Carlos Agassi denies using steroids; sees this perennial issue as a compliment to the body he works hard to maintain

"Yung role ko dito si Ken, hindi naniniwala sa kasal. Yung character ko dito mahilig mag-workout, playboy," paliwanag ni Carlos Agassi sa role niya sa My Amnesia Girl.


Aminado ang Kapamilya actor na si Carlos Agassi na hindi na siya gaanong nabibigyan ng proyekto ngayon sa showbiz.

Ibang-iba ang estado ng career niya sa mga kasama niya sa The Hunks, ang grupong nagpasikat sa kanya. Ka-batch niya sa grupong ito ang ilan sa mga haliging male stars ng ABS-CBN ngayon: sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, at Diether Ocampo.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Carlos sa presscon ng pelikulang My Amnesia Girl, kung saan mayroon siyang supporting role. Ginanap ang presscon noong Martes ng gabi, November 16, sa Annabel's restaurant sa Quezon City.

Huling nakita ang 30-year-old actor sa ABS-CBN primetime series na Agua Bendita, na natapos na noong nakaraang Setyembre.

"Wala po silang ibinibigay na trabaho, e. Kung meron naman po, tapos okay naman, tatanggapin ko naman po. Pero walang offer, e.

"After Agua, suwerte ko, offer sa akin, itong movie with John Lloyd-Toni. So ngayon, di ko alam kung anong gagawin ko. Bakasyon?" saad ni Carlos.

Ayon pa sa kanya, hindi naman siya mapili sa role na ibinibigay sa kanya.

"Kahit ano—kontrabida, bida, support—kahit ano basta maganda yung role. Kasi , di ba, medyo matagal na rin ako sa industriya. So, maganda rin na iba yung ginagawa mo para refreshing as an actor, and para maipakita mo yung iba't ibang sides mo, di ba?"

OTHER WORK. Hindi naman daw nawawalan ng pagkakakitaan si Carlos kahit wala raw offer ang showbiz. May sarili siyang business bilang private personal trainer.

"'Pag wala po akong trabaho, like Agua or movie, full-time po akong nagpi-PT [personal trainer]," sabi ni Carlos.

"May gym po ako sa bahay, nagpi-PT ako. Kung gusto niyong magpa-PT, magtanong kayo sa Star Magic."

Naisipan daw ni Carlos na magtayo ng ganitong business dahil hindi siya bagay na tumulong sa negosyo ng kanyang mga magulang at kapatid.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi tinry kong minsan tumulong sa businesses ng parents ko, ng brother ko. Ang ending lagi, 'Ba't wala ka na sa TV?' 'Tas pa-picture, pa-ano.'

"E, kunwari, manpower agency. Mag-i-interview ka ng engineer. 'Tas puro pa-picture. Pag hindi mo tinanggap, 'Ba't sa TV, mabait ka?' E trabaho yun, di ba?

"Kunwari ilalabas mo yung employer galing Europe, galing Saudi, tapos maraming nagpapa-picture sa 'yo. So, medyo, hindi, e. Ito na lang, private personal training," paliwanag ni Carlos.

STEROIDS ISSUE. Itinanong din kay Carlos ang hindi mamatay-matay na isyung gumagamit siya ng steroids, isang performance-enhancing drug na tumutulong magpalaki ng katawan.

Dati nang inaakusahang gumagamit ng steroids ang aktor dahil nga sa napapanatili nito ang maskulado niyang katawan.

Negatibong isyu para sa mga bodybuilders at mga atleta ang paggamit ng steroids o anumang performance-enhancing drugs dahil nakikita ito bilang pandaraya sa nasabing mga larangan. Mabilis nga naman kasing makuha ang maskuladong katawan kapag gumamit ng steroids.

Ang pinakahuling isyu kay Carlos ay ang pagkakasakit umano nito dahil sa steroids. Nakita raw siya sa St. Luke's Hospital na nagpapagamot.

Itinanggi ni Carlos ang issue. Hindi nga raw siya madalas nagkakasakit.

"Thank you na lang, but so far, sa awa ng Diyos, dalawang taon, kahit sipon, di pa ako nagkakasipon... So far, wala naman po akong problema," sabi niya.

Ayon pa sa kanya, hindi siya nagpupunta sa nasabing ospital.

"Ang doktor ko po, ang ospital is ICare and Makati Med, kasi yung tito ko Makati Med. Dun ako tinuli. Pag nagkakasakit ako, yung Tito Dennis ko, siya yung doktor ko.

"Ang huling punta ko dun, napilayan yung kapatid ko, inoperahan yung tuhod niya, dahil sa basketball. Last two months, naoperahan yung pinky niya, so dinalaw ko siya. At, tapos last week, nagkasakit yung anak nila, so dumalaw ako. Wala naman sigurong masama."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ni Carlos, matagal na raw na malaki ang katawan niya, at hindi ito dahil sa steroids.

"Kung nakalimutan nila, na-discover ako sa commercial ng Rexona, may abs talaga ako saka malaki dibdib ko, hindi pa ako nagwo-workout. Baka nakalimutan nila yun," sabi nito.

Hindi raw biro ang pinagdaraanan niya araw-araw para ma-maintain ang ganitong katawan.

"Kung anuman ang iniisip nila, yun na yun. Sige, okay lang yun.

"Talagang ganyan na talaga yung katawan ko. Kasi, paggising ko, magwo-workout ako, empty stomach. Kakainin ko, kahit tanungin n'yo yung cast [ng My Amnesia Girl], kakainin ko itlog, magbabaon ako ng protein shake, ng mansanas.

"Actually, ano ako e, ova-vegetarian. Kasi egg white lang ako saka mga vegetables.

Saad pa niya, hindi naman niya itatago kung magkasakit nga siya dahil sa steroids.

"Kung meron mang magpapatunay, or magkaro'n man ako, I mean, ba't ko naman ikakahiya 'yon? Hihingi pa ako ng tulong n'yo na ipagdasal n'yo ako kung mamatay na ako, may sakit ako.

"Pero sa awa ng Diyos, at sana naman po, 'wag niyong hilingin na magkasakit ako. Ayoko po sana," saad nito.

Bakit nga ba hindi namamatay ang isyung ito laban sa kanya?

"Kasi parang siguro may ibang tao na, parang, unbelievable na 15 years na, na ganito yung katawan ko," sagot ni Carlos.

"I mean, na-achieve ko 'to. Sabihin ko lang po, hindi po 'to madali. Like, may mga nagpapa-PT sa akin, 'O ten sessions, gan'yan na katawan ko!'

"Siyempre, ayoko namang sabihin in a bad way, pero this took me fifteen years of eating well, lifestyle, working out... So, it's really hard work and discipline. Walang pupuwedeng ma-achieve nang madalian lang. At hindi ko po talaga goal na...

"Kasi, pag nag-steroids ka, lalaki yung buto mo, lalaki yung muscles mo. So, hindi ka pupuwedeng kagaya ko na lean lang na ganito, and then puwedeng lumaki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Forever ka nang malaki. Pangit po sa TV 'yon. Saka, pag ganyan yung ginawa ko, magko-compete na ko.

"E, hindi ako nagko-compete. Artista lang ako, nagpi-PT lang ako, di ba? Oo, lahat lalaki, hindi lang muscle 'yon. 'Saka, magastos po 'yon."

"So, sa akin, di ba? Compliment na lang 'yon. Compliment na hanggang ngayon, hindi pa ako namamatay at di pa ako gumagamit ng steroids. At once na gumamit po ako, sasabihin ko, kasi wala namang masama, e."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN