ABS-CBN President Charo Santos-Concio comments on former Kapamilya star Willie Revillame

"E, ganoon naman talaga ang buhay, di ba? May competition. Kung wala, hindi exciting. Hindi tayo ngayon nag-uusap!" natatawang sagot ni ABS-CBN President Charo Santos-Concio tungkol sa bagong show ni Willie Revillame sa TV5.


Sampung taon nang nakatayo ang Eugenio Lopez Jr. Communication (ELJCC) sa loob ng ABS-CBN compound, pero kagabi, November 4, lamang nagkaroon ng dedication para rito.

Dinaluhan ito ng top executives ng Kapamilya network at ilang opsiyales ng gobyerno, sa pangunguna mismo ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at mga business writers sa presidente ng ABS-CBN na si Ms. Charo Santos Concio, ipinaliwanag nito ang dahilan kung bakit umabot ng sampung taon bago nagkaroon ng dedication ang ELJCC.

"This is also the commemoration of the 82nd birthday of the founder, si Eugenio Lopez Jr.," simula ng actress turned TV executive.

"So, itinaon na rin namin yung Bayaning Filipino award and then the inauguration of ELJ Communication Center.

Ayon pa sa ABS-CBN president, ikatlong attempt na nila ito na magkaroon ng dedication. At ngayon nga lang ito natuloy.

Inulit din ni Ma'am Charo—na tawag kay Ms. Concio sa industriya—ang mga sinabi ni ABS-CBN chairman Gabby Lopez sa kanyang speech, na mga kadahilanan kung bakit hindi agad nagkaroon ng dedication ang ELJCC.

"Tulad nga ng sinabi ni Gabby, una, bumagyo [Reming] nang malakas sa Manila. Then, yung impeachment [case ni former President Joseph Estrada]. 'Tapos, marami namang nangyari do'n sa next nine years.

"Tapos 'eto, parang it's meant to be that President Cory Aquino reopened the ABS-CBN in 1986. And now, her son [PNoy], was the one who inaugurated naman the ELJCC.

"There are no accidents in this world, di ba?" nakangiti niyang paliwanag.

WILLIE REVILLAME. Pagkatapos nito ay nausisa rin ng PEP ang woman president tungkol sa dating Kapamilya talent na si Willie Revillame.

Malaki ang naging papel ni Ma'am Charo sa career ni Willie sa ABS-CBN. Isa ito sa mga masugid at mapasensiyang executive ng network na namahala kay Willie nang ang huli ay nag-host nang mahigit limang taon sa Wowowee, ang commercially successful noontime show ng network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayon ay may bagong variety show na si Willie, na pinangalanang Willing Willie, at ito ay nasa Kapatid network na. Madugo ang mga pangyayari bago umabot sa yugtong ito.

Dalawang beses nang ibinasura ng korte ang apela ng ABS-CBN na lapatan ng temporary restraining order (TRO) ang programa ni Willie sa TV5 upang mapatigil ang pagpapalabas nito. Una ay sa QC Regional Trial Court; ang pangalawa ay sa level ng Court of Appeals.

Pero ang tanong sa ABS-CBN president ay kung "threatened" ba ang Kapamilya network sa show ni Willie sa kabilang network?

"E, ganoon naman talaga ang buhay, di ba? May competition. Kung wala, hindi exciting. Hindi tayo ngayon nag-uusap!" natatawang sagot ng TV executive.

Nagsampa ng P486-million counterclaim damage suit ang ABS-CBN laban kay Willie dahil sa pag-alis nito sa network nang hindi na tinapos ang kontrata nito. Ano na ang nangyari sa kaso? (CLICK HERE to read related story.)

"Well, it's with the lawyers, e. So, mahirap nang makialam, di ba?" matipid na sagot ng ABS-CBN president.

Samantala, aminado si Ma'am Charo na may impact sa manonood ang bagong show ni Willie sa TV5. Pero ang ABS-CBN at GMA-7 pa rin daw ang nakakakuha ng mas malaking audience share.

Dagdag pa niya, "The TFC is doing very well. Hindi naman kami nawalan ng subscribers. They have stayed loyal with us." Ang TFC ay The Filipino Channel, ang cable network ng ABS-CBN sa ibang bansa.

Kilala kasi ang dating noontime show ni Willie sa ABS-CBN bilang paboritong programa ng TFC subscribers.

Sabi pa ng ABS-CBN president, "Of course, you cannot please everybody. Willie naman also has his loyal following. You cannot have everything in this world, di ba?"

Pagdating naman sa advertising revenues, wala raw naging epekto ang pag-alis ng Wowowee sa istasyon.

"Wala naman. Thank god," ang kaswal na sabi ng lady boss ng Channel 2.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lalabas na raw ang "September 5 financials" ng kumpanya at tiyak daw na ipapaalam sa media ang kanilang financial status.

So far, ang naging visible reaction ng ABS-CBN sa pagpasok ng Willing Willie sa primetime news-hour slot ay ang pagpapalit ng anchors nito sa TV Patrol—mula sa tambalan nina Julius Babao at Karen Davilasa balik-tambalan nina Noli de Castro at Korina Sanchez.

Bukod rito, wala pa raw ibang plano ang management. "Let's see. But with or without these changes, parati naman tayong nag-iisip ng mga bagong plano. Like, for next year, maraming mangyayari, siyempre."

Nang usisain siya kung may iba pa silang moves to reformat gawa ng paglipat ng dating talent sa ibang istasyon, ang nakatawa niyang sinabi ay: "Wala. E, Wowowee siya na nasa TV5, di ba?"

MAALAALA MO KAYA. Samantala, nagpapasalamat naman si Ms. Charo Santos-Concio dahil patuloy ang pamamayagpag ng hinu-host niyang drama anthology sa ABS-CBN, ang Maalaala Mo Kaya. Nanatiling matatag ang programa sa loob ng 19 years.

"Thank you...Nineteen years, mga bagets pa kayo [noon]!" natutuwa niyang sabi.

Dugtong niya, "Nineteen years, because of the passion of the people—the staff, the researchers, the writers, the directors, and even the actors.

"Hindi ba, yung mga artista, kapag lalabas sa MMK, parang they look forward to appearing because they get joy in the role that they cannot essay in soap opera."

Naniniwala ang presidente ng ABS-CBN na marami pang puwedeng gawin at ipakita ang MMK.

"Marami pa, di ba? Kasi nga, truth is stronger than fiction. Yung inaakala natin na hindi puwedeng mangyari sa totoong buhay, nangyayari sa totoong buhay," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN