lang ako."

Nasabi pa ng 17-year-old singer, "Sabi ko, sana kapag nagkaroon ako ng big concert, walang masamang mangyayari."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment portal) at iba pang miyembro ng media si Jovit sa presscon ng kanyang concert kahapon, November 4, sa 13th floor ng ELJ Building sa loob ng ABS-CBN compound.

Saan nanggagaling yung takot o kaba niya?

"Hindi ko po kasi hawak ang araw. Baka kinaumagahan, hindi na ako gusto ng mga tao," pag-amin niya.

Dagdag pa niya, "Siguro po kasi, isa yun sa napanaginipan ko, pero masosolusyunan ko po yun."

Mas nakadagdag ba sa pressure niya yung sinabi na si Yeng, pagkatapos manalo sa Pinoy Dream Academy, ay nakapuno ng Aliw Theater?

"Opo, natakot din po ako na baka hindi ko po mapuno ang Aliw!" natatawang sagot ni Jovit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PAGBABAGO SA BUHAY NI JOVIT. Marami na rin daw nabago sa buhay ni Jovit mula nang manalo siya sa Pilipinas Got Talent.

"Una po, sinasabi ko, malaki na po ang pagkakaiba," sambit ng singer mula sa Rosario, Batangas.

"Dati nga po, pagala-gala lang ako sa bayan. Pasipa-sipa ng bato habang iniisip po yung mga pangarap.

"Tapos ngayon po, meron na po akong sariling concert. Tapos, marami na pong mga tao na hinahangaan ako. Mga taong gusto po akong gayahin."

Pagpapatuloy ni Jovit, "Siyempre po, noong nanalo na po ako, marami na pong pagkakaiba.

"Bale sa family po, yung mga kapatid ko po, pinaaral ko pong lahat ang mga kapatid ko.

"Lima po kaming magkakapatid at apat po silang nag-aaral. Ako po yung tumutustos sa pag-aaral nila.

"Tapos, naghahanap po ako ng negosyo para sa magulang ko.

"Nakabili na rin po ako ng sarili kong sasakyan. Dati po, bumibiyahe lang kami makapunta lang po kami rito sa Manila."

Starex daw ang nabiling sasakyan ni Jovit na nai-feature rin sa magazine show ni Korina Sanchez sa ABS-CBN, ang Rated K.

Bukod dito, sa isang condo unit na nakatira ngayon si Jovit.

Pero may mga bagay rin daw na dati niyang nagagawa na hindi na niya nagagawa ngayon.

"Kasi nga po, marami pong tao na nagpapa-picture na kapag nakikita ng marami, naggagayahan din po sila.

"Pero siyempre, hindi po ako naiinis. Natutuwa pa nga po ako kasi maraming tao ang nagpapa-picture sa akin.

"Pero yung nasa likuran ko po, mga magulang ko po, siyempre sila, sobrang dami, naaawa po sila sa akin na kahit pagod na ako, sobrang tawag po."

Ngunit sabi ni Jovit, iba raw ang pakiramdam niya. "Pero ako, sobrang saya ko po. Siyempre po, positive. Yung mga magulang ko, hindi rin po sila naiinis, naaawa lang po sila sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi namin kay Jovit, puwede niyang sabihan ang kanyang mga magulang na mas maawa sa kanya kapag wala nang nagkakagulo sa kanya. Nangiti naman si Jovit.

ADMIRERS NI JOVIT. Nang tanungin naman tungkol sa kanyang lovelife, nagbibiro itong nagsabi na "maraming-marami po."

Aniya, marami talaga ang lumalapit sa kanya.

"Pero siyempre po, hindi naman po yung nagsasabing 'mahal kita,' hindi naman po ganoon. Yung crush lang kita, ganoon po.

"At saka, dati pa naman po, mapagkaibigan naman po ako sa Batangas. Buong barangay, kaibigan ko po."

Mas dumami ba ngayon ang lumalapit sa kanyang mga babae?

"Actually, ganoon pa rin naman po," nakangiti niyang sabi.

Sa Batangas ba ay pinagkakaguluhan na rin siya?

"Opo, opo...marami na po," sagot niya. "Basta po kapag nababalitaan nila na umuuwi ako sa bahay, asahan n'yo po talaga, bakod pa lang po."

CRUSH SI KC. Sa mga Kapamilya stars, si KC Concepcion raw ang crush niya.

"Pangarap ko rin po na makasama siya sa isang concert," sambit ni Jovit.

"Noong una ko lang pong makita ko siya, sinabi ko na po na pangarap ko po siyang makasama," pag-amin pa niya.

Sabay pag-amin din, "Noong nakita ko pa lang po siya noong una, nasabi ko, na parang mahihirapan ako na maging friend siya."

Natatawa pa niyang pagkukumpara, "Siyempre dati, parang simpleng tao lang naman ako. Parang ilog at sapa!"

Pagpuri ni Jovit sa anak ni Sharon Cuneta at Gabby Concepcion: "Sa kanya ko lang po nakita yung... Kasi po, iba yung tingin niya sa tao, kahit sino—mayaman, mahirap, marumi, malinis—tanggap po niya."

DREAM GUEST. Bukod kina Yeng at Nyoy, ang iba pang guest stars ni Jovit sa kanyang Faithfully concert ay sina Kim Chiu, Melai Cantiveros, Jason Francisco, at Sam Milby.

Pero when Jovit was asked kung sino ba ang pangarap niyang makasama sa isang concert, mabilis ang naging tugon niya—si Arnel Pineda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Arnel Pineda po, siya po ang pangarap ko na makasama sa concert!"

Ano ang bagong mapapanood ng mga tao sa kanyang major concert?

"Makikita po nila ang tunay na Jovit Baldivino. Abangan na lang po nila sa concert," sabi niya, na nakangiti.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN