Manny Pacquiao not retiring from the ring: "Puwede pa tayong lumaban."

"Nakagawa na naman tayo ng history ng boxing, at iyon ay proud tayong lahat na mga Pilipino, dahil tayo ang pinakauna sa history ng boxing na gumawa ng walong titulo sa eight weight-class division... So, karangalan nating mga Pilipino na nagtagumpay ako," says Manny Pacquiao.


Live na nakausap via phone patch ng mga host ng Showbiz Central—sina Pia Guanio, Rufa Mae Quinto, Raymond Gutierrez, at John "Sweet" Lapus—si Manny Pacquiao na nasa Arlington, Texas, ilang oras matapos ang tagumpay nito laban kay Antonio Margarito kahapon, November 14.

Nanalo ang Pambansang Kamao via unanimous decision kontra kay Margarito. Nasungkit ni Manny ang kanyang ika-walong titulo sa pangwalong weight division. (CLICK HERE to read related story.)

"Hello sa lahat ng mga kababayan ko, lahat ng mga Kapuso, lahat ng mga sumuporta, and also hello sa mga anak ko, nanonood sila sa bahay," ang bungad na pagbati ng eight-time world boxing champ.

NAHIRAPAN KAY MARGARITO. Tinanong ni Pia si Manny kung gaano kaimportante ang pagkapanalo niya this time.

Nasorpresa ang lahat ng manonood dahil umabot sa 12 rounds ang laban nila ng Mexican boxer.

Ito ba ay sinadya niya o talagang nahirapan si Manny?

"Talagang mahirap kasi napakalaki ni Margarito," tugon ni Pacman.

"Malaki ang advantage niya sa akin. [Noong] night of the fight, tumimbang siya ng 165 pounds. Ako, 148 pounds lang ako.

"So, malaking advantage 'yon. Kaya mahirap din, mahirap pabagsakin dahil malaki masyado sa akin."

Bukod dito, mas matangkad si Margarito sa taas na 5 feet 11 inches; si Pacquiao ay 5 feet 6 ½ inches lamang.

Mas mahaba rin ang abot ng kamao ni Margarito sa 70 inches, habang si Pacquiao ay nasa 67 inches lang.

Inamin din ni Manny na nasaktan ang kanyang katawan sa mga tumamang suntok sa kanya ni Margarito.

"Medyo masakit!" sambit nito.

Pero nabalewala ang mga kalamangan ni Margarito kay Pacman nang tumuntong sila sa boxing ring. Pinatunayan ng Pinoy boxer na siya ang pinakamahusay na boksingero sa mundo ngayon.

Marami rin ang humanga sa Pambansang Kamao dahil, sa 11th round, tiningnan niya ang referee na parang sinasabi, itigil na ang laban dahil sobra na ang dugo at hiwa sa mukha ni Margarito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ba ang pumapasok sa isipan ni Manny habang nakatingin siya sa referee?

"Actually, ang boxing hindi naman patayan ito o ano, e. Nakikita ko naman na malubha ang mga sugat niya at saka sarado na yung mata niya. So, sabi ko sa referee, patingnan sa doktor," lahad ng Pinoy boxer.

Dahil sa injury na natamo ni Margarito sa laban nila ni Pacquiao, sasailalim sa surgery ang Mexican boxer bukas, November 16.

Bago ang laban ay maraming naging hidwaan sa pagitan ng kampo ni Pacquiao at ng kampo ni Margarito. May mga palitan ng akusasyon at may mga pang-iinsulto pa.

Pero ano ang masasabi ni Pacman kay Margarito as a fighter na tumagal ng 12 rounds na hindi na-knockout?

"Masasabi ko, talagang matibay na boksingero, malakas na boksingero, at bilib ako," pagpuri niya sa nakalabang boksingero.

HULING LABAN? Ang buong mundo ay nakaabang sa labang ito ni Manny kontra kay Margarito. Usap-usapan kasi na ito na ang last fight ni Manny.

Totoo ba ito o hindi?

"Hindi naman, puwede pa tayong lumaban. Pero pahinga muna ng ilang buwan," sabi ni Manny.

Dagdag niya, "Nakagawa na naman tayo ng history ng boxing, at iyon ay proud tayong lahat na mga Pilipino, dahil tayo ang pinakauna sa history ng boxing na nalagay diyan sa...na gumawa ng walong titulo sa eight weight-class division.

"So, yung pito, tayo rin ang pinakauna. Tayo rin ang...nag-iisa tayo sa pitong titulo, ngayon walo.

"So, karangalan nating mga Pilipino na nagtagumpay ako," pahayag ni Pacman.

As early as now ay may napipisil na ba siyang makakalaban sa next fight niya? Si Floyd Mayweather Jr. na ba ito?

"Wala muna kasi, ano, pahinga muna tayo. Kasi kakatapos lang ng laban. So, back to work muna pagbalik ko diyan, back to work sa Congress," sagot ng Saranggani Representative.

MOMMY DIONISIA. Naitanong din kay Manny ang kalagayan ng kanyang ina, si Dionisia Pacquiao, na sa unang pagkakaton ay nanood ng laban sa ringside. Pero hindi nito nakaya ang tindi nang palitan ng suntok nina Manny at Margarito, kaya hinimatay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Medyo okay na siya," sabi ni Manny tungkol kay Mommy Dionisia.

Tinanong din si Manny kung totoo na magpapatayo siya ng ospital sa kanyang lugar sa Saranggani?

"Magpapatayo, oo, magpapatayo," pagkumpirma niya.

Dahil napag-usapan ang pagpapatayo ni Manny ng ospital, inusisa tuloy ni Sweet kung puwedeng malaman ang halaga ng napanalunan niya sa laban nila ni Margarito.

"Huwag na nating pag-usapan, ibubulong ko na lang sa inyo diyan!" ang natatawang sagot ni Manny.

Pero ayon sa report, si Manny ay kumita ng almost $15 million, samantalang si Margarito naman ay nakakuha ng close to $6 million.

PASASALAMAT. Hindi rin nakalimutang magpasalamat ni Manny sa kanyang supporters.

Pati na rin sa Philippine Movie Press Club, dahil dalawang shows ni Manny ang pinarangalan sa katatapos lang na 24th Star Awards for Television noong Sabado, November 13—Show Me Da Manny (Best Comedy Show) at Pinoy Records (Best Reality Show).

"Nais kong pasalamatan ang lahat ng mga Kapuso na sumuporta rito, si Mr. [Jimmy] Duavit, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

"At siyempre, nais kong pasalamatan ang PMPC sa award na ibinigay nila sa akin sa Show Me Da Manny at sa Pinoy Records. Maraming-maraming salamat at talagang sinuportahan nila ako."

Hindi pa raw niya alam kung kailan ang balik niya sa Pilipinas, inaayos at uunahin niya muna ang kanyang U.S. concert ngayong November 16.

"Sa Lake Tahoe," sabi niya, patukoy sa lugar ng concert.

Dagdag ng champion, "Pero medyo ano pa, maraming sakit pa sa katawan. Pero okay lang, napangakuan natin, e."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN