Miriam Quiambao settles misunderstanding with manager Annabelle Rama

Nakikiusap si Miriam sa mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng mga nude photos na alisin na ito sa Internet. Gayundin sa iba pang mga websites na huwag na itong ikalat pa.


Isang masaya at mapagbirong Miriam Quiambao ang dumalo sa Olay Body Swap Event kahapon, November 7, sa SM North Edsa Sky Big Dome. Kasama ni Miriam na dumalo ang kapwa niya endorser na si Daphne OseƱa-Paez. Wala naman si Angel Aquino dahil nasa Singapore ito.

Pagkatapos ng event ay dumiretso sina Miriam at Daphne sa katabing Lamesa Grill para sa isang salo-salo. Doon nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Miriam.

MIRIAM-ANNABELLE ISSUE UPDATE. Isa sa mga isyung naitanong kay Miriam ay ang "misunderstanding" nila ng kanyang talent manager na si Annabelle Rama.

Matatandaang naglabas ng sama ng loob si Annabelle tungkol kay Miriam dahil sa pangungulit daw nito kung ano ang plano nito sa kanyang career. Nainis raw si Annabelle na hindi man lamang daw naggi-greet ng "good morning" si Miriam bago nagtanong tungkol sa career niya. (CLICK here to read related article.)

Dali-dali naman umanong naayos ang isyu sa pagitan ng dalawa. Sa katunayan ay dumalo si Miriam sa birthday party ng kanyang manager noong Oktubre 28 sa Crowne Plaza Hotel sa Ortigas, Pasig City. (CLICK here to read related article.).

Sa interview ng PEP kay Miriam kahapon, sinabi nito na okay na sila ng kanyang manager dahil magkasama pa sila noong nakaraang Halloween sa Macau at sa Hong Kong.

"Okay naman kami, dinadaan ko siya sa lambing," sabi pa ng dating beauty queen.

Pero ano nga ba talaga ang nangyari sa kanila ni Annabelle?

"Well, matagal ko na kasi siyang iniimbitahan para sa talant-manager meeting," simula ni Miriam.

"Kasi, ako yung tipong gusto kong malaman kung ano yung plano. Tapos, para ma-share ko din kung ano yung plano ko. Tapos, di ba, we can do something together?

"Pero siguro masyado siyang naging busy, hindi niya ako nabibigyan ng oras for that meeting. So, tinext ko siya. Siguro hindi niya nagustuhan na ang aga-aga, trabaho agad yung nabasa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos sabi niya, wala daw 'good morning.' E, minsan kasi tayo, pag naiisip natin, ite-text natin, siguro hindi ko napansin na importante pala sa kanya yun, na i-greet siya ng umaga."

NO PLANS YET. Bagama't nagkaayos na sila, hindi pa raw nila napapag-usapan ang tungkol sa kanyang career.

"Pero we still have to meet. Alam mo naman si Tita Annabelle, kung anong naisip niya, sasabihin na lang niya. So, ganun lang 'yon!" natatawa niyang sabi.

May tatlong taon pa si Miriam sa pangangalaga ni Annabelle. Ang nasabing talent-manager meeting na hinihingi niya ang magpapasiya raw ng kanilang mga plano.

"Pag-uusapan namin. Sana maging maganda ang usapan namin," sambit niya.

Ano ba ang mga balak niyang ihayag sa kanyang manager?

"Sa amin muna 'yon," ang maikling sagot niya.

Pero idiniin ni Miriam na masaya naman siya sa nangyayari sa career niya sa showbiz.

"I'm grateful naman kasi kahit papaano... Gaya nito, nabigyan ako ng opportunity para mag-host ng Star Awards [for TV]. Kami ni Ruffa [Gutierrez] 'tsaka ni Angel Aquino. Magandang exposure 'yon atsaka opportunity na naman for me to showcase mga hosting skills."

Naging parte ng GMA News and Public Affairs si Miriam matapos niyang manalo na 1st runner-up sa Miss Universe noong 1999.

Naging isa siya sa mga host ng morning show na Unang Hirit at naging co-host siya ni Paolo Bediones sa Extra! Extra! na naging Extra Challenge.

Pansamantala siyang nawala sa limelight nang magpakasal siya sa Italian na si Claudio Rondinelli noong December 23, 2004. Sa Hong Kong nanirahan sina Miriam at Claudio, pero pagkatapos lamang ng dalawang taon ay naghiwalay sila.

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas at sa showbiz, hindi lamang hosting ang pinasok ni Miriam kundi ang pag-arte na rin.

Recently, napansin si Miriam sa kanyang pagganap bilang assistant ni Kimmy (Eugene Domingo) sa comedy movie na Kimmy Dora. Dahil sa kanyang pagganap ay na-nominate siya bilang Best Supporting Actress sa FAMAS at Gawad Urian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Subalit kahit na nalilinya siya sa comedy, naniniwala pa rin si Miriam na kaya niya ang iba pang genre.

"I'd like to think that I can be versatile. Kimmy Dora is a comedy, pero yung ginawa ko dun is not exactly comedy. Nakakatawa lang siya kasi may beauty queen na nagpabugbog.

"Comedy ba o drama? I'd like to think I'm versatile," sambit ng 35-year-old actress-TV host.

NUDE PHOTOS. Nagkaroon naman ng pagkakataon ang PEP na makapanayam si Miriam nang pribado tungkol sa kumakalat na nude photos niya sa Internet.

Ayon kay Miriam, ang mga larawang ito, na mukhang kuha para sa isang fashion shoot at malayo sa pagiging bastusin, ay ginawa niya para sa calendar ng restaurant ng kaibigan ng dati niyang asawa.

"My ex-husband's friend took it. It was for a calendar in his restaurant. That was when I was married.

"Back then, I was feeling adventurous. My ex-husband asked me to do it. I did it to support him," paliwanag niya.

Bagama't artistically done naman ang pagkakakuha ng mga nasabing larawan, nakikiusap pa rin si Miriam sa mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng nasabing nude photos sa Internet na tanggalin na ito.

Sana rin daw ay huwag na itong i-pick up at ikalat pa ng Internet users.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN