Comedy King Dolphy: "Huwag niyo akong apurahin."

"Kung bibigyan ako ng National Artist, sabi ko nga National Arthritis lang yata, e, okay lang. Maski hindi ako mabigyan. At least, itong natanggap ko noong Lunes, e, ako lang ang mayroon. Ako lang ang mayroon na buhay pa," wika ni Dolphy tungkol sa National Artist for Cinema award sakaling makuha niya ito sa 2012.

The King of Comedy received the highest rank of the Order of the Golden Heart from President Noynoy Aquino last Monday, November 9.


"After 82 years!" natatawang sinabi ng Comedy King na si Dolphy habang naglalahad ng ilang impormasyon ang host tungkol sa kauna-unahang studio album niya mula sa PolyEast Records sa press conference na ginanap kaninang hapon, Nobyembre 11, sa Discovery Suites, Ortigas, Pasig City.

Kasunod nito, nagpaumanhin ang 82-year-old na si Dolphy sa mga taong katuwang niya sa paggawa ng kanyang recording album, Handog ni Pidol: A Lifetime of Music and Laughter.

"Salamat sa inyo, pinagtiyagaan niyo ako," sabi ni Dolphy habang nakatingin sa ilang empleyado ng PolyEast Records.

Patuloy pa niya, "Pati sa recording namin atrasado kami tuloy kasi nagkasakit ako twice ng pneumonia. Actually, nasa recuperating period pa lang ako. Natapos naman ang album sa awa ng Diyos."

Hindi inaakala ng komedyante na siya talaga ang pakay ng recording label nang una silang magkausap tungkol sa album.

Kuwento pa ni Pidol, ang kilalang taguri kay Dolphy, "Sila mismo ang nag-approach sa akin. Akala ko nga si Zsa Zsa o isa sa mga anak ko. 'Nasisiguro ba n'yong ako?' 'Ikaw talaga ang gagawa.' Well, sinabi nila sa akin na ako. Then, later on unti-unti kaming nagkita. Kami-kami ang namili ng mga kanta."

Kung tutuusin, hindi na bago sa larangan ng pagkanta ang batikang komedyante. Matatandaan na sa kanyang mga lumang pelikula, napapasabak din sa kantahan si Dolphy.

Nagkaroon na rin siya ng music album noong '60s kasama ang kanyang matalik na kaibigan at kapwa komedyante na si Panchito, ang "Wais."

'Yon nga lang, hindi na ito nasundan. Wala ring ideya si Dolphy kung bakit. Aniya, "Wala namang nag-approach sa akin noong araw. Noong nasa peak ako ng aking career, e, wala namang nag-approach, e. Hindi ko naman naisip gumawa. So, nakagawa rin finally."

Samantala, aminado naman si Dolphy na kulang ang sampung kanta upang maging "handog" niya sa isang album. Gayunman, sabi niya, "Kung sa kulang, kulang pa. Pero tama na 'yon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa album na ito, nakasama ni Dolphy ang kanyang mga anak na sina Zia Quizon at Vandolph Quizon sa ilang kanta. Gayundin ang kanyang lifetime partner na si Zsa Zsa Padilla.

Ang mga kantang nilalaman ng album ay ang mga sumusunod: 'Tequila (Sunrise),' 'The Way You Look Tonight,' 'You're Just In Love (I Wonder Why)' with Zia, 'You Make Me Feel So Young' with Zsa Zsa Padilla, 'If' (kinanta ni Zsa Zsa Padilla), 'May Sakit Ang Tao sa Ilalim ng Kubo,' 'Sitsiritsit/Ang Pipit Medley' with Vandolph, 'What a Wonderful World,' 'Tequila (Sunset),' and 'Handog.'

PNOY, "IBANG KLASE, NAPAKABAIT." Noong Lunes, Nobyembre 9, iginawad ni Pangulong Nonoy Aquino kay Dolphy ang pinakamataas na antas ng Order of the Golden Heart, ang Marangal na Kwintas.

Ito ay labis na ikinatuwa ng batikang komedyante lalo pa't hindi niya ito inaasahan mula sa Pangulo, na naging kalaban ng kanyang inendorso noong nakaraang pambansang eleksyon. Naging celebrity endorser noon ni Senator Manny Villar si Dolphy kasama sina Willie Revillame at Manny Pacquiao.

Ayon kay Dolphy, "Sabi ko na nga lang, isa pala itong taong hindi mapagtanim at masyadong mabait. Binato ko siya ng bato, binato niya ako ng tinapay. Kaya 'ka ko, ibang klase, napakabait."

Kaya naman nang tanungin kung hinihintay niya ang matagal na sanang ibinigay sa kanyang karangalan, ang National Artist for Cinema, ito ang naging sagot ni Dolphy:

"Sa 2012 pa 'yon, e. Pero kung ibibigay ninyo, ibigay lang ninyo nang ibigay."

Dagdag pa niya, "Kung bibigyan ako ng National Artist, sabi ko nga National Arthritis lang yata, e, okay lang. Maski hindi ako mabigyan. At least, itong natanggap ko noong Lunes, e, ako lang ang mayroon. Ako lang ang mayroon na buhay pa."

"HUWAG NIYO AKONG APURAHIN." Lumabas naman ang tunay na pagkakomedyante ni Dolphy nang sagutin niya ang tila sensitibong tanong mula sa media—ang kadalasang maling pagbabalita na siya ay pumanaw na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung sa iba ay pepersonalin ang isyung ito, ganito naman ang naging pangunang tugon ni Dolphy:

"Talagang ang daming pumapatay sa akin. Bakit nag-aapura kayo? Darating tayo diyan."

Sabay naghalakhakan ang lahat ng tao sa loob ng Columbus Room ng Discovery Suites.

Patuloy pa niyang pahayag, "Madalas 'yon. Ilang taon na 'yan. Minsan sa Hong Kong nakalagay sa front page, 'Dolphy dead.' Yumuyuko ako sa kotse. Sabi ko, 'Huwag tayong makita ng mga tao, patay na ako.' 'Yon pala, kapag binuksan mo ang diyaryo ulit, 'Or alive.' Maraming beses na akong pinatay."

Bagamat tinatawanan na lang madalas ni Dolphy ang ganitong maling pagbabalita, nababahala naman siya para sa mga anak at iba pang kamag-anak na nasa ibang bansa.

Aniya, "Tinatawanan ko. Pero, of course, nagwo-worry ako sa mga anak ko sa abroad, tawagan nang tawagan, nag-iiyakan na kung minsan. Pero sa awa naman ng Diyos, e, nandito pa ako."

Kaya naman sa huli, ang nakangiting pakiusap ni Dolphy, "Huwag niyo akong apurahin."

Bukod sa kanyang bagong album, abala rin si Dolphy sa taping ng kanyang weekly show sa TV5, ang Pidol's Wonderland.

May ilang araw pa ring nalalabi bago matapos ang shooting para sa pelikula niyang Father Jejemon, na official entry sa 2010 Metro Manila Film Festival.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN