Marian Rivera on Vivian Velez's comment about her miscast acting: "Irerespeto ko na lang siya."

Marian Rivera's next project, Super Inday and the Golden Bibe, is directed by Michael Tuviera. The movie will be one of the entries to the Metro Manila Film Festival this December.


Hindi nakaligtas si Marian Rivera sa pangungulit ng entertainment press, kasama ang PEP (Philippine Entertainment Portal), sa presscon ng pinagbibidahan niyang pelikula, Super Inday and the Golden Bibe. Ginanap ang presscon kagabi, November 15, sa Imperial Palace Suites, Timog Ave., Quezon City.

Isang isyu na sinagot ni Marian ay ang komento ni Vivian Velez, na nagsabing hindi nito nagustuhan ang pagganap ng Kapuso star sa TV remake ng Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Una itong pinagbidahan sa pelikula ni VV, isang 80's sexy star.

Matatandaang sa presscon noon ng Imortal, sinabi ni Vivian:

"Hindi bagay. Sorry, that is my [opinion]. Akin yun, e. Hindi bagay. Kasi alam n'yo nung ginagawa namin yung Hinugot, napaka-complex nung character nung babae, very very complex.

"Si Marian kulang ng anghang. Si Marian kasi, mukhang mabait, di ba?"

Ano naman ang reaksiyon ni Marian dito?

"Yung sinabi ni Ms. Vivian Velez sa akin, hindi ko naman po masisisi kasi, una sa lahat, hindi naman niya ako kilala personally. Hindi pa po kami nagmi-meet dalawa. Ngayon, kung may nasasabi po siya, personal niya pong opinyon yun. Lahat naman po tayo may personal na opinyon.

"So, irerespeto ko na lang siya. At wala naman sigurong masama sa sinabi niya dahil may binawi naman siya na angelic face ako o mukha akong mabait—puwede na yun sa akin," nakangiting paliwanag ni Marian.

Napanood niya raw ang isa pang interview kay Vivian at nagkomento rin si Marian tungkol dito.

Aniya, "Wala na yun. Tutal wala na naman siyang sinabing masama tungkol sa akin, so, tumahimik na lang din ako sa mga nasabi niya. At least, hindi na humaba yung gulo kung anuman. At least natapos na doon lang. At may nasabi naman siyang maganda ngayon."

Pero siyempre, hindi mapipigilan ang strong reactions ng fans, na ipinagtanggol nang husto ang kanilang idolo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang sabi ng dalagang aktres, "Actually, hindi na nga ako ang nagre-react kundi yung mga taong nagmamahal sa akin. Sila ang nasasaktan. Ako, ang masasabi ko lang naman sa kanila ay 'Hayaan na natin.'

"Unang-una sa lahat, hindi ko naman siya nakatrabaho. Masasaktan ako kung si Ms. Maricel [Soriano] ang nagsabi niyan. Pero hindi, e, masaya ako dahil si Ms. Maricel gusto niya ako bilang ako, di ba? Kaya okay na po iyan. Hindi ko na po papalakihin pa 'yan."


MARIA'S BLESSING. Speaking of Maricel Soriano, siya ang unang gumanap sa lead role ng Super Inday and the Golden Bibe noong 1988. Humingi pa raw ng blessing si Marian kay Maria (palayaw ng Diamond Star) bago niya gawin ang remake ng pelikulang ito.

"Ako po kasi, hangga't maaari, bago ko gawin ang isang remake ay humihingi ako ng basbas mula sa original na gumanap. Katulad nitong Super Inday, talagang humingi ako ng basbas kay Nanay Maria para gawin ito bilang respeto na rin sa kanya.

"Hindi naman ako nagkamali dahil masaya siya na ako yung gaganap na Super Inday at susuportahan naman daw niya ako," kuwento pa ni Marian.

Nagkatrabaho na noon sina Marian at Maria bilang mag-ina sa Bahay Kubo: A Pinoy Mano Po, na entry din ng Regal Films sa Metro Manila Film Festival noong 2007.

Back to Super Inday, blockbuster hit ito noon, may pressure ba sa kanya ngayon para kumita ng malaki ang remake nito?

"Kasi kung iisipin ko yung pressure, wala pong mangyayari, e. Alam naman po natin na nag-hit ang Super Inday noong araw. Pero siguro may iba naman po kaming nagawa dito na maganda rin, na mapapanood nilang lahat at ma-e-enjoy din nila. At ang daming nadagdag na ikagaganda rin ng pelikula."

Ano ang kaibahan ng character niya ngayon sa ginampanan ni Maricel noon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ganun pa rin, pareho pa rin," sagot ng most-sought-after leading lady sa Kapuso network. "Yun hitsura lang siguro pag Super Inday na ako, kasi yung batya ko na shield ko ngayon, naging gold na, 'tapos medyo nagkahugis na. Yung palu-palo noon, naging espada na ngayon.

"Yung costume, talagang superhero na superhero na. May iniba sa mga linya kasi ibinagay sa panahon ngayon. Pero may pagkabakla talaga si Super Inday dito, yun ang isa pang natira sa Super Inday noon."

COMPARING SUPER INDAY AND DARNA. Pangalawang karakter na ito ni Marian bilang Pinoy superhero; ang nauna niyang ginampanan ay ang Darna.

Ano naman ang masasabi niya na ang mga babaeng superhero na seksi ay sa kanya napupunta?

"Ay, may ganun? Ako, thankful lang ako kay Mother Lily [Monteverde] na sa akin niya ibinigay ang Super Inday. Nagpapasalamat din ako sa GMA na sa akin napunta yung Darna.

"Pagdating naman sa sexy costumes, wala namang problema sa akin dun, e. Trabaho yun at kung ano ang kailangan sa trabaho ay gagawin ko. Basta hindi lang bastusin, kasi parang hindi mo naman babastusin pag superhero, di ba?"

Ano ang mas mahirap, ang Darna o Super Inday?

"Darna, kasi mas seryoso yung character ko dun, e. Dito sa Super Inday, parang ako lang. Nakakatawa itong pelikulang ito. Enjoy lang kami."

Anu-anong magiging stunts niya rito?

"Challenge ko dito yung makipag-fight scene sa mga batu-bato kasi yung heels ko, two to three inches 'yan! May times pa na muntik na akong masubasob ang mukha ko sa paso. May mga ganun," nakangiti niyang pagkuwento.

Kung siya ang papipiliin, sino ang mas gusto niya, si Darna o si Super Inday?

"Iba naman ang characters nila. May iba't iba silang katangian. Si Darna kasi, seryoso at handang ibuwis ang kanyang buhay at makipagsapalaran.

"Si Super Inday ay nagkataon na binigyan siya ng kapangyarihan na ipagtanggol ang mga naaapi at napili siya doon dahil sa katangian niya. Gusto ko silang dalawa. Kung magkaka-power ako, gusto ko yung lumipad na lang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WORKING WITH KAPAMILYA STARS. Isa pa raw na pagbabago sa Super Inday ngayon ay hindi na ito nag-iisa, kundi grupo na sila ng superheroes, kasama sina Amazing J (Jake Cuenca), Kokay (Pokwang), at si Goldie, ang golden bibe (John "Sweet" Lapus).

Kumusta si John at ang Kapamilya stars na sina Jake at Pokwang bilang katrabaho?

Ang kuwento ni Marian: "Nakakatuwa, kasi at least sabi ko nga, nagsama ang Kapuso at Kapamilya. At saka masaya kami sa set. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan na hindi ko ine-expect na makakasundo ko. Nagbibiruan nga kami, niloloko ko si Ate [Pokwang], 'Lumipat ka na sa amin.' Sabi niya, 'Huwag ganyan, Yanyan, matsitsismis tayo.'

"Si Jake naman, hindi ito yung first time na magtrabaho kami kasi nagkatrabaho na kami isang beses sa GMA bago siya lumipat. Nagkasama pa kami once sa Wag Kukurap.

"Si Sweet naman kasi, kasama ko na siya sa Show Me Da Manny, kaya sobrang kasundo ko na siya."

Kasama rin nina Marian sa Super Inday and the Golden Bibe sina Cherry Pie Picache, Mylene Dizon, Jestoni Alarcon, Sheena Halili, Buboy Villar, Jairus Aquino, Sabrina Mann, at Elijah Alejo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN